NABALUTAN ng takot at galit ang buong bansa nang pumutok ang balitang pinagbabaril hanggang mamatay ang mag-asawa at dalawang anak ng mga ito sa Himamaylan, Negros Occidental, gabi ng June 14.
Natagpuan ang katawan ni Rolly Fausto, 50 meters mula sa kanilang bahay.
Duguan na nakabalandra ang katawan sa bandang pintuan ang asawa niyang si Imelda, wasak ang bungo at tadtad ng tama ng bala ang kaliwa niyang binti.
Nakaladkad naman ang bangkay ng isang anak na batang lalaki sa likurang pintuan habang nasa loob ang bangkay ang isa pang anak na batang lalaki na mga edad 15 at 11.
Ayon sa pulisya, nagkalat ang basyong bala ng 53 M16 sa pinangyarihan ng masaker.
Sobrang nakakakilabot ang tanawing ito.
Naalala ko tuloy ang mas malalang massacre sa rehimen ng namatay na tatay at diktador:
Lupao, Jabidah, Daet, Escalante, Sag-od, Bacong Bridge, Manili, Palimbang, Pata Island, Tacub, at Tictapul.
Nagsisimula na naman ba uli?
Wag naman sana.
Ang mag-asawang Fausto ay parehong mga sakada o sugar workers at myembro ng Baclayan, Bito, Cabagal Farmers and Farmworkers Association ayon sa human rights group, Karapatan.
Ayon naman sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas farmers’ association, ang mag-asawang Fausto ay ni-red tag at naging biktima ng military harassment.
Sa ulat ng Karapatan, nagpunta ang mag-asawa sa office ng September 21 Movement sa Negros Occidental para i-report ang dalawang insidente ng illegal search and seizure.
Nangyari yan nitong April at May 4, 2023.
Hindi biro ang dami ng mga sibilyang naiipit at lumilikas dahil sa matagal nang bakbakan ng militar at rebeldeng New People’ Army.
Sa tala ng Karapatan, 3,908 civilian ang pwersadong pina-surrender nung 2022 habang 4,000 ang ikinulong dahil sa politically-motivated charges mula nang binuo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Mula 1969 hanggang 2008, may 43,000 na ang namatay sa Pilipinas na pinakamahabang rebelyon sa buong mundo
Kung hanggang kelan matatapos ang bakbakang ito, walang makapagsasabi.
Dahil hindi titigil sa rebolusyon ang mga rebelde hanggang hindi napasasakamay ang poder ng kapangyarihan na kanilang pinu-push.
Ito’y dahil patuloy ang paghihirap ng maraming Pilipino bunga ng malaganap corruption sa gobyerno, pagsasamantala ng malalaking landlords at agribusiness sa maliliit na magsasaka at paglimas ng multinational corporations sa yaman ng Pilipinas.
Paniwala ng mga rebelde, sila lamang ang tunay na magtataguyod ng kagalingan ng mga tao dahil sila ay galing din mismo sa mga hanay ng magsasaka, manggagawa at iba pang sektor na apektado at biktima ng hindi pantay na kalakaran at karahasan ng gobyerno sa mga taong namumulat at lumalaban
Dapat isipin ng magkabilang panig ang kaligtasan at seguridad ng mga ordinaryong mamamayan sa gyerang nagaganap at Bawat buhay na nalalagas.
Kailangang bumalik na sa negotiating table ang gobyerno at mga rebelde para patuloy hanapan ng solusyon ang mga problemang nagpapahirap sa mga Pinoy na nakaugat sa kaayusang panlipunan na pabor sa mayayaman.
Kailangang bumalik sa peace talks kahit mukhang imposible, dahil posible pa rin itong mangyari.
Kailangang ipursigi ang kapayapaan na nakabatay sa katarungan para angkinin at protektahan ng taumbayan.