MAHILIG ka bang sumingit sa pila? Yung gusto mo mauna ka kahit na nakita mong mahaba ang pila.
Yung ipipilit mong isiksik ang sasakyan mo kahit na nakita mo nang maayos na sumusunod ang mga naunang motorista sa mabagal na daloy ng trapiko?
Yung sisingit ka sa pila sa grocery store o supermarket dahil iilang piraso lang naman ang binili mo?
Yung makikiusap ka sa taong nakapila malapit sa kahera para ibili ka rin ng tiket para sa concert ng isang sikat na celebrity, tutal isang tiket lang naman ang bibilhin mo?
Yung uunahan mo sa parking space yung nauna sa iyong naghihintay?
Sa araw-araw na tayo ay nakikipagsapalaran sa buhay, wari mo ay sinusubok ang ating pasensiya ng mga taong pasaway.
Kung kailan ka nagmamadali, napakatrapik. Kung kailan gutom na gutom ka na, mahaba ang pila sa fastfood. Kung kailan pagod na pagod ka na, mahaba ang pila sa sakayan.
Parang nananadya ang tadhana.
Sa mga pagkakataong ito, nagtangka ka na rin bang sumungit para makauna?
Minsan, mapanganib ang pagsingit sa pila. Nauuwi sa sakitan, at sa malalang sitwasyon, may nasasawi.
Gawin nating halimbawa ang pagsingit ng mga drayber, maging motorsiklo o kotse o truck man ang minamaneho. Hindi nakakatulong sa daloy ng trapiko ang palipat-lipat ng lane, mas nakakaabala ito sa ibang motorista. Nakakainit ito ng ulo at minsan ay nauuwi sa away.
Isa pa sa halimbawa ng mga pasaway na motorista ay yung mga motorcycle driver na mahilig sumingit. Sa Lungsod ng Quezon, partikular na sa Commonwealth Avenue, naglagay na ng eksklusibong lane para sa mga motorcycle driver. Ginawa ito para maiwasan ang madalas na aksidente sa pagitan ng motorsiklo at ibang sasakyan.
Subalit, pasaway ang karamihan sa mga motorcycle driver. Pag alam nilang may traffic enforcer, lahat nasa eksklusibong lane.
Pero pag walang bantay, walang displina. At kung walang bantay, saan-saang lane makikita ang mga motorcycle rider. Balik sila sa dati nilang gawi na sisingit, mag-overtake, at pipinahan ang mga madaraanang sasakyan. ‘Di baleng tamaan nila side mirror o di kaya ay magasgasan gilid ng sasakyan. Dedma lang sila.
Ano man ang dahilan, nagmamadali ka man o gusto mo lang maka-isa, tandaan na ang pagiging pasaway ay hindi tama.
Lahat naman tayo ay pasaway, aminin natin. Maging ako man ay sumubok na ring sumingit.
Kaya, umayos tayo. Igalang natin mga nauna sa pila na matiyagang naghintay.
Huwag maging pasaway.