MULI’T muling ipinipinta ang magandang kahihinatnan ng pribadong empleyado, manggagawa o overseas worker na miyembro ng Social Security System (SSS) kapag siya ay nagretiro o kaya ay dumating ang takdang oras na umabot siya ng sapat na mandatory contributions.
Ang mga benepisyo sa ahensiyang pinapangasiwaan ng pamahalaan ay sinasabing magbibigay-kapanatagan sa sinumang miyembro dahil sa nakapaloob na mga benepisyo gaya ng pension, o lump sum (o refund ng kabuuang mga kontribusyon), sickness benefit, death benefits.
Tila takbuhan rin ng mga ordinaryong empleyado ang SSS para sa iba’t ibang pautang gaya ng calamity, multi-purpose, at salary.
Pinapautang ng SSS ang pinagsama-samang kontribusyon ng mga miyembro sa mga miyembro din na may kaakibat na tubo.
Ang kakatwa, wala namang dibidendo na natatatanggap ang mga miyembro at the end of the year para sa tinubo ng kanilang pera na ginawang kapital ng SSS at ipinautang o nilagak sa negosyo.
Kung tutuusin, sa napakahabang panahon, wala naman totoong pakinabang ang pribadong empleyado sa SSS kundi ang seguridad na makapag-ipon ng kaunti para sa panahong mawawalan na siya ng trabaho (either voluntarily (retirement) o involuntarily (nawalan ng trabaho.)
Kapanatagan ng loob.
Iyan lamang ang totoong ganansiya ng pribadong empleyado mula sa SSS. Na mayroon siyang matatanggap sa dulo ng mahabang panahong pagbabanat ng buto.
Ngunit taliwas sa kapanatagan ng loob, maraming retirado ang stressed sa sistema ng pagpoproseso ng benepisyo.
Stressed sa hirap ng online processing hindi dahil sa hindi techie kundi dahil may problema madalas ang website ng naturang ahensiya. Kung wala namang problema sa website, may kahirapan pa rin sa pag-access dahil may mga di kompletong impormasyon na hinihingi ng website. May mga templates sila online na kailangang baguhin para makasabay sa mabilis na advancement ng digital age.
Online na lahat ng filing ngayon ng SSS benefits. Subalit pumapalya pa rin ang ganitong kalakaran at kinakailangan pa rin ang pisikal na pagpunta sa mismong SSS branch. Dahilan upang gumastos paulit-ulit sa pamasahe o mahirapan sa pila at pag commute. Inconvenient sa maraming retirado, may kotse man o wala, ang magpabalik-balik sa naturang ahensiya.
Ipinagmamalaki rin ng SSS ang mabilis na processing sa ngayon ng mga dokumento. Minuto at araw lamang ang bibilangin (dati ay buwan) para sa paghihintay ng resulta. Labinglimang araw o 15 days lamang ang pagpoproseso umano sa retirement benefits. Ang funeral benefits ay limang araw.
Subalit press release lang ang 15 days. Masuwerte o isolated transaction ang totoong nakatanggap ng resulta sa loob ng labinlimang araw.
Maling Rekord at Overpayment
Matapos ang halos 10 taon ko bilang regular worker na may deduction sa suweldo at may katapat na kontribusyon ng employer ay napagpasyahan kong maging Voluntary Paying Member ng SSS. Dahil voluntary paying member na lamang, may mga patlang ang aking kontribusyon na umabot sa 89 ayon sa nakalagay sa website ng SSS.
Kamakailan ay napagpasyahan kong kamustahin ang aking record sa SSS.
Nagtungo ako sa Diliman Branch at napag-alaman ko na bilang voluntary paying, opsyon ko kung ihihinto ko na ang pagbabayad at kunin ang “lump sum” o kabuuang kontribusyon ko sa ahensya. Subalit syempre, nagkaroon pa ng pagkukumbinsi sa akin ang SSS na dapat ko daw ituloy upang ako ay makatanggap ng pension dahil kaunti na lamang ang kailangan kong bunuin na buwan para umabot sa mandatory na 120 months ng full contribution.
Pinili kong huwag nang ituloy.
Inadvise akong mag enrol muna online para sa rehistrasyon ng aking designated ATM na paglalagakan umano ng aking matatanggap na “lump sum”. For some reason, hindi nakuha sa isang subok ang aking enrollment. Matapos ang 10 attempts, nagpatulong na ako sa technician ng SSS.
After enrolment ng ATM, puwede na daw mag file online ng retirement. Na siya kong ginawa. Subalit ganoon din sa enrolment ng ATM, ayaw mag proceed ang aking online retirement application. Nagtungo muli ako sa SSS upang alamin kung bakit. Sabi ng SSS staff, manual filing daw ako. Which I did, kahit surang-sura na ako dahil nakailang balik na rin ako sa naturang ahensiya.
After manual filing, mas malaking problema ang kinaharap ko.
Kailangan daw muna hanapin yung lumang record ng unang opisina na pingtrabahuan ko, ang Business Day (ngayon ay BusinessWorld) dahil mali umano ang record na naisumite nila Nag overpayment umano ang opisina sa listahan ng SSS. At ayon kay Charlene Aloy, kawani ng SSS na umasikaso sa aking mga dokumento, aabutin daw ng tatlong buwan upang mahanap ang aking record.
Tatlong buwan! Muntik na akong tumalsik sa kung saan ako nakaupo. Paghahanap ng record sa loob ng tatlong buwan! Matapos ipagmalaki na nasa digital age na tayo at maximum ng labinglimang araw na lamag ang regular processing, paghahanap pa lamang ng record ko ay tatlong buwan!
Nakiusap akong makausap ang Acting Team Head ng section ng member ng SSS, si Ms. Joyce Soliman. Nangako siya na bibigyang kagyat na pansin ang reklamo ko. Idinamay ko na rin ang hinaing ng mga kasabayan ko na nakapila, mula pa sa iba’t ibang probinsiya na nagtitiyagang lumuwas ng madaling araw, para lamang mag follow-up ng kanilang mga benepisyo.
Sa huli, tila yata nakakalimutan ng ahensiya na ang perang nagpapagalaw sa ahensiya ay galing mismo sa luha, dugo at pawis ng mga manggagawang pribado. Tagapangasiwa lamang ang SSS sa pagmamay-ari ng mga empleyadong kinakawawa nila sa pila, at pinagmumukhang pulubi sa pagkuha ng kanilang lump sum o retirement benefits. Kung napakadaling maningil ng kontribusyon ang SSS dahil mandatory contribution ito, marapat lamang na mabilis din dapat ang pagbabalik sa miyembro ng kanyang mga takdang benepisyo sa ilalim ng SSS Law.