KASABAY ng pag-unlad sa isang lugar ang maayos na serbisyo ng tubig at tuloy-tuloy na suplay nito.
‘Yan ang inaasahan naming mga taga-Meycauayan at Marilao sa lalawigan ng Bulacan nang i-takeover ng Prime Water Corporation ang water supply sa aming mga lugar.
Pero imbes na maging maayos mula sa dating lokal na water district eh sumama pa ata at higit sa lahat ay tumaas ang kanilang singil.
Tulad ng dati ay limitado lamang sa halos ay apat na oras sa maghapon ang suplay ng tubig sa mga lugar na kanilang sineserbisyuhan bagay na tiyak na hindi magugustuhan ni Sen. Cynthia Villar kapag nakarating ito sa kanyang kaalaman.
Ang Prime Water ay pag-aari ng Villar family.
Natural lamang tumaas ang singil dahil sa kanilang investment pero ang hindi katanggap- tanggap dito ay ang halos tatlong taon na nilang paghuhukay sa mga kalsada sa lungsod ng Meycauayan at Marilao.
Hanggang ngayon ay parang sungkaan pa rin ang bahagi ng Mc. Arthur Highway na kanilang hinuhukay at tila hindi alam ng mga tauhan ng Prime Water kung ano ang kanilang ginagawa sa lugar.
Kung babaybayin ninyo ang Brgy. Malhacan sa Meycauayan patungo sa NLEX ay aabutin kayo ng siyam-siyam sa bagal ng byahe dahil sa mga hukay sa kalsada.
Yung mga natapos naman nilang lagyan ng mga bagong tubo ay tinabunan na lamang ng lupa at hindi man lamang nilatagan ng semento.
Ewan ko kung alam ito ng mga local official sa lugar lalo’t ang balita ay hindi naman sila nakatira sa mga lugar na kanilang pinaglilingkuran.
Kaya kawawa ang mga residente sa lugar na ito na dumaranas ng araw-araw na kalbaryo sa byahe dahil sa mga walang kwentang tagahukay at mga opisyal na walang malasakit sa kanilang nasasakupan.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]