UNA sa lahat, gusto kong magbigay-pugay sa isa sa pinakamamahal at iniidolo nating icon ng Philippine press freedom at ethical journalism practice na si Former UP Dean Luis Teodoro na namaalam Martes ng hatinggabi.
Personal na kilala at kaibigan natin si Dean Luis dahil nagpakita siya ng hindi matitibag na paninindigan para sa malayang pamamahayag.
Sa maraming laban ng media sa Pilipinas – freedom of information bill, right of reply bill, journalist killings kasama na ang Ampatuan Massacre, red-baiting, cyber attacks – consistent na kakapit-bisig namin siya lalo na sa maraming press freedom campaign ng National Union of Journalists of the Philippines.
Nakikidalamhati tayo sa lahat ng naiwang mahal sa buhay at mga nagmamahal kay Dean Luis.
Tuloy lang ang laban!
***
Nakalulungkot malaman na patuloy ang mga pag-atake sa demokrasya at mga kalayaang sibil sa maraming bansa.
Base sa assessment ng Freedom House sa kanilang World Freedom Report 2023, ito na ang pang-17 taon na patuloy na dumadausdos ang kalayaan sa maraming bansa.
Bagaman may ilang improvement sa 34 bansa, sa kabuuan, 17 percent lang ito ng 195 bansa at 15 territories na inaral.
35 bansa naman ang naobserbahan na bumaba ang pagtangan sa demokrasya.
Pero 67 bansa ang na-categorize na “not free” o 39% ng mga tao sa buong mundo ang nabubuhay na “hindi malaya.”
Ibig sabihin, ang kanilang mga karapatan ay binabalewala at sinusupil kadalasan dulot ng mga kudeta, pag-iral ng diktadura at mga armed conflict tulad ng Russia-Ukraine war.
Ang Pilipinas ay nananatiling nasa category na “partly free.”
Bahagya raw nag-improve ngayong 2023 sa score na 58 kumpara sa 55 nung isang taon pero, bakit mas mataas ang 2019 score na 61 gayung ang teroristang pamamahala ni Duterte ang sumasaklob sa sambayanan noon?
Ibig kasi sabihin nyan – mas improved ang kalayaan sa Pilipinas nung 2019 kesa ngayong 2023?
Weird lang. Hindi accurate ang instruments – assessment questions, scoring. Hindi ganoong angkop sa realidad ng global at local politics.
Hindi nailalantad ang mga tunay na ugat ng kawalan ng kalayaan ay ang paghahari-harian ng superpowers tulad ng US, China, Russia, UK at iba pa sa buhay at ekonomiya ng maliliit at mas mahihinang bansa.
Lumalabas sa report na ang pinaka-“malayang bansa” ay Nordic countries tulad ng Sweden, Norway at Finland na may score na 100 samantalang pinakamalalang bansa naman ang Tibet, Syria at South Sudan.
Kasama rin ang China sa kulelat mapanupil group na may nakasayad na iskor na 9 percent.
Nakalamang lang ng 7 points ang Russia sa score na 16 kaya dabarkads niya ang China sa grupong “not free.”
Ano naman ang estado ng USA?
Siya raw ay “free” na bansa sa iskor na 83 habang ang mother niyang imperialist country na United Kingdom ay 93 kaya “free”.
Nakakaintriga lang na ang US na numero unong War-Marites, sulsulero ng gyera, nananakop ng mga bansa sa makabagong panahon at nagdudulot ng pagdurusa ng milyon-milyong mamamayan sa buong mundo ay “malayang” bansa raw.
Sa Pilipinas, wag kalimutan na halos lahat ng presidente ay iniluklok sa pamamagitan ng iba-iba at pinagsamang modus at style ng US na lantaran at pasikreto.
Sagad-sagaran ang pananagasa sa mga karapatang pantao kasama ang ‘salvagings’ noon na extrajudicial killings ngayon lalo na laban sa tunay na democratic forces.
Iskema yan ng Amerika dahilan para masupil ang political at civil rights ng mga Pinoy.
Wala bang instrument ang independent democracy watchdog para ilantad ang mga pagpapanggap na ito na malaya ang US pero nananakop, nagmamanipula at tunay na nanunupil ng mga kalayaang sibil?
Kung partly free ang Pilipinas, paano naman yung nagdulot ng kawalan ng kalayaan sa bansa? Ang US government na “free” country pero sa likod ng category na yan ay dyablo ng kasamaan.
Gusto ko maniwala – pinaghuhugutan ang Freedom House sa kanilang classification ng malaya, di gaanong malaya at hindi malayang bansa.
Ano ang mga sukatan nila na malaya o hindi malaya ang isang bansa?
Paano nila iniiskoran ang mga bansa?
Meron silang listahan ng 25 freedom indicators at sa bawat isa at iiskoran ng 0 to 4, at 4 bilang highest or total of 100 (25×4).
Sinusuri raw nila ang electoral process, political pluralism at participation ng mamamayan, takbo ng gobyerno, freedom of expression at belief, karapatan sumali sa mga organization, rule of law at personal na kalayaan at karapatan ng mga indibidwal
Pero pinopondohan ito ng Google, Inc., The Hurford Foundation, Jyllands-Posten Foundation, Lilly Endowment, Merill Family Foundation at National Endowment for Democracy.
Sa report ng Quartz o qz.com, may naging parte ang Central Intelligence Agency (CIA) at National Intelligence Agency (NSA) sa operasyon at pagpopondo ng Google.
Sa report ng MRonline, maraming ex-CIA agents ang nagtatrabaho sa Google.
O, wag nang magtaka kung bakit nasa-surveillance kayo ng CIA.
Sa report naman ng Powerbase.info ang Project Democracy ng Reagan administration ay pinangasiwaan ng National Security Council sa pamamagitan ng public arm ng project na National Endowment for Democracy (NED).
Naidikit na rin dati ang NED sa CIA panahon ni Duterte.
Ang tunay na kalayaan ay masusukat lamang ng mga taong direktang apektado ng pambabalasubas sa kanilang mga karapatan.
Para sa akin ang bottomline nga riyan, kapag malaya na ang mga tao sa freedom from want o maging malaya sa gutom at ibang basic needs, dun masasabing may kalayaan ang isang bansa.