WALA pang paramdam si Labor Secretary Benny Laguesma tungkol sa kanyang mga konkretong gagawin sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Marami siyang sinabi noon sa kanyang mga interviews matapos na maanunsyo na siya na nga ang magiging DOLE secretary. Pero lahat ng iyon ay nagpapahiwatig na mukhang walang extraordinary na gagawin si Laguesma na mapaunlad ang buhay ng mga manggagawa.
Base doon sa mga narinig ko mula sa kanya, susubukan daw nyang balansehin ang interes ng manggagawa at interes ng negosyante.
Na-devolve na ang kapangyarihan at ahensyang mina-manage ng DOLE gaya ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na mapupunta sa Department of Migrant Workers (DMW). Dahil dito, mapo-focus na lang ang DOLE sa domestic labor issues.
Ilan sa mga major issues na kontrol ng DOLE ay ang mga labor and management disputes, pagsasagawa ng mga labor inspections, resolbahin ang Endo at ang malawakang kontraktwal na trabaho, at ang pagtatakda ng minimum wage.
Hawak din ng DOLE ang mga lisensya at rehistro ng mga manpower agencies o suppliers ng mga manggagawa sa mga kumpanya. Kabilang din sa kanilang mandato ang pagbibigay ng Alien Employment Permit.
Bago mangyari ang pandemic, agresibo si ex-Labor Sec. Bello na magregularize ng mga endo at contractual employees lalo na yung mga malalaking negosyo. Mayroon siyang listahan noon ng mga kumpanyang nagregularize na ng endo employees. Natigil iyon ng magka-pandemya.
May agam-agam ang mga progresibong labor groups kay Laguesma. Yan ay dahil umuugong na isa siya sa mga nagtatag umano ng malalaking manpower agencies na nagsu-supply ng mga Endo at contractual workers sa mga kumpanya at mga plantasyon.
Hindi rin positibo ang pananaw ng mga unyon sa kanya dahil sa hindi magandang sinapit ng mga Philippine Airlines Employees Association (PALEA) members noong hinawakan nya ang labor and management dispute ng Philippine Airlines (PAL).
Magparamdam naman sana si Sec. Laguesma kung ano ang plano nya bilang DOLE secretary dahil napaka-importante po ng papel ng mga manggagawa sa economic recovery na sisikapin gawin ng Marcos administration.
Ang tanong: ang dating Laguesma ba ang gagamitin ni Sec. Laguesma sa pagpapatupad ng mga labor policies and programs ng gobyerno o ang bagong Laguesma ba na magpapa-angat sa mga manggagawang alipin ng Endo at mababang sahod?