TINALAKAY ng aking pitak noong nakaraang dalawang linggo ang tungkol sa banta ng pagkalat ng mas malakas na Covid-19 Delta variant sa bansa at ang relasyon nito sa pagsisikap ng gobyerno na buksan ang ating ekonomiya matapos itong maghasik ng lagim, at patuloy na naghahasik sa Asya.
Simula bukas, Biyernes, ay magsisimula ang mas pinaigting na lockdown o ECQ sa Metro Manila matapos makitaan ng pagkalat ng Delta variant. Ayon sa isang panayam sa radyo kay Dr. Rontgene Solante, isang kilalang infectious diseases expert, ang dalawang linggong lockdown na magsisimula sa Agosto 6 hanggang 20 ay isa lamang sa mga pamamaraan ng pamahalaan na kontrolin ang pagdami ng nasabing covid-19 variant.
Ang dalawang linggong lockdown na ito ang magtutukoy kung mapapababa natin ang impeksyon at muli na namang buksan ang ekonomiya. Mas maganda sana kung tataasan ng IATF at LGU ang pagbabakuna sa loob ng panahon na ito upang nang sa ganon ay mas malaki ang tsansa ng Metro Manila na malampasan ang trahedyang ito.
Ayon kasi sa World Health Organization (WHO), malakas ang infection rate ng Delta variant na siyang nagdulot ng pagdaluyong nito sa mga bansang India, Indonesia, South Africa, Malaysia, Thailand, Vietnam, Myanmar at iba pang bansa sa Asya. Maging ang Tsina na alam nating nakawala na sa COVID-19 ay muling nagkaroon ng panibagong impeksyon o second wave lalo na sa Wuhan at ang dating kapitolyong Nanking.
Talagang nakakabahala ang mga news report lalo na sa kapitbahay nating Indonesia na nakakapagtala ng mahigit na 52,000 kaso kada araw, at dahil na rin sa taas ng viral load ng Delta variant ay maraming doctor at health care workers ang napabalitang pumanaw sa kabila ng pagiging bakunado na nila. Ang total covid death sa Indonesia ay umaabot na sa mahigit 98,000 at ang ganitong klaseng surge ay siguradong lalatay sa ating kalingkingan bilang isang bansa.
Ang mga nakaraang lockdown simula noong nakaraang taon ay naglantad ng mga kahinaan ng ating ekonomiya lalo na sa service sector, manufacturing, tourism at agrikultura.
Bukod sa ekonomiya, malaking latay din sa ating mental health ang matagal na lockdown lalo na’t marami sa ating mga kaanak, kaibigan at mga kakilala ang nababalitaan nating pumanaw ngunit wala tayong magawa kundi tanggapin ng may halong kalungkutan ang mapait na mga balitang ito.
Higit sa lahat, tumambad sa ating kamalayan ang kapayakan ng ating health care system at ang mga kakulangan ng ating paghahanda sa mga ganitong klaseng pandemya. Nakita naman kasi natin sa mga balita kung paano binaka ng Tsina at pinigil ang pagkalat ng virus sa Wuhan at kung paano din sila nakagawa ng bakuna habang ang ating mga lider ay nasa denial mode ng unang napabalitang pumutok ang community transmission sa ating bansa noong nakaraang taon.
Simula noon paikot na dumausdos pababa ang mga sumunod na tugon ng ating gobyerno at iniwan na sa pulis at mga LGUs ang pagpapatakbo ng Covid response na sa aking tingin at obserbasyon ay malayong-malayo sa pamamaraan ng mga bansang nakahanda.
Bakit ko nasabi ito? Ang karamihan sa mga trabaho kasi ay ibinigay sa mga retiradong heneral na ang tagapagsalita ay isang abogado at hindi doktor, at higit sa lahat hindi talagang mga health experts na nauwi na lang sa isang tabi.
Marami kasi ang dismayado sa response ng gobyerno dahil hindi naman daw solusyong pang seguridad/militar ang sagot kundi isang solusyong medikal. Bakit mo nga naman ilalabas ang baril mo kung ang kalaban mo ay hindi nakikitang virus?
Ayoko ring lumagay sa katayuan ng “the boy who cried wolf” lalo pa at napabalita ang mas nakakatakot na Lambda variant na ayon sa mga eksperto ay may mas malakas na resistensya laban sa vaccine.
Kaya’t marami ang nagsasabi ngayon na kung anuman ang kahihinatnan ng panibagong lockdown na ito kinakailangan nating baguhin ang mga ito sa pamamagitan ng isang paradigm shift; isang pagbabago sa ating pagtingin sa pandemic at ang pang matagalan nating paghahanda katulad ng paglagak ng pondo sa research and development, pagpapalakas ng ating health care system, pagtatayo ng imprastraktura at pag train sa mga health workers at reserve force.
Ang pagbabago kasi ay pwede nating simulan sa ating mga sarili, sa pamilya, sa komunidad, sa mga paaralan, sa gobyerno upang sa gayon ay maitawid natin kung anu pa mang sakuna ang pwedeng dumapo sa ating bansa na halos “normal” na lamang ang kalamidad tulad ng bagyo at lindol.
Hindi pa naman huli ang lahat.