Pangulong Ina ng Bayan

SA ilalim ni Pangulong Ferdinand E. Marcos – binartolina, ikinulong, inusig, nilitis, at sinentensyahang i-firing squad ng isang military commission si Benigno S. Aquino, Jr.

Makaraan siyang magpagamot sa US noong 1980, patuloy niyang nilabanan ang pamahalaang Marcos.

Tie a Yellow Ribbon

Bago naganap ang kakila-kilabot na pagka-martir ni Ninoy noong Agosto 21, 1983, masayang nagsisipagdiwang ang bayan sa kanyang napipintong pagbabalik.

Pinatutugtog ang Tie a Yellow Ribbon bilang pa-welcome at awit ng pagsalubong sa dating senador.

Nagtali rin ang mga tao ng kulay dilaw na ribbon sa bintana at bakuran ng kani-kanilang tahanan at opisina, pati sa mga puno.

Kargado ng mensahe laban sa diktador ang tila nagpipiyestang paghihintay ng bayan sa homecoming ni Ninoy:

“Tapos na ang maliligayang araw mo, Makoy!”

Post-Ninoy salvaging

Maningning, mapayapa, malumanay, at kalmadong-kalmadong simbolo, sentro, at rallying point ng bansang nagkakaisa at payapang nag-aalsa laban sa diktadurang Marcos si “Cory”.

Bukambibig ng mga tahanan at ng buong madla ang kanyang pangalan.

Cory ang tawag naming mga estudyante sa kanya.

Manunulat ako noon ng The Quezonian, ang opisyal na pahayagan naming mag-aaral ng MLQU, Manuel Luis Quezon University.

Di kukulangin sa dalawang pagkakataong nagtungo si Cory sa Monzon Hall ng MLQU, na nasa R. Hidalgo Street, Quiapo, Manila. Sa dalawang pagkakataong iyon – nakita, saglit na nakatabi minsan, at narinig ko siyang magsalita.

“Darating daw si Cory.”

Di na kailangan pang dugtungan ang mga salitang iyon. Tiyak kaming magsisipuntahan sa rali na kanyang dadaluhan sa MLQU, may klase man kami o wala.

Sa kanyang pagbabalik, puting-puti ang suot ni Ninoy.

Itim na itim naman, bilang pagluluksa, ang suot-suot ni Cory matapos barilin si Ninoy.

Sa dalawang pagkakataong nakita ko siya sa MLQU, nakaternong blusa at pantalon siyang itim.

Sa unang pagkamalas ko sa kanya, sumagi sa isipan ko: “Napakasakit ng dinanas ng taong ito.”

Subalit habang pinagmamasdan ko siya, wala akong mabanaag ni katiting na hinanakit, suklam, galit, o poot.

May malalim na lungkot marahil, na di mo rin maaaninag, subalit di mababakas sa kanya ni gahibla man ng panghihina ng loob o panggigipuspos.

Malalim, nakamamangha, ang katahimikan at kapanatagan sa kanyang puso.

Wala siyang katakot-takot.

Nakapalibot kami sa pakikinig sa kanya.

Dahil sa pananakot at kalupitan ng rehimeng Marcos, na kinamuhian at pinabagsak dahil sa panloloko, pandarambong, pagbilanggo, pagdukot, pag-torture, pagpatay, at sapilitang pagpapalaho (enforced disappearance) ng libo-libong aktibista, hati-hati ang mga tao:

Mga walang pakialam; mga takot; at mga “matagal nang takot”.

Si Cory, wala ni katiting na takot.

Di siya matinag-tinag.

Madam President

Dalawang taon, limang buwan, at ilang araw makaraang paslangin si Ninoy, naging Pangulong Corazon C. Aquino si Cory – “Tita Cory” sa marami.

Iniluklok siya ng lakas ng nagkakaisang sambayanan sa kapangyarihan, makaraan ang garapalang pandaraya ni Marcos sa snap elections noong Pebrero 7, 1986.

Napabantog sa buong mundo ang People Power Revolution sa EDSA.

Pakikiramay

Isang araw, noong siya na ang presidente, dumating nang walang kaabi-abiso si Pangulong Cory sa pinangyarihan ng isang landslide na kino-cover ko sa Muntinlupa, nasa katimugang Metro Manila.

Dati ’yong quarry.

Sa recollection ko, ikinasawi ng di kukulangin sa siyam o 11 katao ang landslide na nangyari bago mag-umaga. Mahimbing pa ang mga naninirahan sa pamayanan nang gumuho ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay. Umulan bago sila nilamon ng lupa.

Naroon ako bilang reporter. Tiningnan at tiniyak ko kung tama ang bilang ng labi ng mga nahukay na biktima. Base sa aking pagtatanong sa kaanak at kapitbahay ng mga biktima at isang miyembro ng recovery team, sa pagkakatanda ko, 11 ang nasawi, subalit siyam pa lamang ang nakita at nakumpirma kong na-recover. Hinahanap pa ang labi ng iba.

Naka-dress na kulay puti, lampas-lampasan sa tuhod, ang Pangulo. Sa mababang mababang boses, kinausap niya nang nakatayo, harapan, at malapitan, – malapit sa guhong tumabon sa nangasawi – ang nakaligtas nilang kaanak. Para siyang may tinanong, at sinagot naman, ng isang kausap na namimighating babae.

Nasa anyo ng Pangulo ang matapat at bukal sa loob na pakikiramay. Tahimik niyang inabutan ng tig-iisang puting sobre ang naroroong mga kaanak. Binigyan niya, ayon sa aking pagsisiyasat, ng halagang ₱10,000 ang bawat pamilyang namatayan.

Wala ni isang kumuha ng picture o video. Di nagsama ni isa mang reporter mula sa government TV o Malacañang Press Corps ang Pangulo. Wala ni isa mang pulitiko roon. Nag-verify ako kinabukasan kung may di ako nakuhang impormasyon tungkol sa kanyang pagbisita, pero wala rin akong natunghayang impormasyon sa ibang diyaryo na maaaring hinalaw mula sa isang press release na inisyu ng Malacañang tungkol sa personal niyang pakikiramay sa pamilya ng nangasawi.

Mukhang di niya ito ipinamalita.

Nang magtungo siya sa mismong guho, mabibilang mo sa daliri ang “close-in” ng Pangulo mula sa PSG (Presidential Security Group) na nangangalaga sa kanyang seguridad.

Nang masiguro kong tapos na siyang makipag-usap sa lahat ng kaanak ng mga namatay, nilapitan ko agad ang Pangulo upang kapanayamin. Paulit-ulit akong hinarangan at pinigilan ng dalawa niyang close-in, kahit naka-display sa dibdib ko ang aking press ID mula sa tanggapan ng The Manila Times at kahit halos katabi ko na ang Pangulo.

Pero naglubay sila, dahil malumanay akong hinarap, pinakinggan, at kinausap ng Pangulo makaraan akong magbigay-galang at magpakilala sa kanya.

Mapagkumbaba at magalang na sinagot ng Pangulo ang bawat isa kong tanong habang mataman siyang nakatingin sa akin.

Wala akong nakitang pagbabago sa kanyang pagkatao noong panahong nagsasalita siya sa mga dinaluhan niyang kilos-protesta sa MLQU at nang manungkulan siya bilang presidente.

Napakasimpleng tao.

Gaya ng sinabi sa akin ni Congressman Bonifacio Gillego: “Cory is incorruptible. The problem is the people around her.”

Embodiment si Cory ng ispiritwalidad.

Naroroon… sa isang naghihikahos, gumuho, at nagluluksang komunidad.

Taos-pusong nakikiramay.

Pangulong Ina ng Bayan.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]