Panganib dulot ng cell sites at sagot sa reader’s feedback

NOONG nakaraang dalawang buwan, may campaign signature ang aming homeowners’ association tungkol sa pagtatayo ng cell tower sa aming clubhouse area. Marami ang pumirma ng pagsang-ayon dahil ang ipinagmalaki ng mga gumawa ng petisyon na mga opisyales ng HOA ay ang buting idudulot nito sa pinansiya ng asosasyon.

Na tinanggihan ko, kasabay ng pagpapaunawa sa nagdala ng petisyon sa aking bahay na hindi ako pipirma dahil kailangan ng masusing information dissemination sa epekto sa kalusugan ng cell sites bago ito gawan ng campaign signature upang matalino ang maging pagtanggap o pagtutol ng mga tao sa suhestiyon na ito.

Red flag sa akin ang mga ganyang kontrata sa telekomunikasyon, lalo na at kalusugan ng publiko ang nakataya. Alam ko rin na hindi lugar ang isang subdibisyon para tayuan ng cell site, dahil ang mga cell sites ay dapat nakatayo sa malayo at hindi mataong lugar.

Maraming makinarya ang telecom companies upang palabasin na walang masamang idudulot ang cell sites or towers. Anila, mababa ang tsansa na makapagdulot ng panganib sa kalusugan ang mga ito. May ipinapakita din silang mga certification standards ng telecommunications commission na nagpapatunay na mababa ang radio frequency emission /microwave radiation ng cell towers.

Subalit mas marami mula sa medical field ang nagsasabing hindi sapat ang mga certificate standards na ito para sa proteksyon sa kalusugan ng tao. Ayon sa mga doctor na tutol dito, walang mga eksperto sa kalusugan o scientists na nakaupo sa komisyon dahil karaniwan sa mga miyembrong nag-certify ay nagmumula mismo sa telecommunications industry.

Ayon sa mga doktor, malakas ang ebidensya na nagdudulot ng brain cancer at iba pang sakit ang madalas na exposure ng tao sa radiation.

Kinumpirma ito ng World Health Organization International Agency for Research on Cancer na tinukoy ang radiation mula sa cell sites at cellphones bilang “Class 2B, Possible Carcinogen.”

Ang pagkakaiba ng cellphone at cell tower ay manaka-naka ang paggamit sa una samantalang ang sa cell tower ay tuloy-tuloy. Kung kaya ang panganib ng cell tower sa matataong lugar gaya ng subdibisyon ay “very significant” at nakakaalarma ayon sa mga health experts.

Ang isang batang mag-aaral na nakatira malapit sa cell tower ay nakalantad kada minuto sa panganib na ito, nasa bahay man siya o sa eskuwela.

Makikita ang masamang epekto ng radiation exposure na nagdudulot ng brain cancer sa loob ng halos 20 taon. Kung kaya ang panganib sa exposure ng mga bata sa radiation ay maaring hindi kagyat na makikita, pero mataas ang posibilidad na magkaroon sila nito sa darating na mga panahon, batay sa pag-aaral.

Maraming bansa, hindi lang sa Pilipinas ang nag-ulat ng pagtaas ng bilang ng leukemia patients sa mga lugar malapit sa cell towers.

Ang masaklap, hindi lang brain cancer o leukemia ang mga sakit na dulot nito. May mga pag-aaral din na may mga indibidwal malapit sa cell tower ang nakitaan ng mas mababang level ng hormones, at dumaranas ng madalas ng pagsakit ng ulo, pagkahilo, pagsusuka, irregular na pulso at bagsak na abilidad na matuto at sa kamalayan sa mga bagay-bagay. Ang panganib ay mas malakas sa mga bata, na exceptionally sensitive sa electromagnetic fields.

Ang paglalagay ng cell tower ay dapat malayong-malayo sa lugar kung saan may mga taong maapektuhan. Dapat isaalang-alang ang kalusugan bago ang ipagmalaki ang kaunlaran sa modernong panahon. Higit sa lahat, public health before corporate greed.

Reader’s Feedback

Isang reader ang nag-react sa column ko na lumabas December 16, tungkol sa Conflict of Interest https://www.facebook.com/107572388054330/posts/291107396367494/ at alleged grave abuse ng incumbent HOA officers ng Cortijos de san Rafael.

Nabasa ko ang comment ilang weeks na ang nakakaraan at sa katunayan ay ipinost ko din sa aking private timeline upang ang publiko na mismo ang humusga sa aking sinulat.

Narito ang feedback mula kay Jhong Aoanan;

“Magandang gabi po sa kinauukulan, nais ko po sanang magbigay ng kumento sa Inyong isinulat o iniulat, tungkol sa Conflict of interest. Hindi baga lumabas lamang ang Inyong pagka biased o one sided lang kayo. Bago niyo sana ini labas sa social media ay dapat niyo munang kinuha ang panig ng kabila. Lumalabas lamang na Mayroon kayong kinikilingan.ls that fair reporting?. You are irresponsible journ…”

Totoo namang iprinisinta ko ang panig ng nagrereklamong homeowners at wala ang panig ng inirereklamo. Walang question doon.

Ang sabi niya sa feedback ay mayroon akong kinikilingan, unfair ang reporting ko, tiwali at iresponsableng journalist ako. May nalalaman pa siyang due process of law.

Diyan sa mga alegasyon na yan ako papalag. Unfair reporting?

Opinion/commentary writer po ako at hindi news writer na kailangan ng both sides of the story bago ipublish. Huwag mo po akong lektyuran sa pagsusulat; mahigit tatlong dekada na ako sa propesyon na ito at sinasala ko ang bawat salita na ginagamit ko.

Buong ingat ko itong ginagawa dahil isinasapuso ko ang responsible journalism, hindi ang envelopmental journalism. Ito man lang ang maging legacy ko sa mundo.

Tiwali at iresponsableng journalist.

Magpakita ka ng katibayan ng katiwalian ko at sasagutin kita sa legal na paraan.

Malinaw sa sinulat ko na bukas ang aming news outfit sa feedback ninyo at sagot sa mga alegasyon ng nagrereklamo. The word alone na “alegasyon” means na ito ay hindi statement kundi mga tanong na nanghihingi ng kasagutan. Pero imbes na sagot sa mga alegasyon sa inyo, ang ibinato niyo ay akusasyon sa sumulat. Don’t shoot the messenger. Hindi ako ang kalaban. Tagapamagitan po ako.

Due process of law.

Minsan talaga ang maliit na kaalaman ay mapanganib.

Estudyante rin po ako ng batas at alam ko ang termino na due process of law. Hindi rin ako korte para maghatag ng due process na sinasabi ninyo. Unang-una, may napatunayan na po bang naagrabyado? Or are you just gaslighting?

Salamat sa feedback kahit ito ay hindi kaaya-aya. Ibig sabihin ay binabasa ninyo ako. Open pa rin po ako at ang Publiko sa sagot ninyo sa mga alegasyon sa column ko. Pakisagot po punto por punto ang alegasyon at kung makita kung worthy ay bibigyan ng puwang sa susunod na column. Otherwise, maraming pambansang isyu na dapat talakayin.

Maligayang Pasko sa inyong lahat!


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]