Panata sa kalikasan

MULA General Nakar, lalawigan ng Quezon patungong Malacanang, siyam na araw na naglakbay (mula Pebrero 13) ang may 300 katutubong Dumagat/Remontado para tutulan ang operasyon ng Kaliwa Dam na napag-alamang itutuloy sa kabila ng malawak na pagtutol ng mamamamayan. Nauna rito ay hiniling nilang ipawalang-bisa ang maanomalyang memorandum of agreement (MOA) na nagsasaad na sumasang-ayon sila sa pagtatatag ng megadam.

Ang megadam site na sumasakop at malapit sa kabundukan ng Sierra Madre ay pag-aari ng Dumagats at Remontados sa ilalim ng Certificate of Ancestral Domain Title. Ang kanilang mga naitatag na komunidad ay nakailang salinlahi na, na siya umanong batayan ng kanilang karapatan sa lupain, gaya ng isinasaad ng Indigenous People’s Rights Act of 1997.

Kagyat ang panawagan na itigil ang China-funded water infra dahil sa umuukilkil na isyung pangkalikasan, pangkabuhayan at tenurial rights ng mga katutubo.

Matagal at masalimuot na usapin ang Kaliwa Dam. May samu’t saring isyu ng panunuhol, panggigipit at laglagan sa pagitan ng kapwa katutubo sanhi ng kompensasyon na pinag-aawayan. Mayroong mga nanatiling naninindigan na ipaglaban ang lupaing kinagisnan habang ang iba ay naakit tumanggap ng kompensasyon kapalit ng boluntaryong paglisan sa lugar. May akusasyon na ang ahensiya ng gobyerno na nangangasiwa sa karapatan ng mga katutubo ang mismong nakikipagnegosasyon umano para sa mga ito.

Ang P12.2 bilyong proyekto, na tinawag na New Centennial Water Source Kaliwa Dam Project ay inaasahang makokompleto sa susunod na dalawa at kalahating taon mula ngayon, o sa kalagitnaan ng 2026 at makakapagsimulang magsuplay ng tubig sa 2027.

Matatandaang naging agresibo ang administrasyong Duterte sa Kaliwa Dam project noong 2019 bagamat ang ideya ng megadam ay noon pang 2013 bilang bahagi ng water source augmentation measures ng Metro Manila Water Security Plan.

Sa pagnanais ng nakaraang administrasyon na makakalap ng bilyong pondo para sa infra program nito, hindi natinag ang noon ay Duterte administration sa kabila ng mga pagtutol na ituloy ang pakikipagkontrata sa Tsina, kahit pa nalagay sa panganib ang soberenya ng bansa.

Ang argumento ng pamahalaan ay malaking tulong ang megadam para mapadaloy ang sustenidong generation ng suplay ng tubig at enerhiya sa bansa. Karagdagang 600 milyong litro ng tubig kada araw para sa Metro Manila at karatig-probinsiya ang umano ay mapapakinabang dito.

Subalit hindi isinasaalang-alang ang lawak ng masamang epekto nito sa mga palayan, komunidad at watershed areas. Not to mention na ang inutang na halaga para sa pagpapatayo nito mula China ay may napakataas na interes na ang papasan sa huli ay taumbayan din. Ang masaklap, ang enerhiya at tubig na magmumula dito ay hindi na kakayaning bayaran kada buwan ng konsyumers dahil napakamahal.

Malaking palaisipan din sa mga kritiko kung mas matimbang sa pamahalaan ang material na ganansiya o tubo kesa sa kaligtasan ng buong bansa sa mga kalamidad.

Sinasabi kasi sa mga pag-aaral na malawakang pagbaha ang magaganap sakaling ituloy ang megadam project. Hindi umano magkakaroon ng paghilom kapag kalikasan ang nawasak.

Litanya pa ng isang Remontado, “Ang pagtatayo ng megadam ay nangangahulugan ng kamatayan sa aming mga katutubo. Ang kagubatan, ang kapaligiran, ang mga ilog ay nagsisilbing ospital sa amin dahil sa mga halamang herbal; ito rin ang pinagkukunan namin ng pagkain at mga batayang pangangailangan. Dito buhay ang aming kultura. Kung kami ay itataboy dito dahil sa konstruksiyon ng megadam, mangangahulugan ito ng aming kamatayan, dahil ito lang ang paraan ng pamumuhay na aming nakasanayan.”

Ikinalungkot ng ilang katutubo ang ginagawang manipulasyon ng ilang taga gobyerno upang magkawatak-watak sa paninindigan ang kanilang tribu. Hindi rin sila komportable sa presensiya ng mga sundalong aali-aligid sa lugar nila, diumano upang protektahan sila mula sa mga komunista at taong labas.

Marami pang kuwento ng panggigipit ang naitala, gaya ng kuwento tungkol sa isang paring Redemptorist na nangunguna sa adbokasiya upang protektahan ang Sierra Madre. Aniya, isang kasamahan niya ang kada umaga ay pinapatungga ng whisky ng grupo ng mga sundalo dahil tumatanggi siyang isuko ang karapatan sa lupain. Nagresulta ito sa atake sa puso na sanhi ng kanyang kamatayan.

Huling Kanlungan

Kaakibat ng isyu ng Kaliwa Dam ang isyu para paigtingin ang proteksyon sa sinasabing last frontier o huling kanlungan ng mamamayan sa umiigting na pagsalanta ng kalamidad_-ang bundok Sierra Madre.

Matatandaan na noong Setyembre ng nakaraang taon, matinding paghahanda ang isinagawa dahil sa bagyong Karding. Sinasabing ito ang pinakamalupit na bagyo na may kategoryang Hurricane 5 batay sa pandaigdigang sukatan. Buong atensiyon ay tumutok sa inaasahang napalaking trahedyang magaganap. Bumaha rin sa social media ang orasyon para sa kaligtasan.

Subalit ang hindi inaasahan ng lahat, hindi kasing lupit sa inasahan ang naging mga kaganapan. Diumano ay iniligtas ng bundok Sierra Madre ang mga mamamayan mula sa naturang kalamidad. Lumihis ang bagyo dahil dito. Pinahina ng bundok Sierra Madre ang nagngangalit na hangin at malakas na ulan. Napag-alamang ang istruktura ng bundok ay sadyang ginawa para salagin nito ang galit ng mapanirang kalamidad.

Ngunit may nagbabantang panganib sa Sierra Madre: ang pagtatayo ng Kaliwa Dam. Nanganganib ito sa man-made infrastructure kaugnay ng industriyalisasyon at mapanirang aktibidades gaya ng pagmimina at pagtatayo ng pribadong mga negosyo.

Kapag humina ang pundasyon ng Sierra Madre dahil sa mga aktibidades na ito, asahang manganganib din ang buong Luzon sa panahon ng kalamidad.

Kung kaya walang kagyat na panahon kundi ngayon para paigtingin ang panawagang isalba ang Sierra Madre. Isalba ang tanging kanlungan ng mamamayan sa pagpigil sa kalamidad.

May uusbong na ARISE Sierra Madre Movement ngayong Marso para mamanata na ipagtatanggol ang Sierra Madre. Isa ang inyong lingkod sa magtataguyod ng adbokasiyang ito.

Maraming grupong nag-umpisa at nawala, hindi na ito dapat na maulit pa. Hindi usaping pera kundi boluntaryong gawa upang maging sustenido ang muling pagtatanim (reforestation) ng kahoy sa ating mga kagubatan.

Hindi negosyo ang adbokasiya sa kalikasan.

Kaligtasan bago kita! Boluntarismo bago komersiyalismo.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]