Palpak ang isa pang ‘MRO’ ni Imee

MAINTRIGA at magulo talaga ang opisina ni Senator Imee Marcos. Kamakailan kasi, ayon sa ating “nguso” sa Senado, nagwawala at galit na galit na naman daw si Imee at gustong manibak dahil bukod sa hindi maayos na trabaho ng ilang staff, bibihira rin lumalabas ang kanyang istorya sa media.

Hay naku, mukhang kumikilos na naman ang malditang intrigador sa tanggapan ni Imee, at sa bawat sulsol na gagawin nito, tiyak kawawa ang masasagasaang empleyado dahil sa malamang na masibak sa kanyang puwesto.

Mabalasik ang bawat sulsol ng malditang intrigador at kayang-kayang mapaniwala si Imee sa mga ‘palutang’ na tsismis at mahirap salagin dahil sa mukhang napapaikot ang senadora sa sasabihin nitong mga kasinungalingan.

Pansinin ang bagong Media Relations Officer ni Imee, sa kabila ng pagiging ‘kamote’ sa trabaho, hindi man lamang makanti sa kanyang puwesto dahil ang malditang intrigador ang padrino nito.

Dapat malaman at ilagay sa kukote nitong MRO na ang kanyang pangunahing gawain ay koordinasyon sa media at siguraduhing lalabas ang istorya ng senadora. Hindi ‘yung magtataray, magsusungit at mamimili ng kakausaping reporter dahil tiyak sa basurahan pupulutin ang PR ni Imee.

Mabuti pa pala si Flor, kahit na sabihing merong mga kahinaan bilang dating MRO ni Imee, higit naman na may pakinabang kasi marunong mag-alaga ng mga Senate reporters at marunong din makipagkaibigan.

Teka nga, sino ba ang MRO ni Imee? Palpak kasi!

Ang problema naman kay Imee, sobrang takaw sa media exposure at gusto laging dominado ang laman ng tabloid, broadsheet pati radio. Hindi na nakuntento sa isang-beses-isang-linggo ang labas ng istorya at araw-araw dapat ang balita tungkol sa kanya.

Pati nga sa social media ni Imee, kahit walang kawawaan at wala ring kakuwenta-kwentang content ay pinapatulan para lang mapag-usapan at masabing busy, nag-iikot at nagtatrabaho.

Diyos ko at pati pala si Darryl Yap ay pinayagan na rin ni Imee na gumawa ng press statement? Tawanan tuloy ang mga reporter sa Senado nang mabasa nila ang PR ni Darryl dahil sa sablay ang pagkakagawa nito.

Ano ba ang nangyayari kay Imee? Huwag kasing makunat at magtipid kung gusto talagang makuha ang simpatya ng mga reporters. Payo lang kay Imee, sa darating na Pasko, itigil na ang pamimigay ng chichacorn. Please lang, nakakaumay noh!

                                     ***

Abangan! Malapit na!

Panoorin ang aming bagong vlog kasama ang beteranong mamamahayag na si Jimmy Alcantara. Tatalakayin ng programang Ah, Basta! ang mga maiinit at napapanahong isyung pulitikal, showbiz at tsismis ng mga Marites sa bawat eskinita, looban, kanto at plaza.