Pagpupugay sa husay at galing ng Pinoy Inventors

PAMILYAR ba kayo sa meat grinder, coconut grater, rice grinder at ice shaver  para naman sa paborito ninyong halo-halo?  Apparently, katulong sila sa food processing para madali at mabilis ang trabaho kung kayo ay nasa fastfood business o may sariling karinderya.

In case hindi pa alam ng ilang madlang pipol, lalo na ng kasalukuyang henerasyon, Pinoy ang imbentor ng mga gamit pangkusina na yan. Inimbento rin ni Benjamin Almeda Sr. ang hot dog griller, waffle cooker, barbecue cooker at portable toaster.

Prolific inventor si Almeda at hindi basta-basta ang mga imbensyon nya dahil napakalaking tulong sa komersyo at food business.

Dahil sa kanyang imbensyon at lumalaking demand sa kanyang food processing machines, itinayo niya ang Almeda Cottage Industry noong 1954 (na ginawang Almeda Food Machineries Corporation).

Humakot siya ng mga papuri at higit sa lahat, national at international recognitions at awards.

Ayon sa ThoughtCo.com, tumanggap si Almeda ng Panday Pira Award for Skilled Technician 1977 at Gold Medal mula sa World Intellectual Property Organization (WIPO). 

Hindi nakapagtataka at nararapat lamang na rito sa Pilipinas, tinagurian siyang Father of Filipino Inventors.  

With due respect sa napakaraming Pinoy inventors at innovators, hindi ko na nabanggit ang kanilang imbensyon at kung may nabanggit ako, hindi ko sinabi ang mga inventor dahil representasyon lang ang mga sampol na kinuha ko para ipaalala sa bayan at sa gobyerno ang galing ng mga Pinoy na dapat suportahan at pondohan lalo na’t hindi matatawaran ang kanilang mga kontribusyon sa ekonomiya.

Anyways, Gold medalist din sa WIPO ang Pinoy inventor ng Sing-Along System (SAS) o Karaoke na si Roberto Del Rosario na alam kong mas kilala ng mga Pinoy dahil hilig nating mag-karaoke.

Pero bihira ang nakakaalam na dumaan siya sa matinding sakripisyo at laban para maipanalo ang patent ng kanyang imbensyon laban sa mga pirata.

Sa kwento ng Inventions and Innovations, A Glimpse of the Filipino Legacy ni Virgilio L. Malang, Ph.D., minsan na kasing nagkaron siya ng Japanese guests na executives at technicians na nangakong susuportahan siya sa production at marketing ng kanyang SAS.

Pero nadiskubre niyang ginaya ang kanyang imbensyon ng mismong Japanese guests na may-ari ng mga kumpanyang gumagawa ng electronic instruments sa Japan bagaman hindi kinikilala roon ang kanyang SAS/ Karaoke.

Dumaan din ang ilang taon,  naisipan ng Japanese manufacturers sa Pilipinas gawin ang produksyon ng kanilang ginayang musical device dahil mas mura ang labor dito kesa sa Japan. 

Pero ayon sa Inventions and Innovations,  tila nalimutan ng mga Japanese ang pangongopyang ginawa nila sa imbensyon ni Del Rosario sa manufacturing project nila sa Pilipinas

Ang ginawa ni Del Rosario, kinasuhan niya ang Philippine manufacturers hanggang umabot sa Supreme Court.

At noon ngang January 1997, nagdesisyon ang SC pabor kay Del Rosario, pinagtibay ang karapatan niya sa intellectual property at damages na idinulot ng pangongopya sa kanyang imbensyon.

Sa listahan ng Inventions and Innovations, napakarami ng imbensyong Pinoy tulad ng Solar Cooker, Rotavator Wheel for Upland Cultivation, Multi-Purpose Dehydrator, Multi-Rows Direct Seeder at Games of the Generals.

Meron ding mga sandata tulad ng Recoilless Automatic Firearms, Truncheon with Teargas Dispenser, Pistol Shotgun at Anti-Riot Ammunition.

Hanggang sa mga panahong ito, nagpapatuloy ang inventive minds ng mga Pinoy at nakakatuwang isipin na dumarami ang mga kabataang nahihikayat magdiskubre, magbutinting hanggang makabuo ng mga makabagong imbensyon o pagandahin pa ang mga nandyan nang imbensyon sa pamamagitan ng innovation.

Ang innovative idea halimbawa ng anim na estudyante ng Technological Institute of the Philippines (TIP) na gamitin ang flour o arina bilang sangkap sa paggawa ng ‘edible cutlery’ para mabawasan ang polusyon ng plastik sa Pilipinas.

Ang proposed research project nila na “Edible Cutleries with Biodegradable Packaging as an Alternative to Single-use Plastics”, ay parte ng kanilang Tech 101 Engineering and Entrepreneurship class.

Naisip nilang ang ‘edible utensils/spoons/forks’ ito ay pamalit sa single-use plastic spoons/forks na maramihang gamit sa mga restaurants at fastfood at kadalasan ay itinatapon pagkagamit. 

Marami sa single-use plastic tulad ng mga kubyertos ay napapadpad sa karagatan dahil na rin sa paglago ng turismo sa mga seashore, beaches, resorts na nagsisilbi ng mga pagkain. 

Pag naitapon nga naman ito ng mga salaula sa bodies of water, makakain ang edible cutleries na ito ng mga isda nang hindi sila mamamatay.  

Dahil main ingredients nito ay  tubig, glycerin at gelatin, nalulusaw o biodegradable ito after two years. 

Kaya naman naka-third place ito sa 2023 Swiss Innovation Prize Competition, Sustainability category, na inorganize ng Embassy of Switzerland in the Philippines, September sa pakikipagtulungan ng Swiss Cultural Fund at Swiss Chamber of Commerce.

Patuloy itong tinatrabaho nina Stanley del Rosario, ELyza Marielle Camiguing, Amiel Salvania, Emmanuelle Dave Santos, Faron Jabez Nonan at John Paul Fernandez. 

Trivia: Balita ko, makapipili pa kayo ng flavors ng kutsara at tinidor na gusto nyo gaya ng vanilla, strawberry, chocolate, mustard at pandan.