Pagpapala

IPINAGDIRIWANG natin ngayong Setyembre 8 ang kaarawan ng ating Mahal na Inang Maria (“Blessed Mother”).

Bilang tagapagbago ng ating lipunan, marami tayong ipinagpapasalamat sa walang-humpay at banal na paggabay at pagpapala ng ating mapagkalingang Ina sa sambayanang Pilipino.

Una, nagpapasalamat tayo sa matatapat na servant leaders ng Commission on Audit at kina Risa Hontiveros at iba pa nating senador sa kanilang imbestigasyon at pagsisiwalat ng hinihinalang katiwalian at pangungulimbat ng pamahalaang Duterte sa kabang-yaman ng ating bayan, sa gitna ng masidhing pananalasa at pagkitil ng libo-libong buhay ng pandemyang Covid-19.

Nagpapasalamat din tayo sa mga kawal ng ating Philippine Navy at Philippine Air Force sa patuloy nilang pag-surveillance at pagtatanggol ng ating territorial sea, air space, at exclusive economic zone, partikular sa West Philippine Sea.

Nagpapasalamat tayo sa Commission on Human Rights sa pagiging masugid na tagapagbantay, tagapangalaga, at tagapagtanggol ng ating karapatang pantao.

Nagpapasalamat tayo sa ating human rights lawyers, human rights defenders, at environmental defenders na walang pag-aatubili’t walang takot na naglalantad at lumalaban sa human rights violations na isinasagawa ng makapangyarihan laban sa ating kababayan at Inang-Kalikasan.

Nagpapasalamat tayo sa mga journalist at mamamahayag sa patuloy nilang pagsasaliksik at pagbubulgar ng corruption at mga pang-aabuso’t kalabisan ng gobyernong Duterte.

Nagpapasalamat tayo sa ating mga anak-bayan sa kanilang walang atrasang pagsisikhay na igiit ang mga demokratikong karapatan, kalayaan, at kagalingan ng taumbayan.

Nagpapasalamat tayo sa lahat ng demokratikong puwersang nangangalaga ng ating mga demokratikong institusyon at nagsusulong ng matapat, patas, at malayang halalan sa darating na 9 Mayo 2022.

Bilang taga-tala ng sarili nating kasaysayan, harinawa’y pagpalain tayo’t bigyan ng talino, tapang, at lakas ng ating Mahal na Inang Maria upang sama-sama nating kamtin ang katarungan at lutasin ang mga isyung lumalatigo sa bayan:

Kabuhayan.

Pag-ahon mula sa pandemya.

Pag-iimbestiga at pagsasampa ng kaso, kung kinakailangan, laban sa magkakasabwat sa pagpapalobo ng presyo ng face mask at face shield, alinsunod sa report ng Commission on Audit at sa sariling imbestigasyon ng Senado.

Pag-uusig sa matataas na opisyal ng gobyernong sangkot sa corruption.

Pagtatanggol ng ating pambansang teritoryo, soberanya, at West Philippine Sea, laban sa panghihimasok at pang-aagaw-teritoryo’t yamang dagat ng China.

Pag-iimbestiga at pagsasakdal ng International Criminal Court kay Pangulong Rodrigo Duterte at matataas na opisyal kaugnay ng kanila umanong pagsasagawa ng malawakan at sistematikong pagpatay ng tinatayang 12,000 hanggang 30,000 sibilyan.

Nagpapasalamat tayo sa ating Mahal na Inang Maria sa kanyang buong pagmamahal na pagkalinga sa ating bayan.

Sa kanyang banal na pagpapala at pamamatnubay, nawa’y pag-ibayuhin pa natin ang pagyakap sa Liwanag at Pag-ibig ng Poong Maykapal (“Allah”).


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]