Paglulubid-buhangin ng Malakanyang

NILILIGAW ng Malakanyang ang isyu hinggil sa napipintong imbestigasyon kina Rodrigo Duterte ng punong taga-usig ng International Criminal Court kaugnay ng todo-todong pamamaslang na kanila umanong ipinag-utos at isinagawa sa ngalan ng “digmaang kontra-droga”.

Soberanya

Usaping panloob diumano ng ating bansa ang pag-iimbestiga, pagsasakdal, paglilitis, at pagpaparusa sa sinumang responsable sa targeted killings ng tinatayang 12,000 hanggang 30,000 sibilyan sa ating bayan.

Puwes, di dapat umano itong “panghimasukan” at “pakialaman” ng mga dayuhan. Mga awtoridad ng Pilipinas lamang, anila, ang nararapat at bukod-tanging may kapangyarihang mag-imbestiga, magsakdal, maglitis, at magparusa sa sinumang maysala. Labas ang ICC sa mga pangyayaring panloob ng ating bayan.

Pinalalabas nilang pangayuyupapa sa dayuhan ang katumbas ng imbestigasyon ng ICC.

Sa unang tingin, mukha nga namang makatwiran ang kanilang sinasabi. Tama nga lang, kung ating pakikinggan lamang, at di na pakasusuriin pa. Lalo pa’t hawak nila, kaliwa’t kanan, ang mga peryodiko, social media, telebisyon, at radyo. Mga boses at pahayag nila ang paulit-ulit at halos bukod-tanging napakikinggan ng ating mga kababayan.

Makabayan pa ang dating ng kanilang tindig sa madla. Kung mag-aasta, animo’y mga bayani silang nagtatanggol ng dangal at kalayaan ng ating lipi.

Ang di nga lang nila direktang sinasabi at ang tutoong gusto nilang mangyari: sa atin-atin na lang ‘to at di dapat idawit si Duterte sa anumang imbestigasyon, sabihin mang siya ang promotor at tagasulsol umano ng mga patayan.

Insulto sa ating bayan, sigaw pa ng Malakanyang, ang ginagawa ng ICC. Bakit raw hindi? Sa pag-iimbestiga ng crimes against humanity sa anyo ng murder, torture, at other inhumane acts, tila pinalalabas umano ng ICC na di gumagana ang sistema ng hustisya sa ating bayan. Puwes, insulto ito sa ating mga Pilipino.

Habang idinedeklara nila ang mga linyang ito, umaasta pang ubod ng pagkamakabayan at pagkamaka-Pilipino ang mga opisyal ng Malakanyang. Pinalalabas nilang hinahamak tayong mga Pilipino ng ICC.

Fall guys

Kaya malamang, ilalaglag nila ang ilang piling trigger at direktang sangkot sa kill operations para lang palabasing may hustisya sa Pilipinas.

Mga ordinaryo at dispensable na pulis at hitman lang ang kanilang kakasuhan para palitawing gumugulong ang hustisya. Kaya di na kailangan, palilitawin nila, ng ICC chief prosecutor na mag-imbistiga.

Pero sandali lang.

Pansining nilalaro ng Malakanyang ang sentimyentong makabayan nating mga Pilipino. National pride ang kanilang ipinangtatapat na argumento laban sa ICC.

Napakatamis ng kanilang dila.

Pinalalabas nilang niyuyurakan, iniinsulto, at kinakalaban ng ICC ang buong bayan.

Subalit wala nang lalayo pa sa katotohanan. Paglulubid-buhangin ang gayong pahayag ng Malakanyang.

Malabo naman talagang imbestigahan ng PNP, NBI, at DOJ sina Duterte. Mismong si Duterte ang nag-appoint sa mga nakapuwesto rito. Kaya suntok sa buwan ang umasang iimbistigahan nila si Duterte kaugnay ng targeted killings na naganap at patuloy na isinasagawa ng pulisya at kanilang hitmen.

Isa pa, bilang punong ehekutibo, nakapailalim sa kapangyarihan ni Duterte ang PNP, NBI, at DOJ. Walang magagawa, sapagkat hawak niya sa ilong ang mga ito.

Isa pa, ayon sa desisyon ng ating hukuman, may angking immunity mula sa mga habla ang nakaupong presidente.

Kaya wala talagang kapag-a-pag-asang iimbestigahan ng mga awtoridad sa Pilipinas si Duterte. At mas lalong di siya ipagsasakdal at pananagutin, kaugnay ng pagpapapatay ng libo-libong katao sa ating bayan.

(Sa susunod, tatalakayin natin ang ubod at kasaysayan ng Rome Statute of the International Criminal Court sa Pilipinas.)

Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]