Pag-atras ni Duterte sa International Criminal Court

TUMIWALAG si Duterte sa Rome Statute of the International Criminal Court noong 17 Marso 2018.

Natakot.

Subalit alinsunod sa probisyon ng artikulo 127 ng Rome Statute, nagkabisa lamang ang gayong pagkalas isang taon matapos ipaabot ng pamahalaan sa Secretary General ng United Nations noong 17 Marso 2018 ang umano’y pormal na pag-atras ng Pilipinas mula sa naturang tratado.

Samakatuwid, may awtoridad pa rin ang ICC sa kasong crimes against humanity laban kina Duterte mula 1 Nobyembre 2011 hanggang 16 Marso 2019, kung kailan may bisa pa rin sa teritoryong saklaw ng Pilipinas at sa lahat ng mamamayang Pilipino ang Rome Statute.

Burundi

Ganito ang naging desisyon ng ICC Pre-Trial Chamber III noong 9 Nobyembre 2017 kaugnay ng bansang Burundi.

Tulad ng Pilipinas, kumalas sa Rome Statute ang Burundi noong 27 Oktubre 2016.

At eksaktong isang taon makalipas ang pagkalas nito sa Rome Statute, nanatili pa ring state party ang Burundi sa Rome Statute.

Ito’y hanggang 27 Oktubre 2017.

Muli, alinsunod ito sa probisyong isinasaad ng artikulo 127 ng Rome Statute.

Sa naturang desisyon, idineklara ng PTC III:

Taglay pa rin ng ICC ang hurisdiksyon, awtoridad, at kapangyarihang litisin ang mga krimeng pinarurusahan sa ilalim ng Rome Statute hanggang sa panahong nananatili pa ring state party sa nasabing tratado ang Burundi.

Nawalan lamang ng hurisdiksyon ang ICC sa Burundi pagkaraan ng isang taon o magmula 28 Oktubre 2017.

Jurisdiction

Sa maikling salita, gaya ng Burundi, may awtoridad, hurisdiksyon, at kapangyarihang siyasatin nang husto ni ICC Chief Prosecutor Karim Khan, at kinalauna’y litisin ng ICC, ang salang crimes against humanity of murder, torture, and other inhumane acts na isinagawa umano nina Duterte.

Muli, ito’y simula 1 Nobyembre 2011 hanggang 16 Marso 2019.

Tinatawag itong temporal jurisdiction.

Sa loob ng panahong ito, may angking hurisdiksyon ang ICC sa sinumang mamamayang Pilipino.

Ibig sabihin, may kawing at ugnay sa ating nasyonalidad, o nationality nexus ang ICC.

Kaya saan ka man naroroon, basta’t Pilipino ka, maaari kang managot sa mga krimeng pinarurusahan ng Rome Statute.

May awtoridad at kapangyarihan din ang ICC sa buong teritoryong sakop ng Pilipinas.

Kawing at ugnay na pang-teritoryo, o territoriality nexus naman ang tawag dito.

Ibig sabihin, maaaring panagutin ng ICC ang sinumang gumawa ng krimen sa alinmang lugar na nasasakupan ng ating bansa o pambansang teritoryo, mapa-Pilipino man siya o hindi.

Alam nating tinokhang at ini-EJK (extra-judicial killing) ng mga pulis at bata-bata ng pulis – na siya ring hinihinalang vigilantes at riding-in-tandem – ang libo-libong sibilyan sa mga kalunsuran at lalawigan ng ating bayan. Kabilang dito, halimbawa, ang mga lugar sa Caloocan, Sampaloc, Tondo, Quezon City, Maynila, Bulacan, Davao, atbp.

May hurisdiksyon ang ICC sa mga kaganapang iyan.

Abangan

Nasa maagang yugto pa lamang ang proceedings na nagaganap ngayon sa Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court.

Hinihintay pa ni ICC Chief Prosecutor Karim Khan ang awtorisasyon ng PTC upang imbestigahan niya ang sitwasyon sa Pilipinas.

Wala pang kasong kriminal na dinidinig ang ICC.

Hindi pa rin tukoy kung sino-sino ang iimbistigahan; pero bago o pagsapit ng 21 Setyembre 2021, wala pong unang makakaalam niyan kundi kayo…

Kagalang-galang na Pangulo.


Para sa mga komento at tanong, mag-email sa [email protected]