HINDI pa man nag-iinit sa kanyang bagong pwesto ang isang mahusay na opisyal ng pamahalaan ay kaliwa’t kanan ang alok sa kanya na tumakbo bilang senador sa susunod na halalan.
Kumbaga ay magaan ang dating sa publiko ng ating bida kaya naman pinag-aagawan siya ng mga “talent scout” mula sa administrasyon at pati na rin sa oposisyon.
Bilang pinuno ng isang kilalang ahensya ng pamahalaan, sinabi ng aking spotter na swak kay sir ang kasalukuyan niyang posisyon.
Bagama’t marami ang naniniwala na dapat noon pa siya naupo bilang hepe sa nasabing government office ay masasabi nating hindi pa naman huli ang lahat dahil sa mahusay na track record ng ating bida.
Kilalang disciplinarian si sir sa kanilang hanay kaya naman malaki ang paghanga sa kanya ng publiko kumpara sa mga naunang hepe sa nasabing tanggapan ng pamahalaan.
Inaasahan rin na marami ang mag-aalok sa kanya bilang pambato sa congressional seat o kaya naman ay pwesto para sa isang local position.
Anuman ang kanyang mapiling landas sa kanyang pagreretiro sa Nobyembre ay nawa’y hindi magbago ang mahusay niyang pakikitungo sa publiko.
Sayang ang maiksing panahon na meron siya para linisin ang isang sangay ng pamahalaan na matagal nang laman ng mga balita dahil sa ilang mga kapalpakan.
Hindi na kailangan pa ng maraming clue dahil kilalang-kilala na siya. Ang sinundan niya sa pwestong hinahawakan niya ngayon ay naging popular dahil sa mañanita.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]