SA panahon ng ligalig, may dumarating na anghel para hugasan ang mga pusong sugatan. Pinalalakas ang pagod na katawan at hinahaplos ang pagal na isipan.
May mga panahon din na hindi maapuhap ang tuldok, kahit wala nang mahalukay na salita, lilinlangin ng ellipsis ang buong talata.
Kapag hindi na matantiya kung may bukas pa, o may katapusan pa ba ang pandemya — dumarating ang mga anghel.
Pero hindi maputing-maputi ang suot nila, mas madalas, gula-gulanit din sila, sugatan ang puso, at higit pa, may karamdamang hindi maarok kung bakit sa kanila ipinapapasan ang walang hanggang hilahil.
Sa kabila niyon, bitbit nila ang munti ngunit nakasisilaw na liwanag na hindi natin alam kung saan nagmumula.
Nasa kanila ang kislap ng mga mata na buong-buo ang pag-asa, walang bahid ng hapdi, ng sakit, at kirot, dulot ng kanser.
Ang ngiti nila’y pagkatamis-tamis na hindi natin alam kung saan nila kinukuha.
Nakita ko ito noon sa nanay ko.
(Credits to America’s Got Talent Youtube)
At ‘yun din ang nakita ko kay Jane Marczewski a.k.a. Nightbirde, ang masuwerteng golden buzzer ni Simon Corwell, sa America’s Got Talent (AGT).
Inawit niya ang sarili niyang komposisyong It’s Okay. Tungkol ito sa sarili niyang buhay, sa kondisyon ng kanyang kalusugan, at ang pakikibaka niya sa kanser na ayaw siyang tantanan.
Naalala ko sa kanya si Eva Cassidy. Pareho silang may nakapagpapakalmang boses kapag kumakanta. Walang sariling komposisyon si Cassidy pero nabigyan ng kakaibang rendisyon ang mga awit na hiniram sa mga orihinal na mang-aawit nito. Ito man ay blues, jazz, o folk.
Pumanaw si Cassidy noong 33-anyos siya dahil sa melanoma.
At gaya ni Jane o ni Nightbirde, si Eva ay kumakanta sa napakalamyos na tinig, na tila walang pag-aalala sa nakaraan, sa kasalukuyan, at sa hinaharap.
Siguro nga, si Jane a.k.a. Nightbirde ay isinugong anghel sa panahon ng ligalig, sa panahon ng pandemyang hindi pa alam kung kailan matatapos.
Isinugo si Jane, sa panahon na maraming mamamayan sa buong mundo na dapat pakalmahin.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]