NON-GOVERNMENT ORGANIZATION (NGO) worker ako since 2004. {This on top of my regular work in various companies.} Nag-ooorganisa; lumulubog sa kanayunan; nakikipamuhay sa mga magsasaka, mangingisda at mga katutubo.
Nakikinig at nag-aanalisa ng kanilang kalagayan at tagapaghatid ng kanilang mga hinaing at kaakibat na hiling na “intervention” mula sa pamahalaan at pribadong mga kompanyang may CSR o corporate social responsibility.
Walang matatawag na suweldo kundi alawans sa transportasyon at pagkain, minsan ay abonado pa, pero may kakaibang kasiyahan bilang volunteer advocacy campaigner kongkretong nakakaranas din ng payak nilang pamumuhay at mga pagsisikap.
Hindi NPA, hindi rin Mother Theresa at lalong hindi pulitikong nangangarap magkapuwesto kundi simpleng tao na nasisiyahan sa oportunidad na makatulong sa kapwa.
Nang ianunsiyo ni Leni Robredo na ilulunsad niya sa Hulyo 1 ng taong kasalukuyan ang pinakamalaking NGO volunteer network upang magpatuloy ang plataporma niya na Angat Buhay Para sa Lahat, nakita kong may pupuntahan ang mga pagsisikap na maging bahagi ng pag-angat -buhay ng mga Pinoy.
Dahil ang pagtulong ay maaari pa ring maisagawa kahit bilang pribadong mamamayan sa ilalim ng non-governmental organization(NGO).
Opo, yan ang ibig sabihin ng NGO; hindi ito New Government Organization na gaya ng pagtingin ng mga destabilizers.
Hindi new government na nagbabalak ng rebolusyonaryong pagbabago dahil walang bahid ng pagkarebelde si Leni Robredo. Hindi terorista at hindi reyna ng mga taong-labas na siyang ibig ikintal sa isipan ng mga kritiko.
Ang NGO ay non-profit organization na may independent function sa gobyerno. Minsan ay tinatawag silang CSOs o civil society organizations. Nakakalat sila sa mga komunidad at maging sa kalunsuran upang magpatupad ng mga panlipunang adbokasiya, gaya ng sa women, children, environment, labor, farmers, fisherfolks, people in disaster-prone areas at iba pang humanitarian causes.
Ilang halimbawa ng NGOs sa Pilipinas ay ang Philippine Red Cross, Haribon Foundation, Amnesty International Philippines, Ibon Philippines, Philippine Center for Investigative Journalism at marami pang iba. Katunayan, ang Pilipinas ay mayroong nasa 60,000 na NGOs sa kabuuan.
Nasa sentro ng vision/mission ng NGO ang paglutas sa kahirapan. Armado ng project proposals at programang nakakiling sa pagtataguyod ng kagalingan ng mga tao, sila ay nakakahingi ng pondo sa mga international funding agencies upang maisakatuparan ang mga programa.
May bahagi rin ang gobyerno, partikular ang mga local government units (LGUs) kung saan nagkakaroon ng kooperasyon para maipatupad ang mga programa ng NGO; alinsunod na rin sa local government code kung saan kinikilala at nakasaad ang mahalagang papel ng NGO sa pagsusulong ng pamahalaan ng mga programang tutulong sa paglaban sa kahirapan.
Hindi matatawaran ang papel ng NGO. Hindi lamang basta pagtulong sa mahirap ang nagagawa nito; boses din ito ng mga marginalized at minorya.
Nagagawa nitong mag-lobby sa Kongreso para sa mas maaayos na mga polisiya; tinututulan ang paglobo ng utang-panlabas ng Pilipinas; pagtuligsa sa korupsyon gaya ng sa PDAP; pagtuligsa sa di makatarungang singil sa buwis gayundin ng mga singil ng pampublikong utilities; pagharang sa mapanganib na coal energy at nukleyar; pagtatanggol sa karapatang-pantao; at mga batas para sa ligtas na kapaligiran at mundo.
Makapangyarihan ang NGO. Maraming pamahalaan ang naging makabuluhang bahagi ng NGO at nag-adapt ng masinop na mga polisiya.
Pinapakinggan ng gobyerno, sa pamamagitan na rin ng panghihikayat ng NGO, ang mga konsepto na nagreresulta sa pagsasabatas ng mga polisiyang makatao. Ang tinig ng minorya ay nagiging mayorya; ang mga nasa laylayan ay nagkakaroon ng paggampan sa mga desisyong panlipunan.
Makapangyarihan dahil isa itong boluntaryo at natural na samahan, umusbong batay sa pagtutulungan at pagkamakatao. Umusbong ito sa kagustuhan maging ng mga nakakaangat sa lipunan na ibalik sa tao ang biyayang kanilang natatamasa.
Dito pumapasok ang tinatawag na corporate social responsibility o CSR. Bukod kasi sa mga indibidwal, ang malaking tagasuporta o funder/stakeholder ng NGO ay mga negosyante.
Nagsimula sa 50 mga negosyante, ngayon ay bahagi na ng bawat negosyo ang magbalik-kita ng hanggang isang porsiyento ng kabuuang kita ng kompanya, sa mga NGO. Tinatawag nilang social contract ang pagtutulungang ito.
Halimbawa, ang mga kompanya ng pagkain gaya ng Jollibee o Nestle ay nagkakasundo via memorandum of agreement na ang isang grupo ng magsasaka ang siyang magtutustos sa pangangailangang sangkap gaya ng sibuyas o bawang ng naturang food chain. Ang kompanya ang bibili ng produkto ng mga magsasaka na nakapaloob sa isang NGO. In return, kikita ang mga magsasaka at may bahagi rin na mapupunta para sa operasyon at administrasyon ng NGO.
Walang maiiwan dahil may social contract kung saan lahat ay may bahagi sa pag-unlad ng bawat indibidwal. Tinatahi nito ang mga development gaps o butas sa paglago ng isang pamayanan hanggang umabot sa pagsasara ng puwang at buong bansa ay maghilom.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]