New Year’s resolution na hindi natutupad

MAY New Year’s Resolution na ba kayo?

Taun-taon niyo ba ginagawa ito at taun-taon din ay hindi niyo ito naisasakatuparan?

Guilty din ako dito. Kaya tinigilan ko na gumawa ng New Year’s Resolution.

Wala akong natutupad sa mga resolutions na isinulat ko simula dalaga ako. Pero, may natutunan naman ako sa hindi pagtupad ng mga resolutions ko, ang hindi na magkaroon ng resolutions.

Naisip ko na mas mainam na tawagin ko itong “goals” o hangarin na mas madaling tuparin. 

Guilty ako na sa simula ay masigasig akong gawin yung mga resolution. Tapos, unang bahagi pa lang ng Pebrero, tinatamad na akong ituloy. Maaga akong sumuko.

Ngunit kung tatawagin ko itong goals, mas magaan ang dating. Para sa akin kasi, sa goals, wala ako dapat i-resolve. Wala masyadong pressure. 

Ngayong papasok na 2024, hangarin ko na bumalik sa pag-bake. Dalawang taon din akong natigil dahil na rin sa maraming kadahilanan. At sa dalawang taon na ito, nangolekta ako ng mga recipe na gagayahin ko at ang end goal ko ay home business ng baked goods.

Kasama rin sa goals ko ang lilinisin ang bahay namin. Hindi po marumi bahay namin, pero maraming gamit na dapat nang itapon, May mga gamit din na maayos at pwede nang ipamigay. 

Nito lang mga nakaraang linggo ay nakapagdala kami ng ilang supot ng damit  sa isang kilalang clothesline at kapalit nito ay may ibibigay na discount voucher na pwede mo gamitin pag bumili ka ng items sa kanila. Sigurado pa na ang mga damit ay mare-recycle at hindi masasayang.

Unti-unti kong gagawin ang pag-declutter ng mga gamit. Sa totoo lang, mahirap mag-ayos ng mga gamit lalo na kung may emotional attachment ka. Isa ito sa challenging goals ko.

Ngayong 2024, apat lang ang sana listahan ko ng goals. Yung dalawa ay nasabi ko na. yung nalalabing dalawa ay personal na kaya di ko na isasama rito.

Ano man ang iyong New Year’s Resolutions o goals, matupad mo mang gawin ang mga ito o kahit isa lang hanggang sa katapusan ng 2024, maituturing na itong achievement. Kung hindi man nagawang tuparin, laging may susunod na taon. 

Kung may isa na hindi kailangang isama sa goals natin, ito ay ang maging mabuting tao. Madali itong gawin, saan ka man, kailanman.

Happy New Year ka-Publiko!