New normal ng demokrasya

HINDI na nga ba tayo natuto bilang bansa sa mga nagdaang karumal-dumal at madudugong yugto ng ating kasaysayan?

Una na riyan ang Marcos dictatorial regime, sinundan ng mga pandarambong at pagnanakaw sa kabang yaman ng mga sumunod na administrasyon nina Fidel Ramos, Erap Estrada at Gloria Macapagal Arroyo.

Mga pamamaslang at pandarambong sa panahon ni Digong Duterte.

Mga demonyong naghari at naghahari-harian sa Pilipinas.

Maaaring mababaw na sukatan ito, pero may problema nga ang mga Pilipino sa pagkakatuto sa life-changing events na humubog sa makulay pero madidilim na parte ng kasaysayan ng Pilipinas lalo na sa pagpili ng presidente.

Ang tinutukoy kong isang life-changing event sa buhay natin ay ang EDSA People Power Revolution.

Ang selebrasyon sa pagbabalik ng demokrasya noong 1986 lalo na ang mga natutunang aral sa ilalim ng dictatorship ay maagap namang isinangkap sa 1987 constitution.

Tiniyak ng framers ng Constitution na maiiwasan nang maulit ang mahahabang panunungkulan sa Palasyo at hindi maabuso ang pagpataw ng Batas Militar.

Kinilala rin at ginawang institusyon ang napakalaki at mapagpasyang papel ng pinagsama-samang lakas ng mahihirap na sektor ng lipunan, cause-oriented groups at nongovernmental o non-profit organizations.

Binigyan sila ng boses sa Kongreso sa katauhan ng party-list groups.

Pero binabalasubas lang ito ng mga pulitiko at Korte suprema.

Nakalulungkot, binawi ito ng Supreme Court sa decision noong April
5, 2013: “the party list is not only for the marginalized sectors,” sabi sa SC decision.

Pinawalang saysay nito ang basehan ng Comelec sa pag-disqualify ng 54 party-list groups sa May 13, 2013 mid-term elections. Ang 54 ay hindi kasi mahihirap o marginalized sectors.

Pero kung ipaparada ang mga naging presidente ng Pilipinas hanggang kay Duterte, masasalamin na epic fail pa rin ang mga Pinoy sa lessons ng history.

Hindi ko isinama sa listahan si Marcos Jr dahil disqualified siya, paboran man o hindi ng Supreme Court ang apela na itigil ang bilangan ng boto para kay Marcos Jr., na sina Atty. Ted Te na dating SC spokeperson, Fr. Christian Buenafe ng Task Force Detainees of the Philippines at Fides Lim ng political prisoners’ group na KAPATID.

At yung resulta ng bilangan? Sa gitna ng tag-init, binaha nila ng pera ang Pilipinas at kahangalan ang 31M.

Pagtapos kay Cory Aquino, si Fidel Ramos ang naging presidente noong 1992.

Pero merong Jovito Salonga o kahit Miriam Defensor Santiago na tumapat.

Sariwa pa ang martial law at pagnanakaw ng Marcoses kaya epic fail sa unang tangka ang isang demonyong Marcos – si Imelda – ang tapang ng mukha at lakas ng loob.

After ni Ramos, sumunod na panggulo si Erap pagdating ng 1998.

Inalok ulit ni Miriam Defensor ang serbisyo at inisnab siya ng masa part 2.

Meron din sanang mas maayos – si Raul Roco – mas lalong hindi naman pinili ng madlang pipol.

Syempre dahil isa pang tiwali, na-people power si Estrada noong 2001 at umangat si Bise Pangulo Gloria Macapagal Arroyo bilang kapalit niya.

Pagdating ng 2004 presidential elections, kinalaban siya ni Action Star Fernando Poe Jr. Pero tumakbo ulit si Raul Roco at kumandidato rin si Brother Eddie Villanueva.

Nandaya si Arroyo kaya nanalo siya.

Alam nyo namang may mga presinto na bokya si FPJ na imposibleng mangyari.

Binagyo rin ng malalaking demonstrasyon ang rehimen ni Arroyo dahil sa pandaraya sa eleksyon, pandarambong sa pera ng bayan at human rights violations na mas marami pa kay Diktador Marcos.

Nagdeklara pa nga ng state of emergency si Arroyo noong February 24, 2006 dahil may tangka raw kudeta.

Noon namang sumabog ang balitang Ampatuan massacre sa 58 kasama ang 32 journalists, idineklara niya ang martial law sa Maguindanao.

Sa totoo lang, kasama si Arroyo sa nagkanlong at nagpalakas sa sakop at kapangyarihan ng mga Ampatuan.

Nauna riyan noog 1986, in-appoint ni President Cory si Andal Ampatuan Sr na OIC mayor sa tulong ng backer na si Maguindanao congressman Guimid Matalam. Ang father-in-law ni Matalam ay si dating Senador Salipada Pendatun, isang miyembro ng Liberal Party.

At para mas malinaw ang kasaysayan, si Datu Andal Sr. ay alipores ni Marcos sa Maganoy noong 1986 at mayor ang galawan.

Syempre sa halalan noong 2010, bumalik ang alaala ng People Power at naging papel ni Cory Aquino sa pagbabalik ng demokrasya bagaman paghahari pa rin ng mga elitista.

Naidikit kay Ninoy at Cory Aquino ang pangalan ng anak ng mag-asawa na si Noynoy at nanalo.

Lumaban din ulit noon si Brother Eddie, Nicanor Perlas.

At pagdating ng 2016, si Duterte na.

May malakas ding alternatibo noon – si Grace Poe at huling kandidatura ni Miriam Santiago.

Kung pagbabasehan ang mga nakalaban ng mga nanalong presidente mula 1992 hanggang sa kasalukuyan maliban kay Noynoy Aquino, nakalinya ang mas maasahan at matino-tinong kandidato – Jovito Salonga, Miriam Defensor, Raul Roco, Grace Poe.

Pero hindi sila pinili ng mga tao sa sari-saring dahilan at factors.

Sa lahat ng tumakbong presidente, si Leni Robredo ang tunay at legit winner ng kasaysayan.

Siya ang nagbigay ng inspirasyon at nagbuhay ng tunay na pag-asa sa taumbayan.

Sa daan-daan libong namo-mobilize niya sa campaign rallies, kapansin-pansin ang high-energy na sigla, kakaiba at malikhaing campaign props, cultural attraction, attention-getting messages sa mga placard, t-shirts, caps, jingles at iba pa.

Cheezy pero meaty, festive pero may lalim, iba-iba ang pinggalingan pero may iisang direksyon.

Mga porma, hugis at mensahe na hindi nakita sa mga nagdaang eleksyon.

Katunayan, patuloy ang mga atake ng gobyerno at mga Marcos Jr team kay Robredo sa pink movement.

Kaya wala ring habas ang pagkuyog ng Marcos troll armies sa bawat socmed post ng pink followers, supporters at allies.

Ito’y kahit sa kanilang delusyon, ay si Marcos Jr ang nanalo.

Ibig sabihin, nananatiling banta si Robredo at ang Pink Warriors kasama ang mga militante at ilan pang mga pulitiko – sa Marcoses at Duterte, kanilang mga alipores at mga bulag na tagasunod.

Sobrang kinatatakutan ng Marcoses at nagbabalik sa kapangyarihan na mga mandarambong na Arroyo, Estrada at iba pa, ang People Power na nagbibihis Pink at Angat Buhay NGO.

Ang balak ni Robredo na i-consolidate ang milyon-milyong supporters para gawing pinaka-malawak na non-government o volunteer organization sa Pilipinas, ang Angat-Buhay NGO, ang suma-tutal ng totoong pagsasapuso at pagtataguyod ng mga aral ng People Power.

Isang napaka-brilliant na ideya na bubuhay sa People Power ng tuloy-tuloy:

Nakaalalay sa bawat kilos ng masa, nakabantay sa bawat galaw ng mga magnanakaw, sinungaling at duwag.

Ang Angat Buhay NGO ang magsisilbing daluyan ng pagtutulungan ng mga tao, ni Leni at mga kababayang makapagbibigay ng magandang kabuhayan sa kapuwa kababayan na mahihirap.

Kikilos ito sa labas at katapat ng binubuong bagong administrasyon.

Kapag nagpatuloy sa iba-ibang mukha at bangis ang patayan, paglabag sa mga karapatang pantao, pagnanakaw, pagsisilbi sa China at Amerika – ang Pink Movement ang maaaring bumangga at dumurog dito.

Yan ang direct democracy – aktibo at tuloy-tuloy na paglahok ng mamamayan sa paggogobyerno.

Kabaligtaran yan ng umiiral na representative democracy sa congress na pagpapanatili lang ng kontra mamamayang mga batas.

Higit sa lahat, ang direct democracy na pasisiglahin ng Angat Buhay NGO, ang pinakamabangis na pwersa na maaaring magpapadapa sa inaasahang susulpot o magbabalik na authoritarian rule.

Sa nakaambang pagpapagulong ng Angat Buhay NGO sa buong bansa, ang ibayong pag-asa at tunay na grassroots-based na kabuhayan ng mga tao ay mas madarama ng mga sikmurang kumakalam.

Dapat nang buhayin at tuloy-tuloy nang pasiglahin ang direct democracy bilang enhanced new normal ng demokrasya sa Pilipinas.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]