#NeverForget #NeverAgain

FRESHMAN ako sa Ramon Magsaysay High School sa España nang ideklara ng namatay na diktador na si Marcos ang martial law noong September 21, 1972.

Madalas ang mga rally at suguran ng mga anti-riot police at mga demonstrador.

Ang mga pagsabog ng pillbox at molotov cocktail, dumadagundong hanggang sa loob ng classroom namin.

Ang ate ko, naging opisyal ng Kabataan Makabayan chapter, ay natamaan ng shrapnel sa hita sa sagupaan ng mga aktibista at pulis sa Caloocan.

Napakinggan ng nanay ko sa Radyo Patrol ang nangyayari at narinig niya na isa sa sugatan ay “Lyn Guerrero”, na nakatira sa address namin sa Sampaloc.

Maya-maya, nagdatingan ang apat na sasakyan ng Metrocom noon, at hinahanap sa amin si “Lyn Guerrero”.

Syempre sabi namin walang “Lyn Guerrero” sa bahay dahil wala naman talaga.

Ilang oras pagkaalis ng Metrocom, dumating ang isang kotse sakay ang ate ko na may benda na.

Kinabukasan, nasa dyaryo pa nga siya, nakahiga sa stretcher at buhat-buhat habang isinasakay sa ambulansya.

Ang piso o dalawampiso noon ay papel pa ay ipinangtakip niya sa mukha para hindi namin siya makilala.

Nagtataka at natatakot ako noon: Ano bang masama sa ginagawa nila kung may mali naman sa gobyerno?

Bakit sila babambuhin o babarilin ng mga pulis dahil sa pagsigaw ng “Marcos, ibagsak!” at “Down with US Imperialism!”?

Dahil aktibista, muntik din silang hindi maka-graduate noon.

At para makapasa, kailangan ma-defend niya ang thesis niya sa National Teachers College sa Tanduay, Manila.

Ang pamagat ng thesis niya: The Role of Librarians in the National Democratic Struggle. Sounds familiar?

Yes naman, na-defend niya ang thesis at grumadweyt.

Dala-dala niya sa pagiging teacher librarian niya ang prinsipyo na yan at sumasama pa rin sa mga rally ng public school teachers para sa dagdag na sahod at mga utang at kulang ng gobyerno sa mga benepisyong dapat ibigay sa mga guro.

May mga panalo naman sila pero meron din namang olat.

Lodi ang astig na ate.

Nasundan ko ang yapak: nakibaka rin ako mula college at patuloy na nakikiisa sa mga laban ng bayan hanggang ngayon.

May 49 years na rin ang nagdaan pero nauulit ang kasaysayan. Mas malala pa minsan kesa kay Marcos.

Ibinida ni PDuts na idol niya si Mokmok (Marcos).

At totoo naman, at sa datos, hinihigitan pa niya ang namatay na diktador.

Sa report ng Amnesty International, may 70,000 ang ikinulong, 34,000 ang tinortyur at 3,240 ang pinatay mula 1972 hanggang 1981.

Ayon sa Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency killed 5,903 sa anti-drug operations mula July 1, 2016 hanggang September 30, 2020.

Hindi pa kasama rito ang mga pinatay ng mga riding-in-tandem unidentified gunmen na pinaniniwalaan ng Human Rights Watch at iba pang rights monitors na inuutusan ng pulisya at local government units.

Pero ang UN Office of the High Commissioner for Human Rights, inireport na 8,663 ang casualties habang ang human rights groups sa Pilipinas kasama ang Commission on Human Rights, paniwalang triple mg OHCHR report ang pinatay.

Sadyang karumal-dumal.

Sobrang nakapangingilabot.

Kaya naman patuloy nating kinukondena ang kawalan ng tunay at ganap na katarungan sa mga biktima ng human rights violations.

Sa sobrang ingay at galit ng mga tao sa martial law, nag-number 1 trending nitong Lunes, September 21, 2021 sa Twitter ang hashtag never forget at never again, o #NeverForget, #NeverAgain.

Kung tao lang ang mga ito, bugbog-sarado na ang mga Marcos at Duterte.

Tama lang naman, pero may pero.

Kapansin-pansin na may kulang sa kabuuang picture.

Sa paggunita ng martial law na ang tamang date ay September 23, 1972, lalong wag nating kalimutan na si Marcos ay iniluklok at nung umabuso, bumaho sa international community at pinipol power sa Edsa Revolution noong 1986, ay inilaglag at binitbit talaga ng US government papuntang Hawaii.

Sa panahon ni Duterte, 180-degree-turn sa amo na number 1 kaaway na superpower ng Amerika – ang China.

Superhigop hindi lang sipsip si Duterte sa China at super sumpa naman laban sa US.

Kaya sa bwisit ng Amerika, pinangatog at pinaluhod si Duterte ng CIA na sinasabing nasa likod ng Marawi Siege. Kung totoo man ito, parehong walanghiya at walang pakialam sa mga namatay na mga kababayan at nawasak na syudad at kabuhayan.

Pero tuluyan bang binitiwan ni Duterte ang US?

Syempre hindi.

Hindi naman kumalas sa Visiting Forces Agreement at sumusundot-sundot ng banat sa China sa paninindigan sa West Philippine Sea.

Doble-karang tuta ng Amerika at China? O tusong pulitiko lang?

Whatever.

Pinagluluko-luko at pinaglalaruan ng tatlong demonyong ito ang buhay at kinabukasan nating mga madlang pipol.

At yan wag na wag nating kalimutan AT – dapat labanan.

#NeverForget

#NeverAgain


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]