Negative campaign at mga kasong DQ versus BBM

TUWING sumasapit ang halalan, lalo na kapag karera sa panguluhan, ang mga front runner sa pagkapangulo ang karaniwang sumasalo ng unang bugso ng mga banat galing sa mga katunggali nito o galing sa mga taong sumusuporta sa kanila.

Sa ating bayan lumalabas na normal na ang negative campaigning na siya ring namana natin sa maduming pulitika sa US. Bagama’t hindi na bago sa atin ang ganitong klase ng kampanya, ang tingin ko rito ay hindi makakadagdag sa ating pag-unlad bilang isang demokratikong bansa dahil ipinapakita ng mga aksyon na hindi kaaya-aya sa katulad na lang ng ginawang imbestigasyon noon ng Senado kay Vice President Jejomar Binay sa kasagsagan ng kampanya bago ang 2016 national elections.

Doon ko nakita ang maruming ipinakita ng triumvirate nila Senador Antonio Trillanes IV, Aquilino “koko” Pimentel III at Alan Peter Cayetano na inabuso ang kapangyarihan ng Senado upang makamit lamang ang inaasam nilang “demolition” kay dating VP Binay. Isipin mo nga naman na inabot sila ng halos isang taon at mahigit na 25 hearings, o hanggang sa masaid si Binay sa mga sumunod na surveys at mangulelat siya sa bilangan.

Si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na noon ay itinuturing na kulelat sa mga survey ang lumalabas na panalo matapos din ang “demolition job” kay Senador Grace Poe na noon ay kandidato din sa pagkapangulo.

Pagkatapos ng “demolition job” kay Binay ay si Senador Poe naman sunod na tinutukan ng negative campaigning matapos na siya ay kasuhan ng disqualification sa Comelec dahil lamang sa pagiging foundling, o isang abandonadong sanggol.

Alam nýo na rin ang marahil ang nangyari kay senador Manny Villar na noong 2009 ay front runner bilang pangulo nang siya ay akusahan nila Senator Panfilo Lacson at Aquilino “Nene”Pimentel Jr. Tungkol sa maanomalya diumanong pagkakasangkot nito sa C-5 extension.

Ang negatibong kulturang ito sa pulitika ng bansa ay malalim na nakatanim na sa ating mga pulitiko kaya’t ang tunay na pakay ng kampanya na ibenta ang kakayahan ng kandidato sa publiko ay nasasapawan. Dito mo rin makikita kung gaano “karupok” ang mga botante pagdating sa suporta nila sa mga kandidato. Lumalabas kasi na karamihan sa kanila ay walang solidong suporta mula sa masa na madaling magpalit ng boto kapag lumalabas na sira na sila sa mata ng publiko.

Sa ganitong mga galawan, malaki ang naging papel ng media. Kung naging “willing partner” ba ang karamihan sa kanila o hindi sa mga negative campaign ay sa susunod na pitak ko na lang palalawigin.

Ang tanong ngayon; magiging epektibo din ba ito sa kasalukyang dilemma ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na kasalukuyang humaharap ngayon sa patung-patong na kaso sa Commission on Elections (Comelec).

Nitong lang kasing huli ay may isa namang disqualification case ang isinampa labang kay Marcos jr., ng isang grupong tinatawag na Pudno Nga Ilokano (The Real Ilokano) dahil na rin sa mga nauna niyang kasong tax evasion.

Lumalabas ngayon na mayroon nang kasong apat (4) na disqualification, dalawang (2) petisyonpara kanselahin ang kanyang certificate of candidacy (CoC) at isang petisyon na ideklara siyang nuisance candidate.

Bagama’t sinabi na ng kampo ni Marcos Jr., na mga nuisance lamang ang mga kasong ito, hindi natin maitatanggi na ang mga aksyon na ito ay isa lamang taktika para pahinain ang kanyang kampanya katulad na ng mga naunang ginawa kina Villar, Binay, Poe at sa tatay niyang si Fernando Poe., Jr.

Sa kanila kasing petisyon, sinabi ng mga petisyoner na hindi dapat kumakandidato si Marcos Jr., dahil nahatulan na siya ng guilty verdict ng Quezon City Regional Trial Court noong 1995 sa hindi niya pag file ng kanyang income tax returns mula pa noong 1982 hanggang 1985.

Ngunit hindi naman ito kinatigan ng Court of Appeals dahil lumalabas na pinagbayad na lang siya ng multa na umabot lamang sa mahigit P40,000. Kung paano ta-tratuhin ng Comelec ang mga kasong ito ay hindi pa natin alam.

Ngunit ang malinaw sa mga political scientists ang mga DQ at cancellation ng CoC ni Marcos Jr., ay isa sa mga taktika para pababain ang kanyang ratings sa mga survey, na anumang araw sa susunod na linggo ay lalabas na.

Marami nang ibinato ang mga katunggali ni Marcos Jr., laban sa kanya kasama na diyan ang mga isyu sa nakaw na yaman, isyu sa droga at iba pa ngunit sa kabila ng mga ito ay napanatili pa rin niya ang pagiging front runner. Hindi pa kasama sa equation si Davao City Mayor Sara Duterte na sa halip na sumama sa partido ng kanyang ama at maging kandidato sana bilang pangulo ay sumama kay Bongbong Marcos at maging kandidato bilang vice president ng huli.

Hindi ko na rin pangungunahan ang Comelec sa magiging desisyon nito dahil alam naman nila na ang final arbiter ng kaso ni BBM ay ang eleksyon. Mas malaking sakit pa nga ng ulo hindi lamang nila kundi maging ng integridad ng halalan kung sakaling idisqualify nila si Marcos na siya ngayong tampulan ng politics of hate.

At sa era na ito ng social media, malaking bagay sa netizen ang mga banatan na ito.

Kung anuman ang kasasapitan ng mga aksyon na ito sa kandidatura ni BBM ay malalaman natin sa mga lalabas na survey. Babagsak ba siya o mapapanatili ang mataas na ranking?

Abangan.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]