SA kabila ng matinding hagupit ng magkakasunod na bagyong Egay at Falcon, wala man lang pahayag na maririnig sa mga reelectionist senators sa 2025 na magbibigay sila ng personal na tulong-pinansyal sa mga pamilyang nasalanta.
Kung titingnan mabuti, pawang milyonaryo ang mga senador at masasabing hindi kabawasan sa kanilang sandamukal na yaman kung magkukusa silang magbigay ng pera sa bawat pamilyang biktima ng bagyong Egay at Falcon.
Base sa SALN o Statement of Assets, Liabilities and Net Worth ng mga mambabatas, si Senator Pia Cayetano ay may net worth na P84,591,678.21, si Senator Lito Lapid P74,948,600.00 at Senator Francis Tolentino P59,812,000.00.
Ang tatlo pang milyonaryong senador na tatakbo sa 2025 elections ay sina Senator Imee Marcos na may net worth na P36,270,467.00, Senator Bato dela Rosa P34,383,136.29 at Senator Bong Go P22,274,508.68.
Whew! hebigat ang yaman ng mga senador at sana naman magbigay sila ng tulong sa mga apektado ng bagyong Egay at Falcon. Ngayon ang panahong hindi dapat magtipid ang mga senador at ipamahagi kahit na konti ang kanilang yaman.
Base sa report ng Department of Agriculture, umabot na sa P1.53 bilyon ang pinsalang idinulot ng bagyong Egay sa sektor ng agrikultura kabilang ang 99,272 magsasaka at mangingisda na apektado rin mula sa walong rehiyon na mapamuksang bagyo.
Sa naunang ulat NDRRMC, humigit kumulang sa 1 milyon katao ang apektado at nakapagtala rin ng 16 na binawian ng buhay dahil sa bagyong Egay kasabay ng lakas ng southwest monsoon o habagat.
Umaabot din sa 21,101 kabahayan ang bahagyang nasira, samantalang 877 bahay ang tuluyang winasak ng nasabing bagyo. Nakapagtala rin ng 83 nasirang kalye, 15 tulay, 112 paaralan at ilan pang imprastrakturang sinira na nagkakahalaga ng P4 bilyon.
Dahil sa pananalasa ng bagyong Egay at Falcon, mabilis na kumilos ang international community tulad ng US at China na nangakong magbibigay ng tulong sa mga biktima ng bagyo.
Ang European Union o EU ay nangako ring magbibigay ng 500,000 euro katumbas ng P30.3 milyon para sa emergency shelter at malinis na tubig sa mga sinalanta sa lugar ng Cagayan Valley, Ilocos Region at Cordillera Administrative Region (CAR).
Kaya nga, nasaan ang mga milyonaryong senador na muling tatakbo sa 2025 elections? Hindi naman siguro kalabisan kung kusang mag-aambag ng tig-P5 milyon ang bawat isa sa kanila at ang kabuuang maiipon ay paghahatian ng mga pamilyang sinalanta ng bagyong Egay at Falcon.
Sana magkaisa ang mga senador at maisakatuparan ang tulong-pinansyal sa mga sinalanta ng bagyo. Sa panahon ng kagipitan, ‘wag naman kayong makunat!