NITONG mga nagdaang araw at linggo, maraming nangyaring ilang importanteng usapin na kung iisipin, mapapatanong ka kung ano itong mga pinaggagawa ng gobyerno.
O kung may gobyerno pa bang umiiral?
January 17, 2023, sumadsad ang HC Hongkong coal supply vessel sa payaw ng mga mangingisda sa Scarborough Shoal. Nawasak ang fish segregator nila.
Kwento nina Mang Leonardo Cuaresma, lider mangingisda, kahit sinesensyasan na nila ang paparating na vessel, hindi sila pinansin dahil pati sila ay nakaladkad.
Buti na lang pinigtas nila ang lubid na humahatak sa kanila kaya nakawala sila dahil kung hindi, nanganib na ang mga buhay nila.
Ang problema, kahit nakiusap sila sa coast guard para umakyat sa barko at kausapin ang ship captain, hindi sila pinayagan dahil wala raw silang karapatan.
Nakisuyo rin sila sa customs pero hindi rin sila pinayagan umakyat ng vessel para makasama sa meeting.
Inaalok sila ng kapitan ng pang-insulto at barya-baryang $500 o katumbas ng P26K pero hindi nila tinanggap dahil halos P1 milyon ang halaga ng nasirang kabuhayan nila.
Nakalayas ang Chinese vessel nang hindi naresolba ang problema.
Lumalabas, pinatakas sila sa krimen ng customs at coast guard.
Sumulat sina Mang Leonardo sa mayor ng Masinloc at governor ng Zambales para isumbong ang insidente, pero up until now, dedma, walang responde ang LGUs.
Kaya sa conference ng National Youth Movement for the West Philippine Sea nung Sunday, February 4, dun nila pinasabog ang isyu.
At dun lang nalaman ng madlang pipol na literal at talinghagang sinagasaan ng Chinese vessel, coast guard, customs, mayor at governor ang kagalingan at karapatan ng mga mangingisda,
Nasaan ang gobyerno riyan? Nasaan ang dapat sana’y unang magpo-protekta sa mga mangingisda?
Nabayaran ba kayo?
February 6, iginiit ni Bato Dela Rosa sa pagpu-push ng revival ng Reserve Officers Training Course (ROTC) sa college ang mandato ng gobyerno na pagsilbihan at proteksyonan ang taumbayan.
Ito raw ay nasa Article 2, Section 4 ng 1987 Constitution: “prime duty of the government is to serve and protect the people. The government may call upon the people to defend the State and, in the fulfillment thereof, all citizens may be required, under conditions provided by law, to render personal military or civil service.”
Look who’s talking?
Di ba kayo ni Digong Duterte ang mastermind at implementor ng Operation Tokhang drugs war na higit 6K ang pinagpapatay mula 2016 – 2022?
Si Duterte bilang presidente at Bato bilang PNP chief ang dapat unang nagsisilbi at nagpoprotekta sa taumbayan pero hindi ba kayo pa ang namuno sa patayan na yan? Nasaan ang sinasabing mandato?
Natatakot nga kayong imbestigahan ng International Criminal Court para hindi lumabas ang totoo. Gawain ba ng gobyerno yan na mamuno sa paglabag sa batas at takasan ang pananagutan?
Nakakahiya kayo sa buong mundo. PInagtatawanan ang kaduwagan nyo.
Ano’ng kredibilidad meron kayo na magtulak ng ROTC niyan?
Sa datos ng College Editors’ Guild of the Philippines, merong 14 kaso ng hazing, sexual abuse, physical assault at pagpatay sa ROTC mula 1995 na walang naparusahan.
May kikita rin ulit sa ROTC.
Hindi ba’t inabolish ang ROTC nung 2002 dahil pinatay ang isang UST cadet nang ibulgar niya nung 2001 ang corruption sa ROTC? May mga estudyante na naglalagay sa commandant para pumasa sa ROTC kahit hindi na pumasok.
Tapos bida-bida naman si Carlito Galvez ng defense na magagamot ng ROTC ang mental health issue ng mga kabataan?
Hello, saan nyo naman napulot ang ideya na yan sir e wala ka mang prinesenta na pag-aaral at datos tungkol dyan at nag-ala expert ka kung magsalita?
Hindi kaya hang-over lang yan nung nag-vaccine czar kayo dahil napag-alaman nyo na tumaas ang incidence ng mental health issues dahil sa covid-19 pandemic.
Nung December 2021, ang estimate ng Department of Health ay may 3.6 million Pinoys ang dumanas ng mental health issues.
Hindi kaya kayo ang may mental health issue?
Nahihirapan akong isipin kung mga taong gobyerno ba ang mga nagsasalita na ito?
Eto pa: sa educational system ang talagang kalunos-lunos na kalagayan ay ang pagbagsak ng kalidad.
Wag nating kalimutan ang 2021 World Bank shocker na 90% ng 10-year-old Pinoys ang hindi makabasa at hindi makaintindi ng simpleng sentence.
Kung gobyerno nga kayo, uunahin nyo pa ba ang ROTC kesa ang learning poverty na lumala nung pandemic?
Hindi kaya sabaw din ang learning poverty ng mga opisyal ng gobyerno.
Napatunayan na ngang bigo sa pagsasanay at disiplina ang ROTC, ibabalik nyo na naman dahil sa kapritsong agenda na yan ni Sara Duterte – na gusto lang tapatan ng kaisipang militarismo ang kaisipang militante ng mga batang namumulat sa maraming katotohanan sa bayang ito?
Nasaan ba talaga ang gobyerno natin sa mga kaisipan at policy agenda na yan?
Finally ang big pasabog:
January 26, 2023, nag-file ng Senate Bill 1784 o “Former Presidents Benefits Act of 2023 sina Villar, again – Bato, Go at Tolentino. Dapat lang daw dagdagan ang mga benepisyo ng mga naging pangulo ng Pilipinas.
The likes of Tabako, Erap, Digong at si “I am sorry” bebe girl Gloria, sila ang bibigyan ng honor at additional perks? Plunderers at mamamatay-tao na pinakawalan o tumatakas sa pananagutan?
O para lang maalala nyo, mabilisang pasadahan lang ito:
Si Tabako aka Ramos – corruption issues sa PEA -Amari deal, bases conversion, Centennial Expo scam, power deals sa Independent Power producers nung energy crisis.
SI Erap – jueteng kickbacks, tobacco excise tax, Jose Velarde account at commission mula s Belle corporation.
Si Gloria – PCSO, NBN-ZTE deal, election fraud (Hello Garci), North Rail, fertilizer fund scam.
Halata naman na nilalatag na ang mga benepisyo ni Marcos Jr pag retired na para petiks na na lang,
Sino’ng gobyerno ang mag-i-institutionalize ng ganid na pamumuno na ito?
Hindi pa ba sapat ang mga pandarambong at katiwalian na ginawa. pinalaya na nga ang mga pagnanakaw at hindi nagbabayad ng P203M buwis, e hanggang pagreretiro ba naman, gagastusan pa ng pera ng bayan ang pamumuhay ng mga pusakal?
May gobyerno pa nga ba? Nasaan?
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]