Nasaan ang foreign direct investments?

POSITIBO para sa akin ang bihirang pagkakataon na humarap si Marcos Jr. sa ilang piling broadcast media nitong nagdaan araw dahil mababasa natin ang pag-iisip niya.

Siguro, unti-unti na siyang nag-o-open up sa Philippine media na alam niyang kukulitin lang siya sa kanilang past, ibabalik ang kanilang history at mga issue na unresolved na patuloy na dini-deny ng Marcoses. Kaya hangga’t carry na iwasan, iiwasan nila, alamano, I mean, alam mo yun.

Anyways, ang impression ko sa panel interview sa kanya – walang bago, nothing concrete at sa isang point, rhetorics kasi hindi naman siya sincere at alam naman niya ang resulta ng foreign trips niya.

Sa foreign trips kadalasan ang mga lider ng bansa, matik na foreign investments trade bilaterals ang major major na hina-highlight na target maiuwi pagbalik sa Pilipinas dahil trabaho at dagdag lakas sa ekonomiya ng bansa.

Sabi ni Marcos Jr., kaya nagta-travel siya abroad ay para makilala ang Pilipinas lalo’t bago lang siya.

Pangangatuwiran ni Marcos Jr. sa interview, “Magpakilala muna tayo. Kapag hindi tayo bumibyahe at nagpakita sa mga conference na yan, hindi nila tayo iniisip. Wala sa isipan nila ang Pilipinas.”

Hirit pa niya, “I am the new kid on the block, nobody knows who I am. Kailangan ko magpakilala. It’s important also na magkaroon ng personal na connection sa mga lider.”

Bakit niya nasabi yan?

Ang context ng pahayag na ito ay anak siya ng namatay na diktador. Kung maaalala nyo, pagkapanalo niya, sinabi nila na maisasaayos ang pangalan ng namatay na ama. Gusto niya magtiwalang muli ang international community sa kanya bilang second chance sa Marcoses.

Sabi ni Imee sa CNN interview noong May 25, 2022, “Ang importante sa amin ay syempre ang aming pangalan, ang aming family name na naging masyadong kontrobersyal na kung minsan, mahirap tanggapin, Inaasahan namin malilinawan ang legacy ng aming tatay sa wakas.”

Sa walong foreign trips niya, tatlo lang ang state visits sa Indonesia at Singapore (parehong September, 2022) at China (January, 2023); isang working visit sa USA para sa 77th UN General Assembly; Singapore (F1 Grand Prix), Cambodia ASEAN Meet, November), Thailand, APEC (November), Belgium para sa ASEAN-EU (December) at Switzerland para sa World Economic Forum (January 2023).

Mahalagang malaman ng mga tao kung ano ang ganansya ng Pilipinas sa foreign trips niya at magkano ang ginastos. Yung gastos part, wala pa raw siyang hawak na report.

Kasi sinabi rin ni Marcos na sa kanyang foreign trips, tingnan natin ito sa punto ng Return On Investments o ROI.

Ang ROI ay lenggwaheng pang-business na ang ibig sabihin ay balik-kapital plus ang kinita sa kapital na yan.

Kung ia-aplay yan sa sinabi ni Marcos, ang ibig sabihin, tingnan ang ganansya o mahihita ng Pilipinas sa foreign trips niya.

Yan ang rhetorics kung ang pag-uusapan ang mga dayuhang negosyo at kapital na mamumuhunan sa Pilipinas dahil kung iisa-isahin, walang naiuwing Foreign Direct Investments o FDIs ang Marcos Jr. delegation sa Pilipinas. Walang nahita at kung may mare-realize na investment, hindi ito malaki. Rhetorics kasi walang kongkretong ganansya.

Pagdating sa FDIs, may Foreign Direct Investments daw from Singapore trip. Sa report ng Office of the Press Secretary (OPS) na lumabas sa Philippine Information Agency (PIA), nakalikom daw ng $6.54B Foreign Direct Investments ang Marcos Jr.

Pero sa Bloomberg news, investment pledges pa lang ito, hindi direct investments.

Magkaiba ang direct sa pledge. Ang direct, may puhunan na sa specific industry kumbaga, hawak mo na ang kapital paglapag sa NAIA. Samantalang ang pledge o commitment naman, pangako pa lang, ibig sabihin, hindi garantisadong madedeliver.

Sa China state visit, ibinida ni Marcos na nakakuha siya ng $22.8B investment pledges ulit, again hindi direct investment. Ano raw?

Pangit ang record ng China investment commitments sa Pilipinas sa panahon ni Duterte, marami ang hindi itinuloy.

At alam naman nating budol ang China.

Sa Central Bank records, mula $276.35 million nung 2019, ang net Foreign Direct Investment mula China ay numipis bigla sa $58.9 million nung 2020 at $17.46 million nung 2021. Hanggang September ng 2022, lalo pa itong dumausdos sa $14.77 million.

Sa Indonesia naman, ipinagmalaki ni Marcos na nakakuha siya ng $8.5B investment pledges base sa Bloomberg report.

At eto, sa kanyang US trip na isang superpower, $3.9B lang ang investment pledges na nakuha, parang consolation prize lang. At investment commitments lang from the world’s Number 1 economy.

Sa Belgium, nakalikom daw si Marcos Jr ng $9.8B investment pledges pero sa Thailand at Cambodia, wala akong na-research na nagcommit ang businesses doon ng investment sa Pilipinas, Hinikayat lang ni Marcos pero walang pumatol. Meron nagpahayag ng interest – mas mababang level naman yan sa commitment o pledge.

Kung susumahin, lahat ng investments na binabanggit ni Marcos na baon niyang pauwi ay puro pledges as in. Walang FDIs.

Hindi naman ako nasosorpresa sa US na barya-barya, o token lang ang investment, tapos pledges pa ang nakuha ni Marcos Jr.

Why? Tingin ko dahil lumalaro lang ito kay Marcos lalo’t ipinamukha nito na may bahid ang human rights record ng Pilipinas noon at hanggang ngayon kaya umaasa itong maa-address ni Marcos Jr ang human rights violations sa panunungkulan niya.

Kung pasisimplehin ang usapan nila, ayusin ni Marcos Jr ang human rights record ng Pilipinas kung gusto niyang tumaya ng direct billion dollar investments ang US sa Pilipinas.

E kaso, may ill-gotten wealth pang hindi naibabalik sa national tresury kasama na ang mga ari-arian ng Marcoses sa Pilipinas.

Wag ding kalimutan na may mga kaso sila sa US at kung hindi dahil sa kanyang diplomatic immunity, tinimbog na nila sina Marcos Jr pagbaba pa lang sa American soil.

May mas gugulang pa ba sa Amerika?

Sa gitna ng lahat ng foreign trips na ito, naghahanap pa rin ako at naghihintay ng mababasang dokumento ng lahat ng mga kasunduan na pinasok ng Pilipinas sa iba-ibang bansa na pinuntahan niya, kung meron man.

Marami raw bilateral agreements pero may na-release na ba ang Palasyo?

Sa panahon ngayon – kung saan mula presidente ay nagpapakalat ng mali at fake information, natuto na tayong maghanap ng resibo o pruweba.

Kahit gaano karaming foreign trips pa ang gawin ni Marcos kung hindi pa niya napatutunayan sa buong mundo na hindi siya tulad ng ama na legendary budol at notorious human rights violator, wala siyang mapapala.

Yan ang smokesignal sa resulta ng foreign trips niya sa iba-ibang bansa.

Pag naiangat niya sa kahirapan at maipakitang nirerespeto ang human rights sa Pilipinas, yan ang best timing para sa akin para mag-ikot sa iba-ibang bansa dahil meron ka nang ipagmamalaki.

Well, first things first.

Simulan sana niya sa pagkilala ng mga kademonyohan ng tatay nung paghahari-harian bilang diktador, mag-sorry, ibalik ang lahat ng dinambong, magbayad ng buwis, sugpuin ang katiwalian at higit sa lahat, ibaba ang presyo ng sibuyas. Lol!


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]