Nang mapuno ang salop ni Mayor Honey

NAPANOOD ng marami ang interview ni Mayor Honey Lacuna sa Bilyonaryo News Channel kung saan sa proseso ng pagtatanong sa kanya ng host na si Atty. Karen Jimeno ay napilitan na itong ibulalas ang saloobin sa ginawa ni ex-mayor Isko Moreno na biglang pagkalaban sa kanya, sa gitna ng paulit-ulit na paniniyak ni Isko na hindi sila maglalaban dahil iisang pamilya lamang sila.

‘Yang paniniyak na ‘yan ay kanyang sinabi sa di mabilang na okasyon gaya ng mga meeting sa iba’t ibang sektor, sa Asenso members mismo at maging sa mga interview niya nung tumatakbo siyang presidente.

Paulit-ulit din niyang sinabi na retired na siya pag natalo sa pagka-pangulo at nasasanla daw ang laway niya, na pag may sinabi siya, pwede nang dalhin sa Cebuana Lhuillier dahil paninindigan niya. 

Hindi lang kasi basta biglang kumalaban si Isko. Wala ring patid ang paninira niya kay Mayor Honey at pati sa pamilya nito, sa kanyang mga patawag.

Nakakakilabot dahil bukod sa babae ang sinisiraan, naging mabuti at tapat itong kaibigan at “kapatid” sa kanya.

Personal kong alam ‘yan. Pero, kailangan itong gawin ni Isko para lang bigyan ng katwiran ang bigla niyang pagtalikod sa pamilya Lacuna na kumupkop sa kanya mula nung siya ay walang-wala, at sa Asenso Manileno, ang partidong nagdala sa kanya sa rurok ng tagumpay mula konsehal hanggang sa siya ay maging vice mayor at mayor.

Sa loob ng mahaba-haba na rin namang panahon, tiniis lamang lahat ng ito ni Mayor Honey. Di niya ito pinag-usapan sa dami ng dinaluhan niyang pagtitipon na pupuwede sana niyang ginamit bilang oportunidad para bumwelta o maghayag din ng mga kasiraan ni Isko. O, ‘wag sabihing wala, dahil wala namang taong perpekto. Pero dahil disenteng tao si Mayor Honey, di niya ito ginawa at sa totoo lang.

Ngayon, nung ma-interview at tanungin kung ano ba ang pinag-diprensiyahan nila ni Isko, dun na nagsalita si Mayor Honey. 

Aniya, siya man ay nagtataka dahil wala silang alam na dahilan para gawin ito ni Isko sa kanilang lahat. Eh kung nagpakatotoo nga lang daw sana si Isko na pag natalo siya eh kung pwede siyang bumalik, baka pumayag pa si Mayor Honey kaso, kumpiyansa daw si Isko na mananalo siya kaya ni hindi nila ito napag-usapan.

Mismong si Vice Mayor Yul Servo ay naikwento na ang salita daw ni Isko sa kanila bago at matapos itong matalo sa presidential election ay ganito: ‘O Yul, patapusin mo ng tatlong termino si Ate Honey tapos ikaw naman.’

Sa interview sa kanya, sinabi ni Mayor Honey na si dating Mayor Lito Atienza na siyang unang kumuha kay Isko bilang konsehal ay kinalaban niya sa bandang huli.

Si Mayor Fred Lim kung kanino siya unang naging vice mayor ay kinalaban din niya.

Tapos si Mayor Erap na si Isko daw mismo ang nagdala sa Maynila para tumakbo ay nakaaway din niya.

“Pati ba naman kami na kakampi mo, kapamilya mo Ano ang ginawa namin? Hello, lahat na lang inaway mo?”  ani Lacuna, na nagsabing akala niya ay lagpas sa pulitika ang kanilang samahan. 

Tinawag niyang ‘very toxic cycle’ ang pinaggagagawa ni Isko sa lahat ng naging mayor sa Maynila,  na pati siya ay hindi pinatawad.

Sa mga sinabi niyang ‘yan, walang paninirang ginawa si Mayor Honey. Ikinuwento lang niya ang totoo. Gaya ng sinabi ko, hindi niya ugali ang magsinungaling at manira o mag-imbento ng istorya.

In fact, nagagalit pa siya kapag may mga nagsasabi sa kanya na tila balak ni Iskong kalabanin siya. Hindi daw ito gagawin sa kanya ni Isko dahil magkapatid ang turingan nila at ‘wag daw silang intrigahin o pag-awayin.

Lahat naniniwalang gagawin sa kanya ‘yun, siya lang ang hindi.

Kilala si Mayor Honey sa pagiging mahinhin, pagkakaroon ng mahabang pasensiya at sa pagiging totoong kaibigan at tao. Disente, may pinag-aralan at breeding, hindi plastik at lalong hindi sinungaling.  Hindi rin niya ugali ang manira o pumatol sa mga paninira.

Pero tao lang din siya.  Anumang bait ng sinuman, dumarating ang oras na kapag sobra-sobra na ang nararanasang pang-aapi, mapipilitang pumalag. Pusa nga tapakan mo ang buntot, kakalmot, tao pa kaya?