NABABAHALA ako sa mga balitang marami na ang bilang ng mga Tsino na nakakapasok dito sa ating bansa.
Mas nakakabahala ang balitang isang Tsino umano ang nahalal na mayor sa isang bayan sa Tarlac, yung hindi niya matandaan mga mahalagang impormasyon hinggil sa buhay niya.
Nasa libo ang bilang ng mga Tsino ang nakapasok bilang mga estudyante, ngunit kwestiyonable rin ang pamamaraan ng kanilang pagpasok.
Kailangan na ba nating mangamba?
Tandaan natin na sinakop ng mga Tsino ang isa sa mga isla na parte ng ating Exclusive Economic Zone (EEC).
Taong 1994 nang magsimulang magpatayo ng istraktura sa Mischief Reef ang mga Tsino. Ang Mischief Reef, o Panganiban Shoal, ay parte ng EEZ ng Pilipinas.
Masasabi nating nagoyo tayo ng mga Tsino nang sabihin nilang ang pagpapatayo nila ng maliiit na kubo ay para raw may mapagpapahingaan ang mga mangingisda na magagawi sa lugar, kasama na ang mga Pilipinong mangingisda.
Ito pala ang unang hakbang nila para makapagpatayo ng mala-militar na istraktura sa lugar.
Strike one sila rito.
Ang plano ng gobyerno ng Tsina na sakupin ang malaking parte ng South China Sea at ng ating West Philippine Sea ay para ipakita sa buong mundo na sila na nga ang world power. Gusto nilang maging untouchable sila.
Kung titingnan natin ang posisyon ng Pilipinas sa world map, nasa strategic place ang ating bansa.
Kung baga sa negosyo, pag-aagawan ang Pilipinas dahil ito ay nasa lugar na conducive, ‘ika nga, para sa negosyante. Kaso, pangangamkam ang pamamaraan ng negosyanteng interesado sa ating bansa. May kasama pang pananakot.
Marami ring namayagpag na mga Tsino sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Huwag natin kalimutang may naging kasunduan umano si Duterte sa mga Tsino hinggil sa pagdala ng pagkain at iba pang supplies sa ating mga sundalo na naka-destino sa BRP Sierra Madre sa Ayngin Shoal. Nais din itong kamkamin ng Tsina.
Patuloy pa rin ang pag-flex ng Tsina ng kanilang presensiya sa West Philippine Sea.
Patuloy ring lumalaban ang Pilipinas upang di na muling manakaw ang alin man sa ating pag-aaring isla.
Panahon na rin na i-flush out kung sinu-sino ang mga Tsino na unti-unting pinapasok ang ating bansa, mapa-pulitika man yan o illegal na negosyo.
Panahon na para kumilos ang ating gobyerno bago pa mahuli ang lahat. Bago pa tayo maging probinsiya ng Tsina.