SIMULA nang mauso, sumikat at naging tila naging paraan na ng pamumuhay natin ang mga social media platform na Facebook, YouTube, Twitter, Instagram at iba pa, nagsimula na ring magbago ang takbo ng buhay nating lahat.
Yung mga dati mong kakilalang akala mo ay hindi makabasag-pinggan kapag kausap mo ng personal ay nag-iiba pala ang persona at yung iba pa nga ay nagbi “beast mode” kapag nasa harap ng keyboard o ng kanyang smartphone. Subalit hindi mo sila masisi kapag ang mga soc-med platform na ito ang kanila na lamang kaniig 24/7 lalo na kapag sila ay naka unli(mited) data.
Sari-saring character ang makikita mo kapag binuksan mo ang iyong Facebook at Instagram at dito mo makikilala ang tunay nilang ugali.
Pinalala pa ang pagkahumaling ng karamihan sa Internet nang magkaroon ng pandemic at nakulong sa kani-kanilang mga tahanan ang mga tao gawa ng lockdown.
Ang mga batang estudyante na noon ay binabawalan nating magkaroon ng smartphones upang iiwas sa pagkahumaling sa mga e-games/esports ay pinayagan na ring gumamit ng mga gadgets sa pag-aaral na siya rin nilang ginagamit sa iba pang mga aktibidad na itinatago nila sa kanilang mga magulang.
Sa mahigit isang taon tayong natali sa ating mga bahay, mahigit isang taon din tayong naging bilanggo ng mga gadget na ito na lubhang nakaapekto ng malaki sa ating mental health. Kung ano ang mga ito ay hindi pa natin alam pero ang karamihan ay naka develop na ng mga anxiety na pag napabayaan ay maaring maging isang depresyon.
Ang mas masakit, dumami ang mga “eksperto” sa iba’t ibang larangan lalo na sa isyu ng pulitika, kalusugan, siyensya atbp. Lalo na yung mga nakabasa lamang ng mga artikulo sa mga kaduda-dudang websites.
Karamihan sa kanila ay nakapag-hulma na ng kanilang mga opinyon base lamang sa mga dubious na mapagkukunan ng impormasyon. Masama ito lalo na kung ang source ng impormasyon ay hindi ma-verify o mapatunayan.
Sa totoo lang, walang gumagabay sa atin pagdating sa mga do’s and don’ts sa paggamit ng social media at kung mayroon man, hindi ito masyadong pinansin ng mga gumagamit. Ika nga, common sense na lang ang gamitin mo na may nakaakibat na “at your own risk” kapag pumaimbulog ka sa larangan ng Internet.
Ang ilan nga sa atin ay ginagamit na itong paraan para mabuhay; mayroong nagtatayo ng kanilang mga pahina sa YouTube at gumagawa ng mga vlog, ang iba naman ay nagtatayo ng mga website.
Kung may magandang kinahinatnan meron din tayong mga kababayan na pumaimbulog sa “dark side”, o yung mga nagtayo ng mga pekeng website at nagkalat ng mga fake news at mga memes. Ang iba naman ay nagtayo ng troll farm o maging sila ay naging troll na rin.
Ang masakit lang kasi sa mga illegal na gawain na ito tulad ng mga memes, fake news (isama mo na ang phishing at hacking) ay lubhang nakakaapekto sa ating pagkatao.
Hindi mo na malaman ang totoo sa hindi totoo dahil nasi-share din ang mga ito maging ng ating mga kaibigan lalo na sa paborito nilang platform na Facebook kahit alam nilang hindi verifiable ang source.
Halimbawa, isipin mo nga naman na may isang ikinalat na meme na nakalagay ang logo ng isang sikat na dyaryo o news outlet at sinabi na namatay na si ganito at marami ang nag like at nai-share pa ito.
Sa ganitong pagkakataon sino ang ating hihingan ng accountability o sisisihin kapag kumalat na ang ganitong balita maliban sa pag report sa nasabing soc-med platform…at dahil kumalat na ito na parang virus marami na ang naniwala at nag-porma na ng kanilang mga opinyon.
Ang labis na “impormasyon” na galing sa mga polluted source ay makapagdudulot lamang ng hindi pagkakaunawan sa iyong mga kaibigan lalo na sa Facebook.
Pero alam na nating lahat ito, hindi ba? Makikita mo ang dating magkakaibigan na nag-aaway dahil lamang sa maliliit na bagay. Yung iba nga ay nakikipag-debate pa at iginigiit na sila ang tama kahit alam na nating mali ang kanilang source.
Sa US nga, naging mitsa ng mga kaguluhan maging sa kapitolyong Washington D.C. ang paglaganap ng mga soc-med platforms na nagpapakalat ng mga hate speeches na naka-direkta sa African-Americans at mga Asian immigrants.
Kaya’t sa ngayon ay inilalabas o sini-share ko lang ang mga impormasyon na galing sa mga legitimate source, at yung makakatulong sa ating mga pang-araw na buhay—at manaka-nakang pag-ulan ng ilang mga selfie…hehehe.
Hindi rin naman masama ang entertainment pero mas higit akong nagayuma sa Youtube lalo na yung mga legitimate na channel sa History at yung may kinalaman sa giyera, mga scale model, siyensya, economics… kaya’t sa mga magulang d’yan, minsan samahan n’yo ang inyong mga anak na manood sa inyong smart TV, sa laptop o PC, at sa smartphone dahil kakaiba ang experience ng mga graphics at content, hindi yung puro sayawan lang sa Tik-tok.
Gawing kaaya-aya ang inyong pang-araw na gawain…yaman din lamang na hindi ka mahilig sa libro, subukan ang Google at Youtube at hanapin ang mga magagandang channel na makakadagdag sa iyong karunungan.
Masaya ang Internet, lalo na ang social media, basta alam mo lang ang ginagawa mo at hindi ka nakakasakit ng damdamin ng kapwa.