NAKAKATUWA naman at nakakamoral booster.
Maski walang tigil ang pagbanat ng gobyerno sa legit media at news people, laban lang ang community of journalists dito sa Pilipinas.
Kahapon, August 29, ipinagdiwang ang National Heroes’ Day at inalala ang mga dinukot at missing persons, o mga biktima ng forced disappearances.
At sa kauna-unahang pagkakataon, ginunita ang National Press Freedom Day na itinakda ng Republic Act 1169. Bagong batas ito na pinirmahan ni Duterte noon lang April 13, 2022.
Alay ito sa Ama ng Pamamahayag sa Pilipinas na si Marcelo H. Del Pilar na ipinanganak noong August 30, 1890.
Si Del Pilar ang sinasabing pinakamatapang na mamamahayag na higit pa kay Rizal kaya siya ang pinakakinatatakutan ng Spanish colonial administration nang panahon na yun.
Gamit ang pagpapatawa, binabanatan nya sa pagsusulat ang governor-general, queen-regent of Spain at ang mga pang-aabuso ng mga pari.
Kaya naman hindi nakapagtataka na gipitin siya ng colonial government at napilitang tumakas papuntang Spain.
Sa commemmoration ng National Press Freedom Day dito sa Pilipinas, tiniyak ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na “kinikilala at nirerespeto ng ating pamahalaan, sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang press freedom sa bansa na nakabatay sa ating Saligang Batas.
Di nga.
Ano ba ang state of Philippine press?
E nito lang Sunday, August 28, inaresto ng mga pulis ang beteranong radio commentator na si Waldy Carbonell dahil sa five counts of cyber libel na ikinaso ni Mayor Eduardo Guillen of the municipality of Piddig in Ilocos Norte province.
Sa kanyang YouTube channel, inakusahan ni Carbonell si Guillen ng lifestyle na pangmayaman at sobra sa kinikita ng isang serbisyo publiko.
Bukod dyan, patuloy ang panggigipit sa mga mamamahayag.
Giit ng National Union of Journalists of the Philippines, parusa ang accreditation ng mga journalist na nagko-cover ng Malacańan at merong hirap kumuha ng balita sa mga ahensya ng gobyerno.
Nadale riyan ang beteranang reporter ng Hataw na si Rose Novenario na denied ang application dahil hindi raw maganda ang sinasabi sa ilang government officials sa exclusive viber group ng Palace reporters.
Hindi naman mailabas ang ebidensya dahil violation ng data privacy ang makakaso sa kanila. Nagmukha tuloy siyang Maritess dahil lang sa hindi maayos na proseso ng accreditation. Nakakahiya.
May mga reporter din na conditional o temporary ang accreditation sa hindi malinaw ang dahilan.
Nagpapatuloy pa rin ang red-tagging o pagbintang sa mga independent at mapanuring media bilang front ng mga komunista.
Ganyan ang nangyari sa alternative media Bulatlat.com at Pinoy Weekly. Pina-block pa nga ang kanilang websites ng Task Force to End Local Communist Armed Conflict (TF-ELCAC).
Pati NUJP ni-redtag, mula pa noon (2005, Enemies of the State) hanggang ngayon.
Tinatarget din ang kanilang websites ng Distributed Denial of Service (DDoS) attacks para mag-crash at hindi mapasok ng surfers o netizens. Ganyan din ang pagsabotahe sa websites ng Rappler at ABS-CBN.
Syempre, tumatak sa isipan ng mga Ka-Publiko ang shutdown sa ABS-CBN at sobrang panggigipit kina Maria Ressa at Rappler.
Sa documentation ng NUJP, merong 18 kaso ng libel at 19 na kaso ng cyber libel.
Pinadagdag pa riyan ang tig-dalawang counts ng cyber libel sa dalawang mamamahayag ng Bandera, kapatid na dyaryo ng Phililppine Daily Inquirer.
Out on bail sila sa halagang P48K kada count times 4 – do the math na lang.
At alam nyo ba ang basehan ng isang mayor sa demanda niya? Blind item.
Hindi ba nakakatawa na, nakakahiya pa.
Patol pa more sa blind item.
Guilty ba kaya nag-react.
Kasalanan yan ng cyberlibel law dahil maski hindi raw kinilala kung sino ang tinitira, basta’t ang kabuuang balita o kwento ay nailalarawan ang taong binabatikos, cyber libel na yun.
Dahil naman sa unconstitutional na Anti-Terror Law, pati mga journalist sinasampolan talaga.
May isang kinasuhan ng financing terrorism, ayon pa rin sa NUJP. Yayamanin ba.
Dagdag pa ng NUJP, may tatlong kinasuhan ng illegal possession of firearms, isa ang dinismis.
Sa records pa ng NUJP, may 11 sinampahan ng iba-ibang harassment cases tulad ng paglabag daw sa anti-dummy law, kidnapping and serious illegal detention; alarm and scandal.
Nitong May, inireport ng international watchdog Reporters Without Borders,
bumagsak ang Pilipinas sa pang-147th place sa kabuuang 180 bansa.
Ibig sabihin, di gasinong malaya ang press sa Pilipinas dahil ginigipit, tinatakot, kinakasuhan, tinitimbog at ipinakukulong ang mga mamamahayag na kritikal sa gobyerno.
Ganyan kalala lalo na mula nuong 2016 nang mamuno si Digong. Katunayan, may 23 ang naitala ng NUJP na journalist killings sa rehimen ni Duterte.
Paliwanag ng NUJP, higit pa sa pagkilala ng gobyerno sa press freedom, ang paggiit ng media community sa malayang pamamahayag at ng karapatan ng taumbayan na malaman ang mga importanteng impormasyon ang nagsisilbing sukatan ng kahalagahan ng Pambansang Araw ng Malayang Pamamahayag.
Noon pa man ay nilalabanan ng NUJP ang libel at ikinampanya na tanggalin na ang criminal aspect, ibig sabihin, wag nang ipakulong.
Pwede pa ring magdemanda ng libel pero civil case na lang kumbaga, pagbayarin na lang ng damages. Alam ko yan dahil kasama ako sa nagpagulong ng petisyon nung 2006 para idecriminalize ang libel.
Pero alam naman ng marami ang nangyari. Imbes gawing civil case na lang at tanggalin ang criminal aspect, lumala pa ang parusa.
Dahil sa cyber libel,ang maximum na 4 years or so na imprisonment sa libel, dinoble pa hanggang 8 years sa cyber libel.
May mga kasamahan kami na ni-libel din tulad ng mga dating director Ansbert Joaquin ng Olongapo at Kimberlie Quitasol ng Baguio. Ang magandang balita, parehong dinismiss ang mga kaso.
Alam nyo bang ang red-tagging ay umaabot na sa abroad?
Latest victim si Erie Maestro, columnist, Philippine Asian News sa Vancouver, Canada.
Na-red tag din si Christopher Sorio ng Radyo Migrante at chair ng Bagong Alyansang Makabayan Canada.
Sa kabila ng media attacks na ito, umaasa ang NUJP na matutuldukan ang mga hamon na kinahaharap ng mga mamamahayag.
Sa lahat ng laban ng independent at critical press sa Pilipinas, kapansin-pansin na wala ang napakaimportanteng sangkap ng suporta ng mga tao, walang people’s movement na nagsusulong ng press freedom at citizen’s right to access to public information.
Bilang media, nagrereport sila ng katotohanan sa mamamayan, tumutulong pag nasasalanta ng mga kalamidad, nagpapasaya at umaasiste sa mga kababayan na hindi pinapansin ng gobyerno sa kanilang mga pangangailangan.
Marapat na mag-focus ang media associations sa pagpapaliwanag ng papel ng media sa demokrasya at lipunan sa pamamagitan ng media literacy.
Sa ganitong paraan, makakakalap ng malawak na suporta ang media para lalo pang mabantayan ang malayang pamamahayag sa bansa.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]