Site icon Pinoy Publiko

Nagbabalik na Tondo Rep. Manny Lopez binatikos ‘wangwang’ at sugal

KAMAKAILAN ay nag-guest ang nagbabalik na first district of Tondo Congressman na si Manny Lopez sa buwanang “MACHRA Balitaan” news forum ng Manila City Hall Reporters’ Association sa Harbor View Restaurant sa Ermita, Manila at doon ay malungkot niyang ibinahagi na ang kanyang mga kalaban sa posisyon: may sugarol na naka-armored car at meron ding naka-kotse habang naka-wangwang at may mga hagad pa.   

Si Lopez, anak ng yumaong dating Mayor ng Maynila na si Mel Lopez, Jr. at nagsilbi bilang Congressman ng unang distrito ng Tondo mula 2016 hanggang 2022, ay isa nang ‘mayorable’ o ‘mayor material’  na maituturing dahil hinirang itong kandidato sa pagka-alkalde noong 2022 bagamat nagdesisyon na tumakbo na lamang ulit sa pagka-Congressman.

Ngayon ay umanib na siya kay Mayor Honey Lacuna na muntik niyang makalaban sa pagka-alkalde noong 2022.

Ang tanging dahilan niya ay ito: “Sa aking pananaw at pag-iisip, buong-buo ang tiwala ko na sina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo lang ang tunay na makapagbibigay ng serbisyong tapat at totoo sa hanay ng mga tumatakbo ngayon.”

‘Yan din umano ang eksaktong programa niya para sa mga residente ng Tondo bukod pa sa napakahabang listahan ng kanyang mga nagawa noong siya ay Congressman na aniya ay wala pang ibang Congressman na nakagawa sa kasaysayan ng Maynila, partikular ng unang distrito ng Tondo.

Bukod sa pagiging co-principal author ng mahahalagang batas gaya ng pagbibigay ng 4Ps, Universal Health Care Act at Senior Citizens Act, mahaba rin ang listahan ng mga proyektong naipatupad ni Lopez sa Tondo na kinabibilangan ng mga barangay halls, sports complexes at barangay health centers.

“Di po tayo kagaya ng aking katunggali na ang unang official act ay ang pagpapagiba ng district office at ngayon ay laging may hagad at wangwang kapag nagpupunta sa distrito. Bakit? Angat ka ba sa iba? ‘Yun naman pong isa ko pang katunggali ay alam ng lahat na ang negosyo ay e-sabong at naka-armored car kapag nagpupunta ng Tondo,”  ani Lopez, na hindi na nagbanggit pa ng mga pangalan. 

Sa laki umano ng alokasyon ng Kongreso para sa Tondo at kinikita ng e-sabong, grabe umano mamudmod ng pera ang kanyang mga kalaban sa pulitika dahil sa isip nila ay nabibili ang mga taga-Tondo.

Sa kanyang panig ay hindi umano makonsensiya ni Lopez na mamili ng boto dahil ang iniaalay niya ay serbisyo na makapagbibigay ng pangmatagalang pakinabang sa mga taga-Tondo at mga susunod na henerasyon nito, hindi gaya ng pera na panandalian lamang mapapakinabangan.

“Sa araw ng pagtutuos ay taas-noo po tayo dahil ang atin pong ibibigay ay serbisyong tapat at totoo.  Hindi po tayo budol o sugarol,” deklarasyon pa ni Lopez.

Sa nasabing forum ay ibinunyag din ni Lopez na ito palang si ex-Mayor isko Moreno ang aniya ay katangi-tanging naging alkalde ng Maynila ba nagbenta ng maraming pag-aari ng lungsod at nag-iwan ng sobrang laking utang.

“Dapat ang lider marunong maghanap ng pondo.  Hindi ‘yung utang ang solusyon,” ani Lopez.  Kasabay niyan ay pinuri niya si Mayor Honey Lacuna dahil sa kagalingang ipinamalas nito sa paghahanap at pangangasiwa ng pondo kung saan nagagawa pa rin niyang magpatupad ng mga programa sa kabila ng laki ng utang ng lungsod, bukod pa sa unti-unti na nitong nababayaran ang P17.8 billion utang na ipinamana ni Isko.

 “Ang pag-utang dapat ay base sa kakayahan, hindi ‘yung ibabaon mo ang kaban dahil taumbayan ang mahihirapan.  Walang alkaldeng nag-iwan ng  ganyang kalaking utang dahil inilalagay mo sa hindi magandang financial condition ang Maynila,” dagdag pa ni Lopez.   Binanggit niya na mula sa kanyang ama na si dating Mayor Mel Lopez, Jr., Mayors Fred Lim, Lito Atienza at Erap Estrada, lahat umano ay nag-iwan ng cash-on-hand upang kahit paano ay makapagsimula ang kahaliling mayor.  Ukol naman sa bentahan ng patrimonial properties sa panahon ni Isko, heto naman ang sabi ni Lopez:

“Walang pag-aari ang Maynila na dapat ibenta. Sa halip,  dapat ay bumili pa,  kung magaling kang fiscal manager. Kung ako ama, bakit ko ibebenta ang naipundar kong bahay o lupa? Ngayon kung ang mentalidad mo ay sugarol, lahat talaga isusugal mo.”    Tiwala si Lopez na mulat na ang mga mata ng taga-Tondo na si Mayor Honey Lacuna ang matino at talagang nararapat na maging alkalde ng Maynila at ito umano ang dahilan ng kanyang pag-anib sa tiket nito                                                             

***

DIRECT HIT entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to itchiecabayan@yahoo.com or text 0917-3132168.

Exit mobile version