HINDI talaga pakakabog ang Pilipinas pagdating sa mababangis na batas laban sa malayang pamamahayag.
Sa latest study ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization o UNESCO na inilabas ngayong 2022, 44 bansa, kasama ang Pilipinas, ang nagsabatas ng o pinatindi pa ang 57 batas at regulasyon laban sa online freedom of expression at press freedom, sa nagdaang limang taon.
May pamagat na “The Misuses of the Judicial System to Attack Freedom of Expression”, nagbabala rin ang UNESCO sa pagdami ng state policies na ginagawang kriminal ang magpahayag ng saloobin sa Internet.
Ang malala rito, ang cyber libel cases ay sinabayan pa ng pagpasa ng mga bagong batas sa cybersecurity at anti-terrorism.
Inalarma ng UNESCO ang puma-pattern na pagtataguyod sa mga batas na nagdadala ng takot sa maraming tao.
Kasama sa sinita ng UNESCO ang Anti-Terrorism Act of 2020 sa Pilipinas.
Mahigpit itong binatikos ng mismong UN Human Rights Council dahil sobrang lawak ng saklaw at banta rin ito sa freedom of expression.
Konkretong halimbawa niyan ang pagmamarka o red-tagging sa mga kritikal na media bilang mga komunista o front organization ng CPP NPA NDF.
Isa rin ang Pilipinas sa nagpatalas sa pangil ng libel law.
Kung sa luma at umiiral na batas sa libel, mahigit apat na taong kulong ang parusa, sa cyber libel, dinoble pa ito sa mahigit walong taon.
Imbes i-decriminalize o tanggalin ang parusang kulong, dinoble pa ito sa cyber libel.
Sa UNESCO study, pasok ang Pilipinas sa 38 bansa sa Asia at Pacific na nagpapatupad ng criminal libel. Nangunguna naman ang Africa na may 39 bansang nagpapakulong sa kritikal na mamamahayag
Sa buong mundo, 160 bansa pa ang may criminal defamation laws.
Sa Pilipinas, sa pamamahala ni Marcos Jr., nakapagtala ang National Union of Journalists of the Philippines o NUJP, dalawa ang pinatay, apat ang kinasuhan ng cyber libel, 17 ang kaso ng press freedom violations, dalawa ang inaresto sa kasong cyber libel, at may isang kinasuhan ng libel.
Meron pang biktima ng surveillance o paniniktik, dalawa ang ni-red tag, isa ang hindi pinayagang mag-cover, isa ang sinugod at sinaktan, isang death at dalawa ang biktima ng online harassment.
Labis na ikinababahala ng UNESCO ang patuloy na downward trend sa press freedom sa buong mundo na pinalala pa ng malaganap na mis/disinformation dahilan para mawalan ng tiwala ang mga tao sa news media.
Sa buong mundo, 85% ng mamamayan o walo sa bawat 10 tao, ang nakaranas ng pagkipot ng espasyo para sa malayang pamamahayag sa kanilang mga bansa sa nagdaang limang taon.
Katunayan, sa isang pag-aaral kamakailan ng Center for Media, Data and Society, 80% ng 546 state-administered media entities sa 151 bansa ang may kakulangan sa editorial independence.
Panawagan ng UNESCO sa mga gobyerno – decriminalize libel.
Ibig sabihin, tanggalin na ang kriminal na aspeto ng libel kung saan ikinukulong ang mga tao o mamamahayag na napatunayang naninirang puri.
Kumbaga meron pa ring libel law pero civil libel na lang kung saan, pagbabayarin ng fines ang nagkasala.
Ipinupush din ng UNESCO na ipawalang saysay o baguhin ang mga batas na banta sa press freedom tulad ng anti-terrorism.
Ang malayang pamamahayag ang pundasyon ng masiglang demokrasya.
Susi ito para malusog na magtalakayan ang mamamayan sa mga usapin na may kinalaman sa kanilang buhay at kabuhayan.
Sa malayang diskursong ito, lalo na sa takbo ng gobyeno, sumusulpot ang matatalas, kongkreto at angkop na mga ideya o solusyon sa mga ugat ng problemang nagpapahirap sa mamamayan hindi lang sa Pilipinas, kundi sa maraming bansa sa iba-ibang panig ng mundo.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]