MARAMI ang nagulat, naiskandalo at nainis nang malaman nila na ang pension ng mga sundalo at pulis ay galing sa buwis ng taumbayan.
Ibig sabihin, wala silang hinulog na contribution kahit singkong duling mula sa sariling sweldo hindi tulad ng mga government at private employees.
Bukod kasi sa PNP at AFP, saklaw ng Military and Uniformed Personnel (MUP) pension system ang mga bombero, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Corrections, Philippine Coast Guard at Philippine Public Safety College.
Pati nga ang National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) na walang kinalaman sa pagbibigay ng armed security o law enforcement ay kasama.
Sa kwenta nina Finance Secretary Benjamin Diokno, ang tinatanggap ng MUP retirees ay mas mataas ng siyam na beses sa mga nasa private sector sa pamamagitan ng Social Security System.
Paliwanag ni Diokno, ang average monthly pension ng retired soldiers at uniformed personnel ay P40,000 habang ang SSS pensioner ay nag-a-average lang ng P4,500 at ang GSIS pensioner ay nakakakubra ng average na P13,600 buwanan, mas mataas ng tatlong beses ang nakukuha ng MUP pensioner.
Eto ang opinyon ko riyan.
Sa tulad kong naghulog sa SSS, pakiramdam ko unfair at mabigat na pasanin na nagbakas ako sa pension ng mga sundalo at pulis pag nag-retire sila. Nakakabuset.
Kahit pa ba taga-bantay sila ng teritoryo ng Pilipinas laban sa banta ng pananakop ng ibang bansa, o nagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa panahong walang gyera, wala akong pakialam.
Dapat magbayad sila sa sarili nilang retirement.
Pinili nilang magsundalo o magpulis, it follows na obligasyon nila ang personal nilang kinabukasan sa pamamagitan ng paghulog ng contribution sa kanilang retirement pension.
Wag kunin sa buwis ng bayan sa pamamagitan ng direct tax tulad ng individual at corporate income tax at indirect taxes like value-added tax (VAT), na pinapatong sa mga produktong binibili natin tulad sa langis, de lata, softdrinks etc. at mga serbisyong pinakikinabangan natin tulad ng pag-inport goods, pagpaparenta ng properties, at iba pa.
Pangunahing responsibilidad ng gobyerno na gawan yan ng paraan, at itigil na ang pagpondo ng pension mula sa buwis ng mga tao.
Except for some God-fearing at human rights-respecting law enforcers, lantad naman sa taumbayan at sa buong mundo ang police brutalities na pinakamalala nung drug war ni Digong Duterte.
Ganun din ang extrajudicial killings at iba pang human rights violations ng mga sundalo sa mga magsasaka, indigenous communities, kababaihan atbp., na pinakamatindi naman nung Marcos dictatorship pero nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan sa gyera sa mga rebelde.
Lumalabas na ilan sa buwis para sa pension nila ay galing sa mga biktima ng patayan sa droga at military attacks sa mga sibilyan.
Para tuloy nagbayad ang mga biktima ng human rights violations ng direct o indirect taxes para takutin, gipitin, dukutin, torturin o patayin sila ng mga abusadong militar at pulisya na palagay ko kumubra na o kumukubra pa ng pension ngayon.
Talagang karumal-dumal at hindi makatarungan.
Ngayong taon, ang Pension and Gratuity Fund ay P272.94 bilyon.
Mas tumaas pa ito ng halos 50 percent sa 2022 pension budget na P183.94 bilyon.
Base sa datos ng DBM, nung 2013 ang budget MUP pension ay P64.16 bilyon na nadagdagan nung 2014 at naging P65.15 bilyon.
Noon pa lang 10 years back, pasanin ng taumbayan ang MUP pension.
Hanggang lumaki na ng lumaki ang budget sa MUP pension.
Isipin mo yan, pinension sa mga pulis at sundalo na maraming human rights violations.
Sa simula, hindi naman kasalanan yan ng mga sundalo at pulis kundi ni dating Pangulong Fidel Ramos na promotor ng sistemang yan at nagbigay ng pinakamalaking benepisyo sa MUP.
Sabit din ang mga sumunod na presidente na kinunsinti yan tulad nina Erap, Gloria at Duterte.
Ginamit itong political capital para maging loyal ang mga sundalo at pulis sa mga nagdaang presidente at hindi sila magkudeta.
Naging pang-akit ito ng gobyerno para marami ang magsundalo at pulis pero sinakripisyo naman ang buwis nating mamamayan.
Bagaman nag-effort si PNoy noon at si Duterte na repormahin ang MUP pension system, wala namang nangyari.
Yang bilyon-bilyon pisong pension funds na yan mula sa taxpayers ay magagamit pampondo para mas tumaas ang agricultural production at maiwasan ang food shortages, bahay sa mga walang tirahan, pondo para sa universal health care, dagdag na eskwelahan, livelihood sa mga mahihirap at dagdag sahod sa teachers, government nurses at iba pa.
Okay lang sana kung tunay na makatao at makabayan ang mga pulis at sundalo na nagpapakamatay para sa sinumpaang tungkulin sa batas sa kapuwa Pilipino tulad nung mga nagbabantay sa West Philippine Sea at paligid ng Pilipinas, suportado natin ang reporma na bigyan sila at i-prayoridad sila sa mataas na budget para sa mga pangangailangan nila.
Tapos, bigyan ng merit points na equivalent sa monetary o non-monetary benefits sa extraordinary at death-defying services nila.
Pero pag pumatay sa droga, demolition ng mga mahihirap, ng mga sibilyan sa armed conflict, sa welga at mga protesta, demerit ang kapalit na katumbas sa bawas benefits.
Sa ganitong paraan, iisipin nila kung susundin o hindi ang utos ng nakatataas maski mali at hindi makatao.
Yan ang isang naging epekto ng EDSA people power revolution: na-politicize ang militar at pulisya.
Ibig sabihin, nabigyan sila ng kapangyarihan na baguhin ang status quo sa pamamagitan ng mga kudeta.
Naramdaman nila ang nagagawa pag may kapangyarihan sila at hindi basta sunud-sunuran sa utos ng mga opisyal ng bansa.
Kaya mula noon, alaga na sila ng mga presidente para hindi manabotahe sa mga nasa poder.
Isang paraan ng pag-aalaga syempre ang mataas na sahod, perks at ito na ngang MUP pension.