NAPAPABUNTUNG–HININGA at kinakabahan. Minsan pa, akala mo bibitayin.
Hindi iyan overstatement.
Totoong nakakataranta ang monthly bill sa kuryente. Lalo na kung lagpas sa inaasahan ang charges.
Hindi kasi ordinaryong bill ang sa kuryente dahil hindi ito pupuwedeng ipagpaliban. May takdang panahon para ito ay bayaran dahil kung hindi, mapuputulan ng serbisyo at mabibimbin ang mga trabaho at negosyo.
Basic need ang kuryente sa pangaraw-araw na buhay. Kung ayaw mong literal na magdilim ang buhay mo, magbayad sa takdang oras.
Oo, kahit doon sa mga charges na akala mo ay illegal o unnecessary. Kahit yung forecast pa lamang. Iba, di ba?
Matagal ng binubusisi ng consumer group na Matuwid Na Singil Sa Kuryente (MSK) ang mataas na singil sa kuryente sa bansa at ang kawalan ng determinasyon ng gobyerno na tuluyang pababain ang naturang singil.
Sa kabila ng makikinang na pangako na ayusin ang hindi balanseng ugnayan ng electric providers at electric end-users tuwing may SONA, tuwing eleksiyon kung saan bukambibig ng mga politiko sa kanilang mga talumpati at plataporma; tuwing may general assemblies o conventions; tuwing public hearings sa mga ahensiyang nagbabalatkayong may katulad na layunin — gasgas na gasgas na ang mga pangako ng “least cost power at stable power supply.”
Maliwanag na lip service lamang ito upang pagtakpan ang totoong intensiyon na magkaroon ng market domination at mapalaki pa ang tubo ng mga pinapaborang power producers, to the detriment of overburdened consumers. May hangganan pa kaya ang panggagantso na ito ng mga mandarambong?
Kung hindi vigilant ang mga consumer watchdogs, kahit maliit na panalo ay hindi makakaiskor ang konsyumers.
Kadudada-duda sa ngayon, halimbawa – ang nabubuong ingay mula sa ilang mambabatas at policymakers na tila isinisisi sa EPIRA ang malubhang kalagayan ng konsyumers habang isinasantabi ang totoong dahilan kung bakit nasalaula ang batas.
Isang mmbabatas mula sa Timog Katagalugan ang out of the blue ay sumulpot upang isulong ang pag-aamyenda ng batas. Kasama niya ang dati na at hanggang ngayon ay nasa kongreso na nagsulong ng noong una ay makamasang mga batas subalit kalaunan ay nangibabaw ang pansariling interes kaya niya isinulong ang mga iyon.
Maganda rin ang layunin at habang pinapakinggan ko siya ay natuwa ako na sa wakas ay may kakampi ang konsyumers para sa paglaban sa mga monopolyo at nang mapababa ang singil sa kuryente. Subalit habang pinapalalim ko ang aking research ay may kuwestionableng link akong nakita at naiugnay siya. Biglang nag-ala Sherlock Holmes na naman ang aking kaisipan at sinundan ko lahat ng mga batas na kanyang isinulong kung mayroon man. Nakita ko na kahina-hinala ang kanyang hakbangin.
Nais nilang gumulong na naman ang taxpayers’ money nang walang kahirap-hirap sa kanila na tagagawa kuno ng batas at pagkatapos ay ano? Sisingitan ang IRR ng mga probisyong pabor sa DUs at gencos na lalong magpapadapa sa lubog na lubog nang kalagayan ng konsyumers. And the money trail goes on.
The end users meantime, (tayong electric consumers) ay tuluyang lalamunin ng mataas na singil sa kuryente.
Maganda ang mga kataga sa probisyon ng EPIRA. Kailangan lang talaga ng sinserong puso ng mga nasa gobyerno, nakaupo sa regulatory bodies at mabubuting intension ng power producers para sa maayos na implementasyon ng batas.
Samantala, uulitin ko ang panawagan ng MSK noon at hanggang sa kasalukuyan:
1. Buksan ang merkado sa mga plantang base-load at mga naghahatid ng suplay sa captive market upang mabawasan ang dominasyon sa merkado ng mga monopolista.
2. Isulong ang mas bukas (transparent) na kasunduan sa mga kontratang bilateral partikular sa pagitan ng SPPs (sister power producers) o affiliates.
3. Dapat bayaran lamang ng mga konsyumers ang mga planta na gumagana at hindi isali sa monthly billing ang maintenance fee sa panahong nakatigil ito ng operasyon. Unnecessary charge iyan na matik na nakakarga sa monthly billings natin.
4. Siguruhin na magkakaroon ang mga IPPs ng pansamantalang pagkukunan ng kuryente sa takdang panahon ng kanilang pagkukumpuni.
5. Isaalang-alang ang kapakanan ng konsyumer sa pagbili ng panggatong at pagtatakda ng presyo nito. After all, ang consumers ang end-users na pumapasan sa dagdag singil at masamang epekto ng mapanganib na energy mix gaya ng coal.
6. Itaas ang market share ng mga murang pagkukunan ng kuryente.
7. Amyendahan ang Rule 11 ng EPIRA Law IRR. Nararapat na nakaayon ang probisyon na ito sa limitasyon sa mismong EPIRA Law sa usapin ng pagmamay-ari, operasyon at control ng mga installed capacities.
8. Hikayatin ang pagtatalaga ng renewable energy bilang dagdag na pagkukunan ng suplay, subalit hindi ito dapat direktang pasanin ng konsyumer. Hayaan ang mga nais mag negosyo sa solar na sila mismo ang mamuhunan dahil sila rin naman ang kikita. Ang dating binabayaran ng consumers na FIT-ALL (Feed-In-Tariff) bilang subsidy para sa renewables ay dapat ibalik sa konsyumers bukod pa sa napakaraming unnecessary charges. Sobrang pahirap na ang ginawa sa konsyumers.
9. Magkaroon ng sapat na konsiderasyon sa mga nahihirapang magbayad kada buwan.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]