MRO ni Sen. Lapid palpak?

NGAYONG napakainit na pinag-uusapan ang ginagawang pambabarako o bullying ng China sa Pilipinas, marami ang nagtataka at nagtatanong kung bakit tahimik o wala sa eksena si Senator Lito Lapid.

Nasaan na ang tikas ni ‘Pinuno’, wala na bang angil si ‘Leon Guerrero’?

Ngayon ang panahon para patunayan ng senador na hindi dapat matakot at kaisa siya ng bawat Pilipino na lumalaban sa patuloy na pambabraso ng China sa West Philippine Sea.

Kung halos lahat ng senador ay pumapalag sa pambubully ng China, bakit parang walang imik si Lapid at hindi man lamang magpahayag ng pagkondena tulad ng ginagawa ng kanyang mga kasamahan sa Senado.

Paulit-ulit na lang ang pananakot ng China sa Pilipinas, at ang pinakahuli ay ang water cannon attack ng China Coast Guard laban sa Philippine Coast Guard nitong nakaraang Sabado, Agosto 5.

Kasama ng PCG ang ilang bangkang magsasagawa ng supply mission sa BRP Sierra Madre malapit sa Ayungin Shoal nang maganap ang panghaharass ng China. Ang pangyayari ay pormal na kinondena ng pamahalaan, at binigyan diin na ang insidente ay naganap sa tinatawag na Exclusive Economic Zone o  EEZ ng Pilipinas.

Pero baka naman ang media group ni Lapid ang palpak kaya hindi lumalabas ang istorya ng senador kaugnay sa isyu ng China bullying. Hindi kaya ang mismong head ng media ni Lapid ang walang alam sa kung papaano patatakbuhin ang kanyang grupo kaya ang senador tuloy ang  napapahamak?

Sabi nga ng isang source sa Senate… “naku, hindi marunong magsulat yan ng PR ni senator, parang script sa radio at hindi talaga gagamitin ng mga reporters. Walang anggulo!”

At kung tunay ngang ‘mahinang nilalang’ ang head ng media group ni Lapid, asahang kaylan man ay hindi malalaman ng taongbayan ang posisyon at paninindigan ng senador sa mga mahahalagang kaganapan sa Pilipinas lalo na ang kontrobersya sa West Philippine Sea.

Sino ba kasi ang Media Relations Officer o MRO ni Lapid? Kamote!

At hindi lang sa usapin ng West Philippine Sea madalas ‘tahimik’ si Lapid, dahil kung meron mang malalaking istoryang pumuputok, sinasabing matumal ang press release ng senador at hindi rin naman lagi pinapatulan ng mga reporter na nagko-cover sa Senate.

Ang masakit pa nito, malamang na mabigo si Lapid sa kanyang reelection bid sa 2025 midterm elections dahil na rin sa sinasabing hindi maayos na media work ng kanyang tanggapan lalo na ang paulit-ulit na pangyayari sa West Philippine Sea.

At mapapansing kahit sina Senator Bong Go, Senator Bato dela Rosa at Senator Francis Tolentino, kilalang dikit kay Pangulong Digong na best friend ni Chinese President Xi Jinping, ay pumosisyon na rin laban sa pambubully ng China dahil alam ng tatlong senador na mapupurnada ang kanilang plano sa halalan kung hindi sila kikilos.

Kaya nga, dapat talagang umaksyon na si ‘Pinuno’ at sibakin ang mga walang silbi sa kanyang tanggapan!

                                                            ***

Inaanyayahan ang lahat na panoorin ang aming bagong vlog kasama ang beteranong mamamahayag na si Jimmy Alcantara. Tatalakayin ng programang Ah, Basta! ang mga maiinit at napapanahong isyung pulitikal, showbiz at tsismis ng mga Marites sa bawat eskinita, looban, kanto at plaza. Abangan!!!