Mr. Official busy sa FB live, ahensiya napababayaan

MARAMI ang nagsasabi na sayang lang ang pondo ng gobyerno na ibinubuhos sa tanggapan ng isang appointed official na wala namang ginawa kundi magpapogi lang sa pwesto.

Saan ka ba naman nakakita ng opisyal na walang ginawa kundi ibandera sa social media ang lahat ng kanyang ginagawa pati na ang pagkain ng balut sa kanto.

At hindi lamang basta pagbabandera sa Facebook ang kanyang ginagawa dahil sa huling bilang ko ay anim na ang kanyang FB account.

Sinabi ng aking spotter na hilig ni Mr. Official na ipakita ang kanyang mga lakad kuno sa social media para kunwari ay busy siya sa kanyang pwesto.

Sa totoo lang ay makapangyarihan ang hawak niyang posisyon bagama’t hindi secretary-level ang kanyang ranggo.

Pero sinayang niya ang pagkakataong maibaba sa mga ordinaryong tao ang tunay na serbisyo na gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa totoo lang ay mahina ang kanyang ulo.

Sinabi ng ilan sa mga dati niyang tauhan na nagkataon lang na napabilang sa isang kilalang organisasyon ang opisyal na ito kaya napalapit sa pangulo.

Ginamit niya ng husto ang nasabing grupo kaya siya nagkaroon ng pwesto sa pamahalaan kahit na hindi siya qualified tulad na lamang ng una niyang pinamunuang ahensya na muntik nang mabangkarote dahil sa mismanagement.

Ngayon naman ay nag-concentrate na lamang siya sa pagyayabang online para ipakita na mayroon siyang alam ayon pa sa kanyang mga dating galamay.

Mahigpit rin ang kanyang instruction sa social media team ng kanilang tanggapan na dapat laging naka-online ang kanyang mga speech kahit ba sila-sila lang rin naman ang nanonood sa opisyal.

Ngayong malapit nang matapos ang termino ng pangulo ay matunog na namamangka ang opisyal na ito sa grupo ng dalawang presidentiable.

Gusto niya kasing makakuha ulit ng pwesto sa susunod na administrasyon ayon pa sa aking spotter.

Hindi na kailangan pa ang matinding clue dahil lagi siyang naka-live sa FB mga pare ko.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]