Moralidad sa pamamahayag

FOR What It’s Worth (FWIW) ang pang-limang kolum ko bilang alagad ng pamamahayag. 

Hango ang konsepto sa pagnanais kong magbahagi ng makatotohanang pagtingin sa mga usapin sa lipunan (partikular sa hilahil ng mga konsyumer) at kung paano makapagrerekomenda ng mga interbensyon upang maisara ang puwang sa pagitan ng kapital at tagakonsumo.

Ang una ay noong 1990s sa isang magasin na matagal nang nagtiklop kaya nakaligtaan ko na rin ang titulo. Pangalawa ay noong 2005, sa isa pa ring magasin na nakabase sa Makati at pinatatakbo ng mga alagad ng simbahan, ang St. Paul’s-Macau. Survival Kit ang titulo na tumalakay sa samu’t saring isyu ng kung paano manatiling handa, ligtas at buhay sa mapanghamong mga sitwasyon.

Ikatlo ay ang Bitch Caucus ng Manila East Watch na umani kahit paano ng maraming tagasubaybay dahil sa diretsahan, walang takot at makabuluhang pagtalakay sa mga isyu ng inhustisya, partikular laban sa mga kababaihan.

Sumunod noong 2018 ang The Rude Truth na inilathala ng Laguna Now, isang pahayagan na nakasentro sa lalawigan ng Laguna at pinagpatnugutan ng mahusay na editor na si Ayi M. Conde.

May ilang beses na akong natanong kung bakit madalas kong tinatalakay ay mga usaping kritikal sa mga isyung panlipunan. At ang lagi kong sagot, “mamamahayag ako, hindi publicist o press relations officer. Know the difference between the two.”

May napapaiyak, may naiinis, may nagpupuyos sa galit, at may tumatahimik upang magsuri sa mga inilalatag kong usapin sa aking kolum. Tila may asido umano ang bawat tinta ng aking mga binibitawang salita sa aking panulat.

In short, tagapagdala raw ako lagi ng masamang balita. Recorder of pain, bearer of bad news. Maangas. Rebelde.

In the realm of free expression, ang tingin ng madla sa mga palaban o bumabatikos na mamamahayag ay mga suwail, subersibo, dissidents.

Simple lang ang sagot ko sa nagtatanong kung bakit HINDI ako sumusulat ng mga papuri at never din akong naging COZY sa mga government officials: Ginagawa ko lang ang mga bagay na kailangan at dapat kong gawin para sa makatao at patas na lipunan. Walang takot at walang pinapaboran. No fear nor favor ang pang habambuhay na islogan. Kung makipagmabutihan ako sa mga opisyal, nakaamba ang tukso na mahigop ako ng sistema. Kaya detach- upang di malagay sa alanganin.

“We became dissidents without actually knowing how, we found ourselves behind bars without really knowing how,” saad ng manunulat na naging pangulo ng isang bansa sa mga pahina ng librong Index on Censorship. “We simply did certain things we had to do and that seemed proper to do; nothing more, nothing less.”

Mga salitang hango sa nobelista at dating pangulong Vaclav Havel ng Czech Republic. Islogan na dapat isapuso ng bawat mamamahayag. Na hindi dapat matakot sa banta ng red tagging o libel, kung responsible ang kanyang ginagawang panulat. Bagamat sa ilalim ng kasalukuyang lipunan, wala ng distinction ang pasismo sa red tagging. Wala na itong kinikilalang rason sapagkat mabilis ang paghatol sa sinumang salungat ng prinsipyo.  

Mabigat na responsibilidad ang pagiging mamamahayag. Hindi ito parang badge na dinidikit sa sasakyan upang gawing panangga sa mga sisita o kaya upang pangilagan dahil may angking koneksyon o kapangyarihan.

Hindi ito para magpa kyut lamang.

Sa pagpapanatili ng maayos na pamamahala para sa panlipunang kagalingan, kinakailangan ang walang sagkang diskurso at pagbusisi sa mga publikong gawain. Kailangan ang kompletong kalayaan na magkomento sa kondukta ng mga halal na opisyal . Hindi maaring maging maramdamin ang mga ito dahil ang malayang pamamahayag ay katulad ng “scalpel” na nagsisilbing panghiwa ng sugat upang makita ang mga naknak, paltos o maga at mabigyan ng tamang gamot.

Maaring makaranas ng masasakit at maling akusasyon ang isang opisyal na binabatikos, pero ang tanging makakapagpagaan ng nararamdaman niya ay ang balmo ng malinis na konsensya.

Silipin natin saglit ang kontrobersiya sa pagitan ni VP-elect Sara Duterte at Raissa Robles na nagdulot ng matinding bashing sa naturang journo. Nag-ugat ito sa tweet ni Robles na hindi pa handa ang Mindanao para sa turismo dahil sa mga isyung pang seguridad. 

Pinalagan ito ni Duterte at tiningnan bilang paninira sa Mindanao. Negatibong publicity daw ito sa Mindanao. At nakipagtulungan ang mga tagasuporta nito upang dumugin sa socmed ang kawawang mamamahayag na sinabihang iresponsable.

Pero ang konteksto ay ito: Bumatay lamang si Raissa sa opisyal na mga pahayag ng opisyal ng Department of Tourism. Pangalawa at higit na mahalaga, bumatay rin siya sa mga travel advisories na nagbibigay babalang mapanganib maglakbay patungong Mindanao.

So sino ang may kasalanan: ang mamamahayag na naglatag lamang ng opisyal na advisories mula sa kagawaran ng turismo o ang onion-skinned na government official na intolerant sa mapanuring media?  

Hindi ko maubos-maisip na pepersonalin ng isang opisyal ang mamamahayag para i-exploit at i-justify ang pagpasok ng bloggers, dahil irresponsible umano ang mga journalists.

Kailan lamang ay napag-uusapan ang accreditation ng bloggers upang maging bahagi ng mga pag-uulat sa Malacanang. Nakakainsulto sa lehitimong mamamahayag ang hakbang na ito. Taliwas sa totoong papel ng mamamahayag na maging watchdog ng gobyerno para sa pagkakamit ng checks and balances.

Hindi ko minamaliit ang bloggers. May malaki lamang pagkakaiba ang lehitimong mamamahayag sa bloggers or vloggers.

“A blogger decides for himself or herself. A journalist does not. A journalist, apart from being put through a rigorous training in the discipline and skills, apart from that, a journalist’s works are put through a system of checks to ensure that the information disseminated is truthful, well contextualized and not malicious. Bloggers don’t understand those things,” obserbasyon ni Ginoong Vergel Santos, trustee ng Center for Media Freedom and Responsibility.

Sa isang malusog na demokrasya, ang kailangan ay mga lehitimong balita mula sa lehitimong sources. Ang kailangan ay mga mamamahayag na hindi takot makondena o maparatangan sa pagtatanggol sa katotohanan. Hindi trolls of disinformation o bayarang propagandista. 

Mas mainam sa pamahalaan na pinapayagang umimik kesa pinapatahimik ang balita. Maging kritisismo man ito o pagkilala. Of course, hindi lisensiya ang kritisismo upang manira. Gayunpaman, dapat tingnan ang kristismo sa pamamahayag bilang mahalagang sangkap upang maging maingat at mabigyan-babala ang mga government officials na pagbutihin ang kanilang tungkulin para sa tao.  

Kung mga bloggers na nakasentro lamang sa mga isyung paglilinis at pagpapabango sa mga nakaupo ang mamamayani, pinapatay na rin natin ang totoong demokrasya dahil pinagwalang-bahala natin ang pinakaiingatang at sagradong probisyon ng saligang-batas on freedom of speech and of the press. 

Pang-aabuso at oppression ang misinformation at disinformation. Pagtulungan natin ibalik ang moralidad sa pamamahayag. 


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]