DUBAI, United Arab Emirates – Aligaga ang Pinoy community dito sa Dubai. Bakit ba naman hindi? Bukas, Sabado, Hunyo 12, ay ika-123 anibersaryo ng ating kasarinlan.
Taun-taon ay itinuturing na pista ang araw na ito ng mga Pinoy sa buong mundo. Kanya-kanyang pasiklab – mula Europa hanggang Australia – sa pangunguna na rin ng ating mga embahada’t konsukado.
Kinatatampukan ito na mga katutubong presentasyong naglalayong ipakilala sa buong mundo ang Pinoy – sintibay ng yantok at sanga ng bayabas; sing-galing ng mga magagaling ng ibang lupalop: Global Pinoy, ika nga.
Dito sa Dubai, kakaiba at namumukod-tangi ang parada.Food festival! Dalawang buwan…animal!
Adobo. Kare-kare. Relyeno. Balbakua. Diningdeng. Dinuguan – na kinatatakutan ng mga dayuhan dahil di sila kumakain ng dugo.
Aabot sa may 12 restorang pag-aari o pinatatakbo ng mga Pinoy ang sumali, at inaasahang marami pang iba ang lalahok.
***
Kaming mga overseas Filipino workers (OFWs), bukod sa taga-buhos ng saku-sakong dolyar sa gobyerno natin (na madalas di malaman kung saan napunta), ay may isa pang natatanging papel: sugo ng pagkaing Pinoy.
Dala namin ang mga lutuing kinalakihan sa Pilipinas sa payak na kadahilanang kapag nasa ibang bansa, pagkaing naka-ugalian ang unang hinahanap – pagtatakas, ika nga, sa pangungulila.
At sa pagluluto ng mga ito para sa aming hapunan matapos ang maghapong pagod sa pagtatrabaho, ay nakakakuha kami ng bagong kaibigan – mga “ibang lahi” kung aming tawagin dito sa Dubai, na minsa’y manghang-mangha na pwede palang pagsama-samahin ang mga gulay, lagyan ng bagoong at pangalanang Pinakbet (kung ika’y Kapampangan) o Dinindeng (kung ika’y Ilokano); na pwede rin palang ulamin ang balat ng tupa; o kaya’y i-kaldereta ang ulo nito.
Matutuwa po kayo sa kung paano nila bigkasin ang Pinakbet (fee-nak-beyt).
****************************
Kaya nga naman, sa pakiki-isa ng konsulado at ng League of Food and Beverage Entrepreneurs (LFBE), asosasyon ng mga mga Pinoy restaurateurs, inilatag ang “PINASarap sa UAE Food Tour,” – Pinas (Pilipinas) Sarap – yan ngang food festival.
May mga pa-premyo. May mga masasayang kwentuhan. May minsan-lang-sa-buhay na pagkakataong ipagyabang ang sariling atin mula sa kusina patungo sa kanilang puso.
Ayan kami, eh. Mga sugo.