DUBAI, UNITED ARAB EMIRATES: Ngayon – Oktubre a-uno, Biyernes – ang simula ng pinakahihintay na Expo 2020 Dubai. Kagabi ginanap ang opening ceremony na napanood sa iba’t ibang bahagi ng United Arab Emirates sa pamamagitan ng live streaming. Napanood din ito ng buong mundo sa pamamagitan rin ng live streaming. Gaganapin ito hanggang Marso 31, 2022.
Umabot sa 192 na mga bansa ang sumali at nagsipagtayo ng kani-kanilang pabilyon sa Expo 2020 site – kasama na ang Pilipinas. Ayon sa mga opisyal, ito na ang isa sa mga pinakamalaking bilang ng mga bansang nag-participate.
Dapat sana’y noong isang taon ginanap ang Expo 2020 Dubai, subalit naantala ito sanhi ng pandemyang COVID-19.
Ang nakakatuwa sa Expo 2020 Dubai – sa punto de vista nating mga Pilipino – ay ang bilang ng mga Pinoy na nagtatrabaho ngayon doon. Ang dami! Di ko pa nakuha ang eksaktong bilang mula sa organisador.
Gayumpaman, mapapansing nandoon ang mga Pinoy sa bawat departamento – mula visitor guides hanggang construction, engineering, IT at maging media (kasama na ang inyong lingkod na syang nag-iisang Pinoy sa Expo News Service ng Expo Media Center).
Isa sa mga nagagalak sa pagkakaruon ng pabilyon ng Pilipinas sa Expo 2020 Dubai ay walang iba kundi si Ambassador Hjayceelyn “Joy” M. Quintana na syang puspusang kumilos upang makumbinse ang Malacanang na lumahok ang ating bansa sa world fair na ito.
Pinaunlakan niya ang request ko na magbigay ng kanyang mensahe sa okasyong ito:
“I invite all our kababayans to stand in solidarity with our brother and sister Emiratis as they host, beginning this October, the world’s fair, dubbed the “world’s greatest show.”
“As UAE welcomes the world, we join them in making sure that the goals and aspirations of this global event are achieved.
“Through the remarkable story to be unveiled in the stunning Philippine pavilion in the World Expo 2020 Dubai called the Bangkóta, the Philippines, as a country with one of the largest foreign nationals groups in the United Arab Emirates (UAE), commits to show a strong presence in the Expo together with 200 other nationalities. The Bangkóta pays homage to the Filipinos in the Middle East and around the world for their huge role and contributions in creating a bright future for humanity wherever they may be.”
Bago nagka-Covid pandemic ay tinatayang nasa isang milyon ang bilang ng mga Pilipino sa UAE – sama-sama na yan: legal na OFWs at kanilang mahal sa buhay, at mga TNT.
Samantala, dito kasi sa Dubai, at maging sa ibang bahagi ng UAE, tradisyon na ng mga OFWs ang dalhin ang mga kamag-anak nila para sa Kapaskuhan.
Ayon sa mga nakausap ko, kasama na ang Pilipinang may-ari ng isang travel agency dito, higit na maraming OFWs ngayon ang nag-book ng tiket para makarating dito ang kanilang mga mahal sa buhay na nasa Pilipinas.
Bakit, ika mo? May dagdag na pasyalan: ang Expo 2020 Dubai.
Lifted na rin kasi ang travel restrictions ng Pilipinas sa mga biyaheng galing UAE.
Wala na rin masyadong pag-aalala tungkol sa COVID-19 bagamat hindi pa rIn kampante ang mga tao at tuloy pa rin ang mga social distancing at iba pang precautionary measures.
Ayon sa pinakahuling tala ng pamahalaan, aabot sa halos 78% na ng populasyon ang nabakunahan ng dalawang beses habang 89% naman ang nakatanggap na ng unang bakuna.
Ayon pa rin sa pamahalaan, mayroong naitalang 265 na bagong kasi ng COVID-19 sa nagdaang 24 oras habang isinusulat ang kolum na ito.
Para makapasok sa Expo 2020 Dubai kailangang magpakita ng proof of vaccine ang mga visitors mula sa kanilang gobyerno, di kaya’y negative PCR test results sa loob ng nagdaang 72 hours.
Tinatayang aabot sa 25 milyon ang mga pupunta sa Expo 2020 Dubai na kung saan ay 17 milyon ay mga international visitors.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]