Si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang nakikiusap sa publiko at sa mga opisyal ng gobyerno na makiisa sa mga ginagawang hakbang ng pamahalaan para maiwasan ang pagtaas sa bilang ng mga nahahawa sa COVID-19.
Partikular na inaasahan ng Pangulo sa mga opisyal ng pamahalaan na kakitaan ng magandang halimbawa sa kampanya kontra pandemya.
Simple lang naman ang mga ito, social distancing at pagsusuot ng proteksyon sa mga pampublikong lugar tulad ng mask at face shield.
Nawa’y kapulutan ng aral ang kasong isinampa sa isang opisyal ng Games and Amusement Board pati na rin sa ilang lokal na opisyal ng Puerto Princesa City dahil sa paglabag sa minimum health standard na ipinatutupad ng pamahalaan.
Noong June 10 ay naghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang ilang residente ng Puerto Princesa City sa Palawan.
May kaugnayan ito sa pag-apruba ng pamahalaang panlungsod sa pangunguna ni Mayor Lucillo Bayron sa pagbubukas ng Balayong Fun Ride and Acacia Tunnel Lighting sa Puerto Princesa City.
Dinagsa ito ng higit sa 1,300 residente ng lungsod at mga kalapit-lugar ayon sa inihaing reklamo kung saan ay hindi rin umano nasunod ang social distancing.
Paglabag sa Bayanihan Act at open disobedience sa ilalim ng Article 231 ng Revised Penal Code ang inihaing reklamo ng ilang concerned residents ng lungsod.
Bukod sa alkalde, kasama rin sa mga nakasuhan sina Judith Bayron na siyang tumayong chairperson ng executive committee para sa nasabing event, Dean Palanca na pinuno ng City Incident Monitoring Team at pati si Games and Amusement Board Chairman Abraham Mitra.
Isinama si Mitra sa reklamo dahil sa hindi niya pagsusuot ng mask at face sheld na paglabag sa ipinatutupad na minimum health protocol kung saan napaulat na nag-positive siya sa COVID-19 ilang araw makalipas ang nasabing event na naganap noong May 7.
Ayon sa ulat ng Octa Research, ang Puerto Princesa City ay kasama sa mga lugar na may pinakamataas na kaso ng COVID-19, patunay rito ang pagsasailalim sa buong lungsod sa Enhanced Community Quarantine mula June 1 hanggang June 15.
Ang nasabing reklamo sa tanggapan ng Ombudsman ay katibayan lang na ang karamihan ay mas concious na ngayon sa kanilang kaligtasan dahil sa totoo lng hindi po biro ang epekto ng COVID-19 hindi lamang sa ating pangangatawan kundi sa buong sangkatauhan.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]
One Comment on “Mga pasaway na gov’t officials, unahing kastiguhin”
Comments are closed.