PAG-USAPAN natin ang ating kalusugan pangkaisipan o mental health?
Ano nga ba ang mental health? Nakababahala ba ito o pwedeng isantabi?
Mahalaga na ang ating mental health ay malusog para sa balanseng buhay dahil mas nagiging produktibo tayo kung maayos ang ating kaisipan.
Lahat naman tayo ay nakararanas ng problema. Parte na ito ng ating buhay.
Yun lang, may iba sa atin na mas matindi ang pinagdaraanang pagsubok. May iba na kayang labanan ang problema, may iba naman na sumusuko at nauuwi sa hindi magandang ending, ‘ika nga.
Maraming dahilan kung bakit may nagkakaproblema sa mental health. May iba na kaya nilang lampasan ang tindi ng problema, ngunit may iba rin na kailangang sumangguni sa psychologist o sa psychiatrist.
Hindi biro ang makaranas ng matinding depresyon, lungkot, stress, pagkabahala, labis na pag-iisip o overthinking, pagharap sa matinding problema at marami pang dahilan.
May kaibigan ako na isang bipolar. May edad na siya nang ma-diagnose siya. Maging siya ay hindi aware na bipolar siya. Dahil hindi alam ng aming mga kaibigan na bipolar siya, madalas tinatawag siyang “baliw” dahil sa mabilis na pagbabago ng kanyang mood o yung tinatawag na mood swing.
Ano ang bipolar? Ayon sa National Institute of Mental Health (NIMH), “bipolar is a mental illness that cause unusual shifts in a person’s mood, energy, and concentration.”
At dahil sa mood swings, naapektuhan nito ang pang-araw-araw na gawain ng taong may bipolar.
Paano natin malalaman na kailangan na nating magpatingin o kumunsulta sa isang psychologist o psychiatrist? Kapag matindi na ang nararamdamang kalungkutan, hindi makatulog sa labis na pag-iisip, di makatuwirang init ng ulo at marami pa.
Nakakaramdan naman tayong lahat ng kalungkutan, pagkainis, pag-iisip, o init ng ulo. Subali’t kung labis na ito at nakakasagabal na sa pang-araw-araw na gawain, senyales na ito na kailangan na natin ng tulong ng isang espesyalista na makakatulong sa ating mental health.
Ang pagkonsulta sa isang psychologist o psychiatrist ay hindi kailangang ikahiya. Hindi ito nakakahiya o nakakasira sa pagkatao. Tanggalain natin ang ganitong klase ng kaisipan.
Lahat tayo may pinagdaraanan. Matindi man o ayos lang, maging sensitibo tayo sa mental health natin o ng ating mga kakilala. Tandaan natin na hindi nakakatuwa ang mga salitang “move on” ka na lang o nasa isip mo lang yan.
May batas na rin tayo na ipinasa para makatutulong sa mga taong may mental health issues, ito ang Republic Act 11036. Nakasaad sa batas na dapat may 24/7 hotlines na maaaring tawagan ng mga kamag-anak o kaibigan ng isang taong may suicidal tendency at dapat may community-based na mental health care facility, at kasama ang accessible mental health care para sa mga estudyante.
Ang isyu natin sa ating mental health ay hindi dapat ikinahihiya. Nagagamot ito. Naaagapan ito. Magpakunsulta kung kailangan.
***
Kung ikaw o may kakilala na kailangan ng tulong, mangyaring tumawag sa National Center for Mental Health (NCMH). Bukas palagi ang kanilang linya na 1553 (Luzon-wide landline toll-free), 0917-899-USAP (8727), 0966-351-4518, and 0908-639-2672.