KASADO na ang mahigit 300 journalists at 37 mainstream at alternative media, journalists’ at publishers’ associations, watchdogs at academe sa buong bansa na labanan ang fake news, ilantad ang mga kalokohan, bantayan ang pera ng bayan at ibalita ang katotohanan sa kanilang Pledge for 2022 Elections sa Zoom assembly nitong Sabado, July 17.
Kasama rito ang Philippine Press Institute (PPI), Philippine Star, National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), MindaNews, Rappler, Interaksyon, Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), ABS-CBN, Bulatlat, Pinoy Weekly, Davao Today, Kodao Productions at iba pa.
Pumirma rin sa Pledge ang mga beteranong mamamahayag at top executives ng iba-ibang media entities tulad nina Che Che Lazaro, Ma. Ceres Doyo, Tina Monzon Palma, Ging Reyes, Ed Lingao, Roby Alampay, Inday Espina Varona, Jo-Ann Maglipon, Solita Monsod, John Nery, Juliet Labog Javellana, Luis Teodoro, Luz Rimban, Maxxy Santiago, Raffy Tima, Paulynn Sicam, Sonia Soto, Vergel O. Santos at marami pang iba.
Mga institusyon at personalidad na hindi matitibag ang integridad at kredibilidad.
Walang uubrang presidente ng bansa, malalaking korporasyon o trolls ang kaya silang takutin o patahimikin.
Ang era na ito ng social media ay nagpalakas ng boses ng maliliit at api para marinig at irespeto ng buong mundo.
Pero ito ring unli cyberspace ang nagbigay daan at sinasamantala ng kontra-katotohanan at kontra-masang impormasyon at demolition jobs na sinusulsulan at pinopromotor mismo ni Presidente Duterte, kanyang alipores at troll armies, political opposition, dambuhalang companies at iba pang vested interest groups.
Markado ang rehimen ni Duterte sa kasaysayan dahil isa siyang despotikong lider na kasing brutal ng iniidolo niyang diktador na si Ferdinand Marcos.
Huwag kalilimutan ang libo-libong tinokhang, pinatay na journalists, lawyers, magsasaka, indigenous people, at iba pang sektor; mga ginutom at namatay na kababayan dahil sa magulo at magulang na pamamahala ng COVID-19 pandemic, palpak na paninindigan sa West Philippine Sea, patuloy na nagdurusang kapatid na Muslim dahil sa mahinang pagtugon sa Marawi Siege, at sa iba pang katutubo tulad ng Lumads na biktima ng anti-terror bill.
Umasa na gagamitin ng Duterte clique ang kapangyarihan, kaban ng bayan at mapamuksang makinarya ng estado para manatili sa pwesto ang kanyang koalisyong duwag, sakim at mapamaslang.
Kaya talagang pamatay ang bakbakan sa 2022 na kakayanin lang ipanalo ng mga mahihirap at inaapi sa total rejection sa ruling Duterte elite sa eleksyon na darating.
May pwede nang simulang i-push ang mamamayan na trabahuin ng media:
Halungkatin, busisiin, ibulgar ang iniyabang ni Duterte nito ring Sabado, July 17, na sako-sakong salapi para sa mga kandidato ng ruling Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa 2022.
Sisiguruhin ni Duterte na mamamayagpag sila sa poder sa pag-aakalang ligtas sila sa himas rehas ng International Criminal Court.
Isama nyo na ang inilantad ng COA na P 70.6 milyong budget para sa 375 na hinihinalang trolls ng PCOO, ang hindi authorized na pagdeposito ng P1.8 bilyong pondo ng AFP sa 20 bank accounts, ang AFP P6.8 bilyon na contracts sa 41 projects at ang P1.7 bilyon sa 29 kontrata ng PNP Special Action Force na hindi rin na-deliver.
Idagdag na rin ang P16.4 bilyon na Barangay Development Fund (BDF) P4.5 bilyong presidential confidential and intelligence funds at mahigit P20 bilyong pondo ng Bayanihan 1 and 2.
Nakakalula at nakakasuka ang mga karumal-dumal at walang kahiya-hiyang mga iregularidad na ito sa pondo ng bayan.
Resbak time na mga kababayan!
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]
Link sa Election 2022 Pledge for Journalists and Media Organizations:
https://docs.google.com/forms/d/e/1FAIpQLSfmDqgtsh_e1ze83EvwIrtyQ628h18ojlfJyrGa22jtOCBcsQ/viewform