Mayor Honey tiniyak tulong sa Maynila tuloy-tuloy

MALAKING bagay talaga kapag ang alkalde ng isang lungsod ay kakampi ng Malakanyang.

Halimbawa na lamang sa lungsod ng Maynila na nito lamang kamakailan ay talaga namang ‘bugbog na bugbog’ ang pondo.

Bukod kasi sa P17.8 bilyong utang na iniwan ni dating Mayor Isko Moreno, kaliwa’t kanang sunog ang tumama sa iba’t ibang bahagi ng lungsod, bukod pa sa mga pagbayong ginawa ng sunod-sunod na bagyo.

Isipin na lamang na habang nakabaon sa utang ang Maynila ay nagagawa pa ring makahanap ng paraan ni Mayor Honey Lacuna na makapagbigay ng pinansiyal na tulong sa mga nasalanta ng bagyo at sunog. 

At hindi lamang ito basta tulong dahil sa aking pagkakaalam, ang bawat pamilyang nasunugan ay binibigyan ng pamahalaan ni Lacuna ng tig-P10,000.

Siyempre, bukod pa riyan ang mga gastusin sa mga pangunahing pangangailangan gaya ng tents, kumot, pagkain, tubig at hygiene kits.

Dahil tiwala ang Malakanyang at mga ahensiya ng pamahalaang national sa liderato ni Mayor Honey na kailanman ay hindi nabahiran ng anomalya o korupsyon,  ang alkalde ay mabilis na natutugunan tuwing siya ay humihingi ng tulong sa kanila.

Malaking tulong din ang walang humpay na suportang ibinibigay kanyang mga kaalyadong congressman na laginf nakasuporta dahil nga alam nila ang kalagayang pinansiyal ng Maynila bunsod ng utang na iniwan nang nakalipas na alkalde.

Lima sa anim na congressman ng Maynila mula ikalawa hanggang ikaanim na distrito -Rolan Valeriano, Joel Chua, Edward Maceda, Irwin Tieng at Benny Abante- ang talagang hindi bumitaw kay Lacuna dahil nga alam nilang matinong lider ito at tapat sa paghawak ng pondo ng lungsod.

Bukod sa national agencies gaya ng Department of Social Welfare and Development, nariyan din ang tuloy-tuloy na suporta ng Department of Labor and Employment sa walang humpay na pagbibigay ng trabaho ng Maynila sa pamamagitan ng public employment service office na pinamumunuan ni Fernan Bermejo, gayundin ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa ilalim ni Sec. Jerry Acuzar.

Higit sa lahat, nariyan din ang suporta ng pinakamatataas na opisyal ng pamahalaan. 

Una nang lumutang si House Speaker Martin Romualdez sa groundbreaking ceremony ng ipinatatayong libreng cancer center.  Nangako ito ng todong tulong ng Kongreso na kung kulang daw ay mismong sa bulsa na ng kanyang pamilya na sila kukuha.

Ito ay sinundan ni First Lady Liza Marcos na regular na tumutulong din lalo na sa mga kabataang mag-aaral ng Maynila na nasa sektor ng mahihirap, bagama’t ayaw nito ng publicity.

Kamakailan lang, mismong si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na ang lumutang sa pagtulong sa administrasyon ni Mayor Honey at magkasama pa silang namigay ng tulong sa mahigit 2,000 pamilyang nasunugan sa Isla Puting Bato, kasama din sina DSWD Secretary Rex Gatchalian mismo at Vice Mayor Yul Servo.  Naroon din ang mga konsehal ng first district ng Maynila kasama ang nagbabalik na Congressman Manny Lopez.

Mapalad ang mga taga-Maynila na dahil sa tiwalang meron kay Mayor Honey ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan ay mabilis pa sila sa alas-kuwatro na nag-aabot ng tulong sa tuwing kinakailangan.

Masuwerte din ang mga Manilenyo na sadyang mapagkumbaba ang kanilang alkalde na hindi nahihiyang halos mamalimos ng tulong para sa kanila.

Dangan nga lamang, sayang dahil kung walang utang na bilyon ang Maynila na kinakailangang i-honor at bayaran ng kasalukuyang administrasyon, siguradong mas marami pang benepisyong mapapala ang mga taga-Maynila kay Mayor Honey dahil bilang isang ina at babae ay masinop ito pagdating sa pananalapi ng lungsod.  

Gaya nga ng nabanggit ko na, wala itong bahid ng korupsyon dahil kung meron, siguradong pinagpyestahan na ito sa social media. 

Hanggang 2028 pa ang administrasyon ni PBBM kaya siguradong tutulong pa din ang pamahalaan sa Maynila hanggat naririyan si Mayor Honey.

***

DIRECT HIT entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to [email protected] or text 0917-3132168.