MAY mga napili na ba kayo na iboboto sa May 2025 elections?
Ako kasi may napili na para sa senatorial.
At wala rito ang mga kasalukuyang nakaupo na matatapos na ang termino nila at maari pang tumakbo bilang senador, dahil base sa kanilang mga record, ay wala namang nagawa kundi mga mema lang.
May mga pangalan na lumulutang kung sino ang mga may planong tumakbo sa pagka-senador sa 2025 elections na talaga namang nakakaloka dahil alam na sikat at maingay lang sa social media.
May nagpaparamdam din na isang aktor na laos na ngayon at masasabi kong hindi karapat-dapat dahil wala naman siyang alam sa politika. Kahit nga pang-barangay na posisyon, wala itong experience, paano niya kakayanin ang pang-national na mga issues.
Tingnan niyo yung isang bigotilyong artista na senador, hirap na hirap sa mga national issues.
May isa rin na kapatid ng isang senador ngayon na nagsabing tatakbo siya sa senatorial race. Malamang mananalo ito dahil sikat.
Tandaan natin na utak ang kailangan sa paggawa ng batas. Sayang ang pera ng bayan kung ang mananalo ay sikat pero wala namang alam sa batas.
Labing dalawang senador ang matatapos ang termino sa 2025. Tatlo ang hindi na pwedeng tumakbo dahil nagamit na nila ang maximum allowed number of terms na tatlong termino. Ito ay sina Nancy Binay, Grace Poe, at Cynthia Villar.
Tig-isang termino pa lang sila Ronald dela Rosa, Bong Go, Lito Lapid, Imee Marcos, Bong Revilla, at Francis Tolentino. Maari pa silang tumakbong muli sa pagka-senador. Pero sana huwag na, kung talagang may malasakit sila sa ating bansa.
Nakita na natin ang nangyayari sa Senado kung ang ibobotong mga mambabatas ay walang alam sa batas. Hayahay ang buhay. Sarap buhay.
Marami tayong choices. Ngunit iilan lang sa kanila ang karapat-dapat, may alam sa batas, at alam nating may malasakit para sa taumbayan.
Ang tingnan natin ay ang kanilang credentials at hindi kung gaano sila ka-sikat.
May sampu na akong napili, dalawa na lang ang kulang.
Nakatitiyak ako na ang aking mga napili ay magsisilbi nang tapat para sa ikabubuti ng ating bansa.
Kayo ba, sinu-sino sa tingin niyo ang nararapat na umupong 12 susunod na senador?