Matinding court battle ng ex-couple na gov’t officials

UMABOT na sa hukuman ang hatian ng kayamanan ng dalawang senior citizen na dating mag-asawa.

Kilala sa larangan ng pulitika at negosyo ang dating mag-asawa na marami na rin namang apo.

Walang mag-aakala na sa kabila ng maraming taon nilang pagsasama ay sa hiwalayan pa rin mauuwi ang lahat.

Si misis na isa ring socialite ay hindi na itinatago ang kanyang boyfriend na naging kasintahan na rin pala niya noong siya’y nasa kolehiyo pa.

Isang honorary consul sa isang bansa sa Europe ang ipinalit ni madam kay sir na nagmula naman sa isang malaking angkan ng mga negosyante at pulitiko sa bansa.

Pareho silang naging opisyal ng pamahalaan na humawak ng iba’t ibang posisyon sa gobyerno.

Sinabi ng aking spotter na hindi ito ang unang pagkakataon na na-link si madam sa ibang lalaki dahil minsan na rin niya itong nakita na ka-date ang isa sa kanyang mga dating bodyguard.

Sa isang budget hearing sa Kamara noong araw ay nakita rin ng isa pang reporter ang sweetness sa pagitan ni madam at ng kanyang bodyguard na isa ring bumbero.

Sinabi rin ng aking spotter na nagsikap ang kanilang mga anak na ayusin ang relasyon ng dating power couple pero nauwi lang sa wala ang kanilang effort.

Dahil hindi makuha sa pag-uusap ang hatian ng kanilang mga ari-arian kaya nagpasya na lamang sila na idulog na ito sa hukuman.

Si madam ay nakatira ngayon sa isang mamahaling condo unit samantalang si sir naman ay naiwan sa kanilang mansion sa loob ng isang gated subdivision sa Makati City.

Ang dating mag-asawa na bida sa ating kwento ngayong araw ay sina Mr. And Mrs. C…as in Colonel.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]