HABANG palapit ang takdang araw ng pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto ay sunod-sunod ang foreign investment laws na isinabatas. Ang Foreign Investment Act (FIA), ang Public Service Act (PSA) at Retail Trade Liberalization ay lingguhan lamang ang pagitan sa pinirmahan.
Isinabatas ang mga naturang panukala sa bisa ng malakas na panawagan na kailangan ng bansa ang dayuhang pamumuhunan. Kailangan dahil bagsak ang ekonomiya at dapat itong saluhin upang makabangon.
Ang lakas ng hatak ng salitang “pamumuhunan” o investment. Ang rangya! Pinaka-aasam.
Ang lakas ding magpa-asa.
Mabilis mahumaling ang naghihikahos na bansa sa pangako ng dayuhang pamumuhunan.
Ang tanong: Maganda bang ibukas ang ating mga industriya sa dayuhang investors? Ito ba ang makakapag-ahon sa naghihikahos na pambansang ekonomiya?
Mainam na suriin natin ito batay sa karanasan, kasaysayan, best practices at balanseng pagsusuri.
Early 70s pa sa panahon ng rehimeng Marcos ay bukas na ang Pinas sa dayuhang pamumuhunan, gaya ng export processing zones (EPZs). Alinsunod ito sa apat na dekadang pagsunod sa kasunduan sa pagitan ng Pinas, ng International Monetary Fund (IMF) at World Bank (WB) ganun din sa ilalim ng World Trade Organization (WTO) agreements. Siyempre, idagdag natin ang mga local na batas gaya ng ipinasa ng administrasyong Duterte. Kaya naman lumawak ang foreign investment in absolute terms and as share of gross domestic product (GDP) mula pa 1970s.
Subalit bakit sa kabila ng pagbuhos ng dayuhang pamumuhunan ay hindi maampat-ampat ang unti-unting pagkaubos ng dugo ng nanghihingalong pambansang ekonomiya?
Bakit hindi maramdaman ang epekto ng ibinubuhos na dagdag- pondo sa sector ng manufacturing at agrikultura?
Katunayan, matapos ang apat na dekada ng pagbubukas ng ekonomiya sa dayuhang mamumuhunan, isa pa rin tayong “kuting” sa kapasidad na may mataas na insidente ng unemployment at mababang local production.
Ergo, ang argumento na kailangan ang dayuhang pamumuhunan upang lumakas ang ekonomiya ay isang kabalintunaan. This will not actually make any difference. Any increase in foreign investment from relaxing foreign ownership restrictions will actually not make any difference.
Kahit pa payagan ang 100% foreign investments ay walang katiyakan sa kulay rosas na ipinipintang kahihinatnan umano ng ekonomiya. Ano ito, utopian dreams?
Subalit iyan lagi ang linyahan ng mga economic managers ng pamahalaan. May pasaring pang maari umanong hindi sapat o lubusan ang pagbubukas ng bansa sa foreign investments. Paulit ulit ang mga rekomendasyon upang mapaganda at mapadali ang proseso ng burukrasya dahil sagabal umano ang mga restriksyon sa pagdaloy ng foreign investments.
Habang pinapaganda ang kalakaran ng pagnenegosyo para sa foreign investments, wala naman gaanong pabor sa domestikong mga namumuhunan. Di ba dapat charity begins at home?
Eto ang simpleng katotohanan: maraming Asian economies na may kakaunting foreign investments ang totoong lumago at naging industriyalisado gaya ng South Korea, Taiwan at China. Katunayan, lumago ang mga ekonomiyang ito sa panahong hindi sila gaanong umasa sa dayuhang pamumuhunan.
Kaya kung ang iginiit na rason ng Pinas na pagbubukas nang tuluyang sa foreign investments ay sadyang magpapabago sa lagay ng ekonomiya, bakit mas higit na naramdaman ang mataas na unemployment rate, mas mababa ang pasuweldo, mababa ang produksyon sa agrikultura, at lumakas ang pagpapadala ng mga trabahante sa ibang bansa?
Gusto tayong linlangin ng ating mga mambabatas at economic managers sa pagsasabing maiiwanan tayo sa pag-unlad kapag hindi ipatupad ang liberalisasyon sa pamumuhunan.
Subalit ayon sa United Nations Conference on Trade and Development (UNCTAD) World Investment Report 2021, taliwas sa paniniwalang ito ay ang restrictive investment policies ng developed economies na magpapahirap sa underdeveloped economies gaya ng Pilipinas. Hindi man malumpo ang ating ekonomiya, magiging dahilan naman ito ng tuluyang paghina nito.
Matagal nang dapat alam ng Pinas ang leksyon ng bigong globalisasayon. Wala pa ring mas mainam kung hindi ang isailalim sa regulasyon at restriksyon ang dayuhang pamumuhunan upang maprotektahan ang local investments.
Dapat mailagay sa tamang konteksto ang mga batas na makakaapekto hindi lang sa pambansang pamumuhunan kundi maging sa pambansang seguridad. Mali na gawing bisyon ang mapanlinlang na “pag-unlad” dahil malinaw na ang batas para sa lubusang pagbubukas ng pamumuhunan sa dayuhan ay mga oportunidad para sa maanomalyang tubo.
Dapat isaalang-alang ng pamahalaan ang pangmatagalang kaunlaran gaya ng local investments sa agrikultura na magbubunsod sa development ng iba pang local na negosyo. Dapat simulan ng pamahalaan ang istratehikong programa para sa pambansang industriyalisasyon, agricultural modernizastion at panlipunang serbisyo publiko.
May matinding leksyon na iniwan ang dayuhang mamumuhunan na Hanjin sa Subic, habang hanggang ngayon ay wala pa ring sariling shipbuilding o gas industry ang bansa. Gayundin ng kompanyang Intel na bagamat maraming Pinoy ang magagaling sa teknolohiya ay wala pa rin maituturing na local electronics industry.
Local industries muna ang buhayin, bago ang lubusang pagpabor sa dayuhan.
Huwag ipagkait ang kaunlaran sa totoong benipisaryong dapat makinabang.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]