ANG desisyon ng Korte Suprema kamakailan tungkol sa 48-hour written notice bago ipatupad ang disconnection sa kuryente ay malaking panalo hindi lamang kay Ginang Lucy Lu na petitioner ng naturang kaso kundi sa lahat ng konsyumer.
Kahit inabot ng halos 19 taon bago makamit ang hustisya sa traumatic niyang karanasan dahil sa puwersahang pagputol sa koneksyon ng kuryente, hindi nasayang ang kanyang pagod at gastos sa paglaban sa pinapaniwalaan niyang inhustisya sa naging sitwasyon niya.
Nagpahayag ang Meralco na igagalang ang naturang desisyon ng kataas-taasang hukuman.
Batayang karapatan ang due notice sa ilalim ng demokratikong sistema. Bawal ang umakto batay sa impulse o kapangyarihan. Karapatan ng bawat konsyumer ang makatanggap ng tamang pabatid mula sa utility service provider na Meralco lalo na kung ito ay usapin na emergency gaya ng disconnection.
Mayroong idudulot na samu’t saring problema ang disconnection sa isang konsyumer, dahil dito nakasalalay ang kanyang buhay at ikinabubuhay. Hindi simpleng pagkawala ng kuryente ito. Maaaring magdulot ng kapahamakan, kahihiyan, disrapsyon trabaho at aral, at pagkawala ng kabuhayan.
Sasabihin ninyo, e bakit kasi hindi magbayad sa takdang oras? Asan ang disiplina ng konsyumer?
Ayon kay Prof. Reggie Vallejos, tagapagsalita ng Samahan ng Nagkakaisang Konsyumer o SUKI Network, higit sa disiplina ay kailangang i-address o tugunan ang punot-dulo kung bakit nauuwi sa disconnection of services. Aniya, mas malawak na dahilan ang kakulangan at kakayanan na magbayad dahil sa di sumasapat na sahod, o di kaya dahil sa kawalang katiyakan na trabaho o kawalan ng trabaho.
Sa paliwanag niya na ibinatay sa datos ng research institution na Ibon Foundation, kahit lumalaki ang bilang ng may trabaho, lumolobo naman ang mahinang kalidad ng trabaho o job informality na umaabot sa 37 million.
Gayundin ang datos ng Bangko Serntral na nagsabing nasa 19 milyong mamamayan ang maliit ang kita o walang ipon. Sa mga wage earners naman ang minimum wage kahit tinaasan sa National Capital Region sa umentong P40 kulang pa rin sa Php 1,160 family living wage.
Take note na ang minimum wage ay iba sa tinatawag na living wage o sahod na nakakabuhay.
Samantala, ang mga serbisyo dito sa atin tulad ng kuryente ay gumagana sa user fees na pinapatakbo ng pribadong kompanya hindi bilang serbisyo kundi bilang negosyo. Kaya hindi nakakapagtaka na habang patuloy na nahihirapan sa pagbabayad ng kuryente ang konsyumers, ang Meralco naman ay tumatabo ng tubo. Katunayan, nireport ng higanteng kompanya ng kuryente na lumaki ang net income nito sa P27.1 bilyon mula sa Php24.6 bilyon noong 2021.
Matagal ng panahon na nagbibigay suhestiyon sa pamamagitan ng position papers ang Matuwid na Singil sa Kuryente (MSK) na bahagi ng network ng SUKI, sa Energy Regulatory Commission tungkol sa makatao at makatuwirang singil sa kuryente. May pag-aaral ang MSK noon pang 2015 na nagsasabing puwedeng matapyasan ng tatlong piso kada kilowatt hour ang charges sa generation; habang sinabi rin ng naturang advocacy group na maraming unnecessary charges na nakapaloob sa bill natin sa kuryente. Kung binubusisi lamang ang mga rekomendasyong ito ng MSK ay tiyak na ang malaking kabawasan sa monthly bill at mapapagaan ang badyet ng konsyumer na magreresulta sa pagbabayad nito sa takdang panahon.
Samakatuwid, sa hirap na kalagayan ng mayoryang konsyumer dapat mas tiyakin ng pamahalaan ang accessible at affordable electricity bilang bahagi ng consumer right to basic services. Panghawakan ng gobyerno ang serbisyong ito para hindi nadedehado ang mamamayan sa mahal na presyuhan. Sa tagal na panahon na ikinarga ang FIT -ALL o feed-in-tariff sa ating mga bills para sa renewables subsidy, bakit hanggang ngayon mas pinapagana ang coal plants na delikado sa kalikasan? Bakit mahal pa rin ang presyo ng kuryente sa Pilipinas?
Ang desisyon sa kaso ni Ginang Lu ay magbukas sana sa puso ng Meralco upang tingnan na rin ang kanyang sistema ng pagnenegosyo. Bilang public utility na may espesyal na pribilehiyo sa prangkisa, service-oriented dapat at hindi profit-oriented ang naturang ahensya. At dahil service-oriented, mas mauna dapat ang pang-unawa kaysa panggigipit sa konsyumer.