HINDI ko alam sa inyo, pero para sa karamihan, ang pirming nakatambay ngayon sa isip nila ay kung paano maitatawid ang magdamag na may laman ang tiyan.
Kahapon sa harap ng Mercury Drug sa aming bayan sa Rodriguez, nabungaran ko ang isang nasa 30s- gulang na babae, may bitbit na sanggol at walong taon gulang na batang lalaki. Hindi sila mukhang pulubi. Hindi madungis at nakaapak. Maayos ang mga damit at nakasapatos. Hindi rin payat; katamtaman lang ang pangangatawan nilang mag-iina. Pero nang lapitan ko ang nanay at bulabugin sa kanyang pag-aabang ng limos, nasilip ko sa kanyang mga mata ang desperasyon. Ang pagtanggap sa katotohanan ng nanliliit niyang pagkatao dahil sa pamamalimos, na ni sa hinagap niya ay di inakalang aktuwal na mararanasan. Siya si Sandra.
Si Sandra ay dating empleyado ng sikat na clothing store sa Gateway. Nagka-pandemya at natanggal sa trabaho. Sa ngayon daw ay bukas pa ang dating pinagtatrabahuan, pero mismong may-ari na lang ang tumatao bilang all-in-one staff. Ang kanyang asawa ay walang trabaho; dating sumasama-sama lamang sa installation ng CCTVs– namatay ito sa COVID noong Abril. Sa isang government housing sila nakatira bandang San Isidro, na ngayon ay kanya ring pinuproblema dahil ilang buwan nang hindi niya nahuhulugan. Ang takot niya ay mawalan sila ng tirahan at tuluyang magpalaboy-laboy sa daan.
Damang-damang ko sa kanyang bawat titig ang kawalang direksyon; nang kawalang pag-asa.
These are the worst of times. Parang mga asno (donkeys) sa disyerto ang karamihan sa atin ngayon. Pabagal nang pabagal ang mga hakbang. Hindi mo marahil ramdam ito kung hindi mo pa nararanasan ang mawalan ng isasaing, ang maputulan ng koneksyon sa kuryente, ang mapilitang mamalimos, ang humikbi sa isang sulok at makaisip ng pagpapatiwakal.
Habang kulay rosas na ipinipinta ng National Economic Development Authority (NEDA) ang pagbangon ng ekonomiya, napapaisip ako kung ito ba ay mapapakinabangan pa ng mga dukhang nakaabang na lamang sa unti-unting pagpinid ng pintuan ng pag-asa?
Ang delubyong dala ng pandemya ang nagwasak ng pangarap at pag-asa ng marami. Subalit mas nakakalungkot na sa gitna ng kawalan ay umusbong din ang pananamantala. Ang pagiging makasarili. Ang pagka- ganid.
Tumambad sa atin ang lantarang nakawan sa ayuda, ang pananamantala ng nasa pamahalaan para kumita imbes na ipan- serbisyo publiko. Sa tuwing isusuot ko ang aking face shield ay hindi kaligtasan ang naiisip ko kundi ang Pharmally at ang mga kakutsaba nito sa mga kontratang nagpahirap lalo sa publiko.
Kung paano nila nagawa ang karumal-dumal na panlalamang sa taumbayan sa gitna ng matinding paghihikahos ng marami. Sasabihin ng ilan na bakit sa tuwi-tuwina ay nagrereklamo tayo? Bakit sa tuwi-tuwina ay sinisisi natin ang gobyerno? Bakit pati indibidwal na kahirapan ay kasalanan ng gobyerno.
Pondong Winalanghiya
Gobyerno ang sinisingil natin sa kahirapan dahil sa malaking papel nito sa pagsasaayos ng kabuhayan sa panahon ng pandemya. Ang gobyerno ang parens patria o guardian of the people na dapat nagtitiyak na ang mga batayang serbisyo publiko ay maiparating nang tama sa kinauukulan. Oo, may pandemya. Oo walang may kagustuhan na mangyari ang ganitong delubyo. Pero dumating at sinubukan tayo. Sinubukan higit sa lahat kung paano ang tamang responde ng gobyerno sa hamong ito.
Malaking tulong kung ang P1.2 trilyong badyet para sa daan, daungan at iba pang big-ticket projects, ang P470.6 bilyon para sa notoryus na human-rights violating military at ang P512.6 bilyon para sa debt servicing interest payments na nakatakda para sa 2022 national budget ay mai-reroute sa mga social services kasama ng budget para sa patuloy na pagsugpo ng COVID-19, online learning at subsidy o condonation sa pabahay projects ng pamahalaan, subsidy sa mga magsasaka na iginupo na ng napakababang presyo ng palay.
Higit sa lahat, ilaan ang budget para sa pagtatayo ng mga negosyong pangkabuhayan bilang rekurso ng mga taong nawalan ng hanapbuhay gaya ni Sandra.
Sa darating na eleksyon, maningil tayo. Gawin natin ito sa pamamagitan ng tamang pagboto. Huwag nating hayaang makabalik sa poder ang mga nagbenta ng soberenya, ang mga manlulupig sa sariling nasasakupan at nambubusabos sa kapwa Pilipino habang ang dayuhan ang kakutsaba, ang mga korap at mapanlamang, ang mga nagpayaman habang nanunungkulan, ang mga nangupit sa pondo ng bayan.
Magpokus tayo hindi sa personalidad kundi sa mahahalagang isyu na ating kinakaharap. Ipaglaban ang makataong alokasyon ng pambansang rekurso. Awatin na natin ang mga ganid sa kanilang walang kabusugang pananamantala.
Nasa kamay natin ang pasya.
Let us put an end to this heartless cycle of government ineptness and callousness to people’s needs.
Maningil tayo.