UMIGTING pa ang tension sa South China Sea at East Asia nang nag-show of force ang China para ipakita na babakuran nito ang Taiwan laban sa galawan ng Taiwan at US government.
Nag-war games ang China sa paligid ng Taiwan dahil nairita ito nang bumisita si Taiwan President Tsai Ing-wen sa US at nakipagpulong kay US House Speaker Kevin McCarthy sa California noong isang linggo.
Bilang ganti, nagparamdam ang US Navy guided-missile destroyer, USS Milius at lumapit ng 22 kilometers sa China military base lang sa Panganiban (Mischief) Reef na nasa loob ng EEZ.
Palusot ng US – ina-assert lang nila ang freedom of navigation at “lawful uses of the sea.”
Bago yan, binira ng China ang pagpapalawig ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa dagdag na apat na sites – dalawa sa Cagayan, Camilo Osias Naval Base sa Sta. Ana at Lal-lo Airport na parehong nasa Cagayan, Camp Melchor dela Cruz sa Gamu, Isabela at Balabac, Palawan.
Number one na tumutol si Governor Manuel Mamba na gawing site ang Cagayan, hindi lang isa kundi dalawa pa.
Paliwanag ni Mamba, ayaw nila ng kampong militar at presensya ng dayuhang militar sa Cagayan dahil magiging magnet of attack ito, lalo na ng nuclear attack.
Giit pa ni Mamba, ayaw nila ng gyera at ayaw nila ng mga armas mula sa ibang bansa dahil magpapasimula ito ng gyerang hindi nila kagustuhan.
Para kay Mamba, sapat na ang military presence sa Cagayan para matiyak ang kapayapaan at seguridad sa probinsya kaya hindi na kailangan ang dagdag na tropa mula sa ibang bansa.
Paliwanag niya, may dalawang brigada sa Cagayan – Philippine Marines at isa sa army – sakto lang para labanan ang “internal at external threat.”
Sa konting research, nakita kong may hugot si Mamba sa pagkontra sa EDCA.
May vision siya sa probinsya na nakalatag sa kanyang 10-point Cagayan Development Agenda (CAGANDA 2025) na pintuan ng Pilipinas sa East Asia.
Dito, tinatrato niya ang mga bansang Korea, Japan at China at Taiwan na hindi matatawarang partner sa kanyang sustainable people-centered economic development.
Inaasahang magiging mahalagang parte ng international trading at investment center ang Cagayan dahil sa vision na yan.
Bakit nga naman hindi Cagayan ang pinakamalapit sa apat na malalaking trading partners ng Pilipinas ayon sa Worldstoexports.com hanggang nitong 2021.
China na number 2 ($11.5B), pangatlo ang Japan (10.7B) at pangwalo ang South Korea ($2.6B).
Nasa Top 10 OFW destinations hanggang noong isang taon ang Japan, South Korea at Taiwan ayon sa Bria.com.
Malaki ang potensyal ng Cagayan lalo’t binuksan at pauunlarin pa ang Aparri Port na pwedeng alternatibo sa Port of Singapore, ang International Airport at Smart city sa Piat Solana-Tuao area at ang railway system na magdurugtong sa dalawang ports.
Hindi nakapagtataka at nung March 2022, kinilala si Mamba bilang Top 5 Performing Governor ng Pilipinas sa nationwide survey ng RP Mission and Development Foundation (RPMD).
Matalas magsuri si Mamba at malinaw sa kanyang hindi sila ang makikinabang sa EDCA bagkus, ikapapahamak lang ito ng kanilang probinsya at kanilang mamamayan.
Hindi ko kilala nang malaliman si Mamba bukod sa isang doktor, wala naman ako naresearch na isa siyang corrupt maliban sa kaso ng pandaraya sa election na nadismiss.
Pero nakikiisa ako sa paninindigan niyang ito.
Gayunman, nanaig ang pagiging sunud-sunuran ni Marcos Jr sa Amerika at brinaso si Mamba ng national government at defense establishment kaya wala siyang nagawa kundi sumunod sa kanilang kagustuhan.
Dahil diyan, may pangamba na maapektuhan nang tuluyan ang CaGanDa vision ni Mamba.
Mula nang itinaguyod ang Mutual Defense Treaty nung 1951, wala naman talaga itong naitulong ng malaki sa Pilipinas.
Hindi naman ito ginamit pangontra sa pananakop at pagtatayo ng China military at naval installations nang nagsimulang magtayo ng artificial land sa ilang reef at atolls nung 2014 .
Isa sa tatlong low-tide features na ni-reclaim ng China ay Subi Reef na meron nang 394 hectares ng artificial island na ayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea ay Pilipinas lang ang may karapatang magtayo.
Saklaw naman ng EEZ ng Pilipinas ang Mischeef Reef na reclaimed din ng China kaya Pilipinas lang din ang may K magtayo ng artificial island ganun din ang Hughes Reef na sakop ng ating EEZ.
Kelan lang naman nag-shift ng focus ang US sa South China Sea area na binansagan nilang Indo-Pacific Region at nangakong hindi pauungusin ang China na sakupin ang buong rehiyon.
Ilang dekada na ring tumutok at gumastos ng trillion dollars ang US sa panggagatong nito ng gyera sa Europe at Middle East at pananakop sa maraming bansa na may mga terorista at may banta sa demokrasya sa ilang bansa na kanilang sinasalakay.
Pansin namang nalulugi na ang US sa laban vs Russia na naglunsad ng military action sa Ukraine.
Sa gitna ng tumitinding tensyon ng US at China sa West Philippine Sea pati na rin sa Taiwan, nadagdagan pa ang mga bansang nakikiisa sa Pilipinas sa paglaban nito sa ilegal at agresibong panghihimasok ng China sa mga isla o features na sakop ng Exclusive Economic Zone ng bansa.
Pabor ako sa suhestyon ni Australian academic expert on defense and security Prof Carlyle Thayer na magtayo ng sariling militaty base ang Pilipinas sa Pag-asa kung papayag ang mga tao doon.
Matitiyak nitong mapoproteksyunan ang mga mangingisda, komunidad ng Pag-asa at nagsisilbing political statement na ang Kalayaan Islands ay saklaw ng sobereniya ng Pilipinas.
Hindi naman nakapagtataka ang malawak na suporta ng international community sa Pilipinas dahil tayo ang may pinaka-legit at legal na ganansya at pusisyon para harapin ang panggugulo ng China.
Kaya naman Pilipinas dapat ang manguna sa kampanya na itaguyod ang rule of law sa South China Sea.
Magagamit ito ng Pilipinas para mapalakas ang alyansa sa pinakamaraming bansa at pagtulong nila sa laban ng Pilipinas na hindi umaasa sa US.
Alam naman kasi natin na ang trillion-dollar investments at trading at regional military domination ang target nila sa Indo-Pacific area.
Bagay na hindi carry ni Marcos Jr. dahil for the longest time, nakinabang sila sa suporta ng US sa pumanaw na diktador Marcos Sr. at nung bumagsak ang diktadurya ay kinupkop sila sa Hawaii hanggang paunti-unting bumalik sa Pilipinas hanggang muling namayagpag sa pulitika.
Ang magagawa natin ay maging vigilant sa galawang US-Marcos Jr sa Pilipinas at ng China, manindigan sa West Philippine Sea batay sa 2016 Tribunal decision, tutulan ang patuloy na agresyon ng China at pakikialaman ng US, itulak ang regional cooperation sa paglinang ng mga yamang dagat at langis sa South China Sea at partikular sa Pilipinas – sa West Philippine Sea.