Mambabatas na naluluklok mahinang klase kaya serbisyo ‘substandard’

SA panahon na dapat ay level up na lahat, mahihinang klase ang iniluluklok natin na mga mambabatas. Kung kaya ang bulok na imahen ng lehislatura ay lalo pang humihina dahil sa  klase ng mga mambabatas na ating inihahalal. 

Who is to blame for this? 

Kapag nag-aaplay tayo ng trabaho, kahit simpleng administrative work, kailangan natin ng degree mula sa pinakamagagandang kolehiyo. Hahanapan din tayo ng karanasan sa trabaho, at iba pang “special skills” pandagdag sa ating mga batayang kwalipikasyon. 

Subalit sa pag-aaplay bilang mambabatas: sa House of Representatives at sa Senado, ito lamang ang mga kwalipikasyon: 

  1. natural-born citizen of the Philippines:
  2. at least 25 years old of age (for Congressman); 35  years old (for Senator)
  3. able to read and write;
  4. a registered voter;
  5. a resident of the Philippines for not less than two years immediately preceding the day of the election. (Section 2, Article VI, 1987 Constitution)

Maraming political analysts ang nakakaobserba ng kapareho ng aking obserbasyon: ang bumababang kaledad ng mga mambabatas sa ating Kamara at Senado.

Binabasa ko ang mga nominees ng Partylist, halimbawa.

Ito ang mga representante o Kongresista na ihahalal sa pamamagitan ng sektor na kanilang ire-represent.  Iba-iba ang background, at karamihan ay galing sa angkan ng mga traditional politicians o trapos. Marami ay artista, mayroon pa ngang artista (dating boldstar) na ngayon ay nominee. Pero walang tertiary education na masasabi at walang background sa local governance man lang. 

Hindi ko minamaliit ang mga walang natapos subalit lakas-loob na sumasabak sa pulitika. Subalit ang totoo, kailangan sanang armado muna ng kaalaman sa lipunan ang mga taong nais mamuno o gumawa ng batas.

Mahalaga ang kaalaman, ang malawak na kaalaman- tungkol sa mga problema sa lipunan, bago masabing may karapatang mamuno.  Hindi lang kasi  mabuting intensyon ang kailangan sa paggawa ng batas; kailangan din ng husay at  talino upang ang mga panukala ay totoong para sa public interest o public welfare. 

Nakaka-miss ang nakaraang panahon na ang mga umuukopa ng malawak na bulwagan ng lehislatura ay mga inihalal by virtue of their exemplary academic and intellectual qualifications: Arturo Tolentino, Lorenzo Tanada, Jose Diokno, Jovito Salonga, Rene Saguisag, Gerry Roxas, Ninoy Aquino, Ambrosio Padilla, Claro M. Recto, Ramon Mitra, Teofisto Guingona, Letecia Ramos-Shahani, Miriam Defensor-Santiago…at marami pang iba. 

Ngayon mayroon tayong mga senador na nakulong sa kasong plunder,  mga kongresistang galing sa angkan ng mga manlalaro, na nahalal  batay sa magandang pangangatawan at pagmumukha, senador na action star at galing sa angkan ng mga artista, kongresista na sumipsip sa dating Pangulo at nagkamal ng pera, singer na isinuko ang prinsipyo para sa kapangyarihan…, mga mambabatas na umaayon sa kahit anong maling prinsipyo sa ngalan ng pera at pananatili sa partido. Sila ang totoong nagpapadilim sa ating hinaharap. 

Sinisisi natin ang ating sarili bilang mga bobotante sa pagkakaroon ng walang kaledad na legislators, subalit dapat ding sisihin ang mga political parties na siyang nagnominate sa mga ito at isinasama sa lineup batay sa kanilang popularidad at hindi sa lehitimong kuwalipikasyon. 

At ngayong 2025 election, hindi rin kaaya-aya ang  nakikita nating outcome ng mga mananalong kandidadto. Gumagalaw kasi ang pera pambili ng boto, kaya siguradong hindi na naman karapat dapat  ang mauupo. Ang iilang kuwalipikado ay “tatalunin ng mga “mediocre” o “substandard”- simply because that is how Philippine politics work. Kaya ang end-result: mediocre Congress or Senate.  

Nasa kamay  natin ang nararapat na pagbabago sa ating lipunan. Helpless ba tayo? Hindi naman. Kailangan lang hindi mapapagod sa pagbibigay ng edukasyon at tamang kamulatan sa masa.