SA halip na magalit, tiyak na tuwang-tuwa ngayon si dating Senador Bongbong Marcos sa ginagawang mga “paggiba” laban sa kanya at malamang na tuluyang maging pangulo ito kung hindi babaguhin ang taktika ng kanyang mga kalaban.
Nakakaumay na ang paulit-ulit na banat at panlilibak na ginagawa ng kanyang mga kalaban at sa halip na magalit ang simpleng mamamayan lalu lamang umaani ng awa at simpatya ang kandidatura ni Bongbong.
Matatawag na walang alam sa propaganda ang mga kalaban ni Bongbong. Nawalan ng matinong pag-iisip kung papaano tamang aatakihin si Bongbong, at laging inaakala na sa pamamaraang opensiba dapat gawin para malumpo ang kanilang kalaban.
Dapat isipin ng mga kalaban ni Bongbong na hanggang sa ngayon ang sinasabing “FPJ formula” ay epektibo pa rin sa masang Pilipino. Ang tinatawag na api o pinagtutulungan gulpihin ay isang uri ng propaganda na laging nakakakuha ng suporta sa mga aping mahihirap.
At ito ang nangyayari kay Bongbong. Bugbog sarado na ang kanyang kandidatura at pinagtutulungan ng mga tulad nina Max Alvarado, Paquito Diaz, Ruel Vernal, Dick Israel, Boy Garcia, Joaquin “Buwaya” Fajardo at iba pang mga kontrabida na kalaunan ay magagapi at mapagtatagumpayan ni Da King.
Poot at galit ang namamayani sa mga kalaban ni Bongbong. Hindi nag-iisip na sa kanilang ginagawang atakeng opensiba ay lalu lamang itong umaani ng suporta. Walang patol, ika nga, ang paulit-ulit na linyang magnanakaw, mandaraya, sinungaling, manloloko, drug adik, impostor at hindi nakapagtapos ng pag-aaral ang dating senador.
Patunay na sa kabila ng walang humpay na mga banat sa social at mainstream media, namamayagpag pa rin si Bongbong sa mga survey at napakalayo ng agwat sa kanyang mga kalabang sina Vice President Leni Robredo, Manila Mayor Isko Moreno, Senator Manny Pacquiao at Senator Ping Lacson.
Kaya nga, payo natin sa mga kalaban ni Bongbong na “magpabugbog” na rin. Mano bang, “gulpihin” nyo paminsan-minsan si Leni at tiyak na makakakuha ito ng suporta sa taongbayan.
Nahahalatang amateur ang media handler ni Leni, laging positibo ang latag ng mga balita at mukhang nagsawa nang mag-isip at pinanawan na rin ng mga bagong gimik na kakagatin ng masa.
Ganun din sa kampo nina Isko at Ping, kailangang maging agresibo ang mga ito sa kanilang propaganda at gumawa ng mga bagong ideya na papatok sa simpleng mamamayan para maungusan ang nangungunang presidential aspirant.
At kay Pacquiao naman, hayaan na lang natin siya sa kanyang trip dahil wala naman itong panalo at makabubuting ituloy na lamang niya ang pamimigay ng kanyang datung sa mahihirap nating mga kababayan.
Sa Pebrero pa magsisimula ang campaign period at maaari pang makahabol at maunahan nina Leni, Isko at Ping si Bongbong. Sabi nga mismo ni FPJ… “Sabihin mo na ang gusto mong sabihin, pero gusto kong malaman mo na huwag ka munang magpaikot. Hindi pa tapos ang laban!”
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]